ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | August 03, 2021
![](https://static.wixstatic.com/media/2551ae_5ba6d6dcd6d1495999e1be24585c7d1a~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/2551ae_5ba6d6dcd6d1495999e1be24585c7d1a~mv2.jpg)
Sikat na sikat ngayon sa buong 'Pinas ang kauna-unahang Filipino Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz.
Halos lahat ng sector — mga pulitiko at naglalakihang negosyante man — ay saludo sa ipinamalas niyang galing sa ginanap na 2020 Tokyo Olympics.
Muling nakilala sa iba't ibang panig ng mundo ang galing ng mga atletang Pinoy. Kaya naman, may ilang grupo ang kumukumbinse ngayon kay Hidilyn na pumasok sa pulitika at tumakbo sa darating na 2022 elections. Kahit senador pa raw ay tiyak na mananalo siya.
'Di nga ba't ganito rin ang ginawa noon ng People's Champ na si Manny Pacquiao noong kanyang kasikatan bilang boksingero dahil sa sunud-sunod na panalo niya?
Naging madali ang pananalo ni Pacman bilang senador dahil sikat na sikat siya noon sa buong bansa.
Pero, sa kanyang mga interviews matapos ang kanyang panalo sa Tokyo Olympics, hindi binabanggit ni Hidilyn Diaz ang tungkol sa pulitika. Mas gusto niyang manatiling inspirasyon sa ating mga atleta upang patuloy na magsikap sa kanilang larangan at magbigay ng karangalan sa ating bansa.
Gustong makatulong ni Hidilyn sa mga Pinoy athletes kaya nanawagan siya sa mga namumuno sa ating gobyerno na alagaan at pagmalasakitan ang ating mga manlalaro na may potensiyal upang makipag-compete sa ASEAN Games at sa Olympics.
Nakapagpatayo na si Hidilyn ng gym sa kanilang bayan sa Zamboanga at dito nagte-training ang mga kabataang gustong sumunod sa kanyang yapak. Walang-wala sa kanyang agenda ang pumasok sa pulitika. Balak pa rin niyang pumalaot sa mga weightlifting competition.
Comments