ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Ika-14 Araw ng Abril, 2024
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni James ng Davao.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na naglalakad ako sa baku-bakong daan. Madilim ang paligid kaya ‘di ko nakita ‘yung bato, at nadapa ako.
Gayunman, tumayo at nagpatuloy ako sa paglalakad. Mabuti na lang, may nabanaagan akong liwanag sa dako pa roon.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
James
Sa iyo, James,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na naglalakad ka sa baku-bakong daan, madilim ang paligid, at nadapa ka ay makakaranas ka ng mga sagabal sa mga plano mo sa buhay.
Malaki ang magiging problema mo na halos ‘di mo malaman kung paano ito sosolusyunan. Dahil dyan, matatagalan pa bago mo makamit ang tagumpay.
Samantala, ang nagpatuloy ka sa paglakad hanggang sa may nabanaagan kang liwanag ay nagpapahiwatig na kung hindi ka mawawalan ng pag-asa, patuloy na makikibaka sa mundo, at buong tapang na haharapin ang mga problema, sa dakong huli ay makakaraos ka rin. Uunlad ang iyong buhay at isa ka sa magiging pinakamayaman sa lugar n’yo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna
تعليقات