ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 26, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Aurea na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan kong nag-away kami ng mister ko. Nagalit ako sa kanya, tapos pinagpupukol ko siya ng mga pinggan kaya nabasag ang mga ito. Tapos hindi naman galit sa akin ‘yung mister ko sa panaginip.
Sa totoong buhay, nag-aaway kami pero paminsan-minsan lang at hindi ko naman inihahagis ang mga kasangkapan namin. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Aurea
Sa iyo, Aurea,
Sa buhay may-asawa, normal na nag-aaway, kaya masasabing hindi normal kapag walang away. Kumbaga, dumarating sa buhay nila na sila ay hindi nagkakaunawaan.
Minsan, ang pag-aaway ay grabe tulad ng nangyari sa iyo sa panaginip na pinaghahagis mo ang mga plato at nabasag ang mga ito. Pero ang totoo, sa buhay ng mga Pinoy, parang normal lang din ito noong hindi pa nauuso ang mga pinggang plastic.
Pero ngayon, uso na ang mga kasangkapang plastic at bihira na sa mag-asawa ang grabe kung mag-away. Bakit kaya? Minsan, ang sagot pero puwedeng hindi totoo ay mas pinipili na lang ng mag-asawa na magplastikan.
Halimbawa ay hindi galit, ‘yung kunwari ay okey lang at nauunawaan ang asawa, kumbaga, mas marami ngayon ang nabubuhay sa pagkukunwari.
Kaya lang, masama ang naging epekto ng buhay na kunwarian lang dahil dumami ang bilang ng mga nagkakasakit. Ito ay ayon sa mga sikolohista na ang madalas na sanhi ng pagkakasakit ng mga Pinoy ay nag-uugat sa kanilang pagkukunwaring sila ay okey lang.
Ang panaginip ay nagsasabing matagal na kayong hindi nag-aaway ng mister mo kaya paniwalaan mo man o hindi, miss na miss mo nang awayin ka ng mister mo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments