ni Justine Daguno - @Life and Style | January 4, 2022
Maiksi man o mahaba ang naging panahon sa kumpanya, masasabi nating naging parte pa rin ito ng ating buhay. Para sa iba, destiny nila ang trabaho na meron sila ngayon, pero may ilan namang wala lang choice kaya napadpad sa field kung saan siya naroon.
Sa panahon ng pandemya, masuwerte ang mga taong hindi nawalan ng oportunidad para maghanapbuhay, pero paano nga ba natin masasabing naging makabuluhan ang buhay sa trabaho?
1. MERONG IPON. Sure na worth it ang buhay natin sa trabaho kung may ipon tayo. Bagama’t marami rin naman ‘yung halos walang naipon o savings, pero ang maganda lang ay may naipundar o may napuntahan naman ang kanilang kinita, tulad ng nakabili ng appliances, nalinis ang utang ng mga magulang, napag-aral ang mga kapatid at iba pa.
2. MERONG BAHAY. Malaki man o maliit ang naipundar na bahay, oks lang ‘yan. Marami sa atin ang may pangarap na magkaroon ng sariling bahay. Hindi man ito ang basehan ng estado sa buhay, madalas basehan naman ito kung gaano kagaling humawak o dumiskarte sa buhay ang tao.
3. MERONG SASAKYAN. Tulad ng pagkakaroon ng sariling bahay, ang pagkakaroon ng sariling sasakyan ay pinapangarap din ng marami sa atin. Kaya marami sa atin ang todo-sikap nang sa gayun ay makabili ng 2-wheels, 4-wheels o family van man ‘yan.
4. MERONG MAGANDANG MEMORY. Minsan, kapag walang ipon, walang naipundar na bahay o sasakyan ay bumabawi na lang sa memories. Ito ‘yung mga experiences sa kumpanya hindi matutumbasan ng anumang halaga — experience na hindi man makita ng mga mata, alam naman natin sa pakiramdam ang tunay na halaga.
‘Ika nga nila, masuwerte ang mga taong pinalad makapag-retire sa entry level o unang trabaho nila, pero magkakaiba ng kapalaran ang bawat isa. Malaki o maliit man ang suweldo, madali man o mahirap, maganda man pakinggan o hindi, tandaan na anumang uri ng trabaho ay mahalaga, basta legal at marangal ito. Sikapin lamang na magiging makabuluhan ito nang sa gayun ay hindi sayang ang oras natin. Okay!
Comments