ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Pebrero 1, 2024
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Dory ng Calamba, Laguna.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na niregaluhan ako ng dyowa ko ng pabango, singsing, kuwintas at hikaw na may palamuti na perlas. Natuwa naman ang dyowa ko habang isinusuot ko ito, at bigla na lamang niya akong hinalikan sa pisngi at labi.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Dory
Sa iyo, Dory,
Ang napanaginipan mo na niregaluhan ka ng dyowa mo ng pabango, ito ay pahiwatig na magtatagumpay ka sa lahat ng mga pangarap mo.
Ang singsing, kuwintas at hikaw na may palamuti na perlas ay senyales ng kaligayahan, tagumpay at karangalan. Liligaya ka sa susunod na mga araw dahil sa malaking tagumpay na nakamit mo. Pararangalan at kikilalanin ka sa pinapasukan mong trabaho.
Samantala, ang sinuot mo agad ang mga binigay niya sa iyo ay tanda na magpapakasal na kayo ng dyowa mo. Ang natuwa siya at bigla ka niyang hinalikan sa pisngi at labi ay simbolo ng tunay at tapat niyang pag-ibig para sa iyo. Tapat ang pagmamahal na ibinibigay niya para sa iyo at wala siyang tanging iibigin kundi ikaw lamang habambuhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
Comments