ni Jersy Sanchez - @Life and Style| June 29, 2020
Kung patok noon ang online selling dahil convenient ito para sa seller at kostumer, lalong marami ang pumasok dito mula nang isailalim tayo sa lockdown. Ito kasi ang ginamit ng ilan nating kababayan bilang alternatibong paraan para kumita kahit nasa bahay lang.
Kadalasang pagkain ang ibinebenta nila, na maaaring dessert, pastries o ulam at meron ding nagbebenta ng medical supplies tulad ng facemask at face shield.
Minsan nga, nagmumukha nang shopping website ang ating social media feeds dahil sa dami ng kakilala nating nag-o-online selling, kaya masasabi nating ginagawa talaga nila ito para matustusan ang kani-kanilang pangangailangan.
Pero anu-ano nga ba ang magagawa natin para makatulong sa kanila?
1. BUMILI. Siyempre, ito ang No. 1 na dapat gawin. Mga bes, hindi porke kakilala, kaibigan o kamag-anak natin ang nagbebenta, hihirit na tayo ng discount o tawad, ‘wag ganu’n! Baka imbes na ganahan silang magbenta, eh, tamarin sila dahil iniismol natin sila. Sa totoo lang, halos barya lang ang tubo nila sa bawat produktong ibinebenta nila kaya naman, kung afford natin, ‘wag nang humirit ng tawad. Iwasan din ang mga linyang “Bakit sa ganito, mas mura?” “Bakit kay ganito, mas maganda?” dahil nakaka-offend ito para sa kanila.
2. MAG-IWAN NG FEEDBACK. Ito ang isa sa pinakamabisang paraan para dumami ang kostumer. Pagkatapos bumili at subukan ang produkto, ‘wag kalimutang sabihin ang feedback dahil madalas, ito ang tinitingnan ng interesadong buyers bago sila makipag-transaksiyon sa seller. Maging honest sa feedback dahil paraan din ito para malaman ng seller kung saan pa siya puwedeng mag-improve pagdating sa kalidad ng kanyang mga ibinebenta.
3. DELIVER O PICK-UP. May mga seller na nag-o-offer ng “meet-up” para personal na maibigay sa kostumer ang kanilang binili. Pero hindi ba, takaw-oras ito? Tipong ‘yung oras na ilalaan ni seller sa pagpunta sa meet-up place at pag-uwi ay puwede niyang gamitin sa paghahanda ng iba pang ibebenta o pagbe-bake. Kung madaraanan mo naman ang bahay niya, puwede mo itong pick-up-in na lang para bawas-oras, pero kung hindi, may mga mapagkakatiwalaang express delivery services na puwedeng gamitin para hindi n’yo na kailangang lumabas, gayundin, less exposure sa maraming tao.
4. MAG-REACT, COMMENT AT SHARE. Malamang, may hihirit d’yan ng, “Paano kung wala kaming pambili?” Simple lang, magreact, comment o share sa post nila. Bakit? Makatutulong ang engagement sa posts ni seller para makahatak ng possible costumers. Kaya mga bes, kung wala tayong pambili at madalas tayong babad sa socmed, gamitin natin itong paraan para makatulong sa kanila.
5. I-REKOMENDA. Kung nagustuhan ang produktong nabili, ‘wag kalimutang irekomenda ito sa mga kapamilya o kaibigan. Mas pinagkakatiwalaan ng potential costumers ngayon ang “word of mouth” o experience ng kanilang mga kakilala pagdating sa pagsubok ng mga bagong produkto.
For sure, marami sa inyo ang tumatangkilik sa ating mga online sellers at marami na ring socmed groups o community ng sellers kung saan puwedeng i-offer ang kanilang mga produkto.
Sa panahon ng pandemya, maging tulong tayo sa isa’t isa. Hindi kailangang maging bongga ng gagawin natin para sa kanila dahil tulad ng nabanggit, puwede tayong makatulong sa pamamagitan ng pagreact, comment at share sa kanilang posts.
Kuha mo?
Comments