ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 3 , 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Camile na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Ang panaginip ko ay tungkol sa lalaking naghihintay sa akin sa tabing dagat, at nanaginip din ako na ikinakasal ako, tapos ang ganda ng wedding gown ko, at ang saya ko dahil napakaganda ng kasal ko. Tapos ‘yung groom, siya rin ‘yung nasa dagat. Nakilala ko siya sa built ng katawan niya at blurred ang mukha niya, pero in real life, may na-meet akong lalaki at niyaya akong manood ng sunset sa tabing dagat, at ‘yung built niya ay pareho ng lalaking nasa panaginip ko. Mula nang na-meet ko ang lalaking ‘yun, hindi ko na napanagipan pa ang kasalan sa tabing dagat. Ano ang ibig sabihin nito?
Napanaginipan ko rin ang tubig, naliligo ako sa swimming pool na napakalinis at napakalinaw ng tubig. Tapos kumuha ako ng bato saka nilubog ko sa tubig at pinalulutang ko pero hindi naman lumutang ‘yung bato. Makinang ang bato, medyo dark ang kulay at may pagka-gray at silver ang bato at kapag itinutok sa araw, kumikinang. Sana masagot n’yo ang kahulugan ng panaginip ko.
Naghihintay,
Camile
Sa iyo, Camile,
Napakaganda na napanaginipan mo ang tungkol sa wedding mo. Lahat ng babae, pinapangarap ang isang pagkaganda-gandang kasal, pero hindi lahat ay nagkakaroon nito.
Ang totoo nga, sa panahon ngayon, mas marami ang nag-aasawa nang hindi naikakasal. Ang iba naman ay civil wedding ang pinipili. Mayroon ding mga kasal sa simbahan, pero kaunti lang ang bilang ng bonggang kasalan at sa mga naikakasal, masasabing iilan lang ang nagkakaroon ng magagandang kasal tulad ng iyong napanaginipan na “wedding by the beach.”
Ang ibig sabihin ng panaginip na umaasa ka na ang lalaking nagyaya sa iyong manood ng sunset sa tabing dagat ay ang pangarap mong mapangasawa. At simula nang makilala mo siya ay hindi mo na napanaginipan ang kasalan sa tabing dagat ay nagsasabing, mas magugustuhan mong mapangasawa ang lalaking binabanggit kahit hindi na sa tabing dagat ang kasal ninyo.
Kumbaga, kuntento ka kahit simpleng kasal dahil ang sabi ng sarili mo, ang totoong kaligayahan mo ay mapangasawa ang lalaking nagyaya sa iyo.
Kaya lang ngayon, ayon sa ikalawang panaginip mo, hindi masaya ang iyong love life. Kumbaga, hanggang ngayon ay nangangarap ka na sana’y magkaroon ka ng maligayang love life. Ibig sabihin, ‘yung lalaki na nagyaya sa iyo sa tunay na buhay na manood ng sunset sa tabing dagat ay hindi mo pa boyfriend o karelasyon.
Gayunman, sa ganda ng iyong naranasan na kayong dalawa ay nanood ng sunset, kayo ay talagang puwedeng magkatuluyan bilang mag-asawa.
Para mangyari ito, ikaw ay pinapayuhang magpakita sa kanya ng kakaibang pagtingin, kumbaga, ikaw ay may gusto sa kanya. Huwag kang mahiya dahil may isa pa akong ibabalita sa iyo kung saan sa panahon ngayon, talagang nangyayari na babae ang mas agresibo o mas ipinakikita at ipinadarama ng babae sa lalaki na siya ay in love rito.
Oo, iha, iba na ngayon at hindi tulad sa mga nagdaang panahon na naghihintay lang ang babae sa lalaki.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments