ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 3, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Connie na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Bakit noong bata ako, madalas kong napapanaginipan na nahuhulog ako sa ilog at kusa rin akong nakakaakyat at minsan naman ay hinahabol ako ng dalawang nag-uumpugang bato?
Ang isa pang ipinagtataka ko ay bakit ‘yung panganay kong anak ay ganundin ang panaginip? Ano ang ibig iparating sa amin ng panaginip na ito?
Naghihintay,
Connie
Sa iyo, Connie,
Noong bata ka, ipinauuna ng iyong panaginip na sa paglaki mo ay mahihirapan kang magdesisyon sa buhay. Bakit? Dahil ang isip at puso ay maitutulad sa dalawang bato na nag-uumpugan, kumbaga, hindi mo malalaman kung ano ang ipapasya sa maseselang aspeto ng iyong buhay.
Ang nahuhulog ka sa ilog ay nagbabala na may takot ka na walang makasama sa iyong pagtanda. Pero dahil nakakaakyat ka sa iyong panaginip, ito ay nagsasabing sa totoo lang, kaya mong mag-isa sa buhay. At dahil ang hinahabol ng dalawang nag-uumpugang bato ay napapanaginipan din ng anak mong panganay, ito ay nagsasabing siya ay ganundin ang mararanasan sa buhay kung saan naglalaban ang puso at isipan.
Ito ang solusyon kapag naharap ka sa mabigat na sitwasyon tulad ng nag-aaway ang isip at puso mo:
Mahalaga sa tao na siya ay may kaibigan o best friend. Ang totoo, ang best friend ay higit na kailangan kaysa sa mga kapamilya. Siyempre, kailangan din natin ang ating pamilya, pero sa pagpapasya, lalo na sa personal na bagay, higit na matimbang ang payo ng ating bestfriend.
Mapapansin mo na may mga taong sa totoo lang ay walang kaibigan. Siguro, sasabihin nila na hindi totoo dahil ang lahat ng tao ay may kaibigan, pero talagang may tao na walang kaibigan at siya ang taong sarili lang ang kanyang sinisunod.
Ang totoo pa nito, sa biglang tingin lang naman siya may kaibigan, pero kung susuriin mong mabuti ang kanyang buhay, ang mga “kaibigan na sinasabi niya ay hindi naman niya talaga sinusunod dahil ang mga kaibigang ito ay tagasunod niya, na walang karapatang magpayo at hindi rin niya pakikinggan kung anuman ang ipayo nito sa kanya.
Malungkot ang buhay ng taong walang kaibigan dahil ang “kaibigan” sa tingin niya ay mga tauhan, aalalay at nakakasama lang niya, pero walang gaanong lalim o sustansiya ang kanilang samahan. Ito ay alam niya dahil hindi naman siya talaga nakikinig sa mga kaibigan niya. Under niya, kumbaga, ang akala ay mga kaibigan niya.
Ang tunay na kahulugan ng salitang “magkaibigan” ay pantay lang ang dalawang magkaibigan, kumbaga, tanggap ng bawat isa na walang mas magaling dahil kapag may isang magaling at ang isa pa ay alalay o tauhan lang, walang mangyayari sa isang panig.
Dahil dito, ipinapayo ng inyong panaginip na kayo ng anak mo ay dapat na may matalik na kaibigan, na siyang inyong pakikinggan kapag ang isip at puso ay nagbabanggaan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments