ni Julie Bonifacio @Winner | Nov. 13, 2024
Photo: Ogie at Leila Alcasid - Instagram
Super-excited na ang It’s Showtime (IS) host na si Ogie Alcasid na magkaroon ng apo sa kanyang panganay na anak na si Leila Alcasid.
Ilang araw na lang kasi ay ikakasal na si Leila sa kanyang fiancè at musician na si Mito Fabia.
Bago ang kasal ay matagal ding nag-live-in sina Leila at Mito. Until nag-propose si Mito kay Leila sa Batangas last September.
Noon pa man ay open na si Ogie sa pagsabi na ‘di siya pabor sa pakikipag-live-in ni Leila kay Mito.
At sa guesting ni Ogie sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) noong Martes ay muli niyang ibinulalas ang tampo sa panganay na anak nu’ng magdesisyon na sumama na kay Mito na makipag-live-in.
Pahayag ni Ogie kay Kuya Boy, “Oo naman, nagtampo ako. Kasi ‘tong buong panahon na naghintay ako, kasi hindi naman natin maipagkakaila na hindi s’ya lumaki sa ‘kin.
“So, noong time na biglang nag-isip s’ya na tumira na rito sa Pilipinas, sabi ko, ‘Ito na ‘yung pagkakataon magiging close kami, magiging magkasama kami hanggang sa panahon na mag-aasawa na s’ya.’ ‘Yun nga lang, meron pala silang ibang plano.”
Inamin ni Ogie na ‘di naging maganda ang simula nila ng kanyang magiging son-in-law.
“We didn’t start off with her on the right foot, but we understand each other. We communicate well, saludo ako sa kanya, sa pag-aalaga n’ya sa anak ko,” saad niya.
Ngayon pa lang daw ay naiiyak na si Ogie kapag naiisip na ikakasal na si Leila.
Kaya nu’ng tinanong si Ogie kung ready na ba siya na ihatid sa altar ang kanyang panganay na anak ay ‘di masagot nang diretso ng IS host.
“Ang tingin ko kasi sa panganay ko, kahit 27 na po s’ya, ang tingin ko pa rin sa kanya is a little girl. But I would be so proud, he (Mito) is a very nice man,” esplika niya.
AMY, GAME PUMALIT KAY CHARO SA ABS-CBN
Naging emosyonal ang radio anchors na sina Winnie Cordero at Amy Perez sa ginanap na thanksgiving mediacon ng TeleRadyo Serbisyo ng DWPM RADYO630.
Naibahagi kasi nila sa mga taga-media ang mga kalunus-lunos na kuwento ng kondisyon at paghingi ng tulong ng ating mga mahihirap na kababayan sa kanilang mga programa.
May mga ahensiya kasi sa gobyerno na hirap silang makakuha ng agarang tulong lalo na para sa mga nasa critical stage na.
Salaysay ni Winnie, “Isa sa mga public programs ng DWPM (Tatak Serbisyo, Monday to Friday at 10:30 am), toka ko po sa oras na ‘yun, kami po ay may mga panawagan mula sa aming mga alaga.
“‘Yun po ang tawag ko sa kanila - batang may sakit, merong Syphilis (sexually transmitted infection), disease na stage 3, may leukemia, merong congenital heart disease, etc.. Hindi lang mga bata, mga middle-aged at mga matatanda rin po na kasalukuyang lumalaban sa kanilang nararamdamang sakit.
“Tapos po, nanghihingi po kami ng mga donasyon mula po sa mga ka-serbisyong nakatutok po sa ‘min sa mga oras na ‘yun na hindi naman kami binigo. ‘Yan po ang tatak-Serbisyo.”
Meron din daw silang talakayang medikal at serbisyo rin mula sa iba’t ibang ahensiya na nagbibigay ng mga ayuda gaya ng Philhealth, DSWD and NGOs.
“Tapos po, ‘pag Sabado, kasama n’yo rin po ako na nagbibigay ng extra sunshine sa inyong Saturday morning, ang Win Today (10 AM).
“Dito po ako ano, bumabawi ng happiness. Kasi dito, uhm, talakayang pampamilya, talakayang pang-negosyo. Samu’t sari po na pampa-good vibes sa inyong weekend,” sey pa ni Winnie.
Bukod sa It’s Showtime (IS), nasa DWPM Radyo 630 din si Amy para sa show niyang Ako ‘To Si Tyang Amy (ATSTA).
“Public service rin po s’ya pero ang pinag-uusapan namin doon ay lahat ng may kinalaman sa ating mental health. ‘Yung pag-aalaga naman sa ating pag-iisip, sa ating puso, sa ating emosyon.
“‘Yung mga pinagdaraanan po natin na struggles sa araw-araw nu’ng ating mga ka-serbisyo. So, Mondays, Tuesdays and Thursdays, meron tayong ka-serbisyo na nakakausap via phone or via Zoom,” tsika ni Amy.
May mga kasama rin daw na experts sa mental health sa show gaya ng life coaches, psychologists and psychiatrists na tumutulong sa mga may pinagdaraanan sa kanilang buhay.
And then, every Wednesday, meron silang tinatawag na ‘Ano’ng feels mo’ sa show.
“Eto naman, parang ibini-bridge namin ang gap between the millennials, the Gen-X, the boomers, and ‘yung mga Gen Z at ‘yung mga Gen-Alpha wherein we discuss certain topics.
“Kagaya kunwari nu’ng last time, pinag-usapan namin kung ano ‘yung tinatawag nila sa relationship na ‘MU.’
“Nu’ng araw sa ‘tin, ‘di ba na mga boomers, na mga Gen-X, ang alam n’yo (‘pag sinabi) MU, mutual understanding.
“Pero alam n’yo ba na sa mga millennials at Gen-Z, ang tawag nila doon ngayon ay ‘situationship.’
“So, bine-break natin ang gap na ‘yun para po sa mga Gen-X na kagaya ko na may anak na millennial, may anak din ako na Gen-Z at Gen-Alpha,” lahad ni Amy.
At pagdating ng Friday ay meron silang drama presentation, ang Tyang Amy Presents na ang ka-partner daw nila sa programa ay ang mga estudyante mula sa Far Eastern University (FEU).
“So, ibinalik po namin ‘yung drama sa hapon sa radyo sa pamamagitan po ng programa na Ako ‘To si Tyang Amy.
“And we’re very happy na ngayong month na ‘to, ang ka-tie-up namin na eskuwelahan ay ang FEU. Ang multimedia students nila ang siyang nagpo-produce at sumusulat ng mga drama na ginagawa namin every Friday. At last Friday po, nagsimula ang FEU.
Comments