top of page
Search

Kahit suntok sa buwan, tuloy lang ang Anti-Dynasty Bill

BULGAR

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 11, 2025



Fr. Robert Reyes

Naanyayahan tayo noong nakaraang Biyernes sa Agenda, isang media forum sa Club Filipino. 


Si Atty. Fred Mison ang pangunahing host at kasama rin namin si Makabayan Partylist Arlene Brosas. Masigla ang talakayan at lumabas kung gaano kasalimuot at kalalim ang problema ng political dynasties sa ating bansa.


Halos 80 porsyento na ng Senado at Kongreso ang galing sa mga pamilyang dinastiya. Ganoon na rin sitwasyon sa mga lalawigan, lungsod at bayan. Tila ang patakaran ng mga dinastiya sa buong bansa ay “walang alisan, walang palitan.” At ganu’n na nga ang nagyayari sa bawat halalan. Pare-parehong pangalan ang makikita sa balota. 


Sa halip na makita at maramdaman ang tunay na pagbabago, walang nagbabago dahil pabalik-balik lang ang pare-parehong mga pangalan, mukha at apelyido. Nagpapalitan lang ang tatay, nanay, anak, apo, pinsan, pamangkin, manugang, biyenan, bilas at sinumang kamag-anak na kasama sa angkan. Mula barangay, bayan, siyudad, lalawigan hanggang Kongreso, Senado at Malacañang asahan nang pare-parehong mukha, apelyido, pangalan ang makikita tuwing ikatlo at ikaanim na taon. Ito ang mahahalagang tanong na tinalakay sampu ng mga sagot ng mga nagsalita.


Posible pa bang mabago ang ganitong sitwasyon ng pulitika sa lahat ng antas na hawak ng mga dinastiya?


Anu-anong dahilan kung bakit dumarami, lumalaganap at lumalakas pa ang mga dinastiya?


Ano na ang nangyari sa partylist system? Instrumento na rin ba ang mga ito ng mga dinastiya?


Ano ang papel ng Comelec sa lahat ng ito.


Pareho ang sagot namin ni Congresswoman Brosas. Mahirap man ay kayang baguhin ang sitwasyon – edukasyon higit sa lahat. Mga botante ay dapat imulat at bigyang kapangyarihang bumoto nang tama at piliin ang mga alternatibong mga kandidato.


Naidagdag lang natin ang mabisang paggamit ng salapi ng mga dinastiya para ipagpatuloy ang paternalism (patronage politics) sa ating bansa. Ang ayuda sa mga maliliit, sa mga mahihirap na tunay na nangangailangan ay padadaluyin na naman, salamat sa programang AKAP at MAIC. 


Kaibigan din ng mga dinastiya ang mga obispo, pari, relihiyoso. Madali silang hingan ng tulong para sa malalaking pangangailangan ng mga simbahan. At hindi kataka-takang tila tumatahimik kami kapag malaki-laki na ang natanggap naming “ayuda.” Ito ang isang mabigat na hamon sa mga simbahan. Ito ang hamon ni Papa Francisco na nagsabing, “Nais ko ang isang mahirap na simbahan para sa mahihirap.” (‘I want a poor church for the poor.’)


Hangga’t walang naipapasang batas na may Implementing Rules and Regulations (IRR) laban sa mga dinastiya, patuloy ang pagdami at paglakas ng mga dinastiya. 


“Kaya taun-taon nagpa-file ng Anti-Dynasty Bill sa Kongreso ang aming grupo,” sagot ni Congresswoman Brosas. Parang suntok sa buwan, ngunit kailangang gawin.


Kailangang manatiling mahina at takot ang maliliit at mahihirap. Marami sila at ang kanilang bilang ay mapanganib. Ngunit kung pananatilihin silang mahina at takot madali silang sawayin at takutin. Nakikita natin ang nakalahad na kamay ng pulubi. Sa sistema ng ayuda, sistema ng paternalismo, sistema ng mga dinastiya, laging makikita ang imahe ng mga mahihirap na nakalahad ang isang kamay na pawang nanglilimos. 


Kailangang matutunan ng lahat na ilagay ang kamay sa dibdib upang manalangin at mangakong mahalin at ipagtanggol ang bansa. Pagkatapos ilapat ang kanang kamay sa dibdib, huwag itong ilahad sa aktong paghingi o paglimos kundi pag-aralang ikuyom at itaas na palaban upang ipakita ang tapang at paninindigan sa pagsulong ng kanyang dangal at karapatan.


Hindi madaling linisin ang bansa at palayain sa pananakal ng mga dinastiya. Hindi rin madaling baguhin ang kamalayan at kultura ng pagsandal, paghingi, pag-asa at paglilimos, ang kultura ng ayuda na pinaiiral at pinalalaganap ng mga dinastiya. Subalit, kayang unti-unting pag-aralang magtrabaho, magtiyaga, magkapit-bisig, magtulungan at magkapit-kamay, manalangin at ilapat ang kanang kamay sa dibdib.


Hindi madaling gamutin ang nakasanayang kahinaan at takot. Ngunit hindi imposibleng matutunang mahalin at magtiwala sa Diyos, makiisa sa kapwang maliit at mahirap upang iwasan at iwaksi ang paghingi, pag-asa at paglilimos sa panginoong may pera’t lupa. 


At darating ang panahon na mababawasan hanggang mawala ang kamay na nakalahad na nanlilimos at mapapalitan ito ng kamaong nakataas, naninindigan at umaasang lalaya ang bansa sa paniniil ng kapatid sa kapatid, kabayan sa kabayan at babalik ang pagkakapantay-pantay sa bansang nagising sa bangungot ng mga dinastiya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page