top of page
Search
BULGAR

Kahit si Santa Claus, pumapalpak sa pamimigay ng regalo

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Dec. 2, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Disyembre na at taun-taon ay palagi na lamang naglalabas ng pahayag ang EcoWaste Coalition hinggil sa naglipanang laruan sa mga pamilihan na nagtataglay ng lason at lubhang napakadelikado sa mga bata.


Tila nagiging kalakaran na sa media na kapag kinukulang ang balita o sumasapit ang panahon ng kapaskuhan ay palaging kinakapanayam ang grupong ito na siyang palaging nagbibigay ng babala sa ating mga mamimili.


Naging maingay na naman ang EcoWaste Coalition matapos na muli nilang madiskubre ang mga laruan sa bangketa at makumpirmang daan-daang iba’t ibang klase ng laruan ang walang kaukulang dokumento na pawang imported.


Wala ring proper labels ang mga laruan na maliwanag na isang paglabag sa umiiral nating batas na Toy and Game Safety Labeling Act, o Republic Act No. 10620.

Ilegal umano ang pagbebenta ng naturang mga laruan dahil wala rin itong License To Operate (LTO) number na iniisyu ng Food and Drug Administration (FDA) upang matiyak na ligtas ang mga ipinagbibiling laruan.


Ayon sa EcoWaste, ang mga nadiskubre nilang mga laruan mula sa mga retailer sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay may mga presyong mula P21 hanggang P164 bawat isa ay positibong may taglay na panganib sa kalusugan ng mga bata.


Lubhang napakataas umano ng lead content ng naglipanang mga laruan kaya hindi dapat ibigay sa mga bata dahil maaari itong magdulot ng pagkalason sa utak ng mga bata.


Ayon sa World Health Organization (WHO) ang lead poisoning ay labis na nakakaapekto sa psychological development ng isang bata at hindi agad ito nagpapakita ng masamang epekto sa mabilis na panahon ngunit unti-unti itong lumalabas habang lumalaki ang isang bata.


Karaniwang mga imported ang mga laruang ito na itinuturing na kontrabando dahil nga sa kawalan ng kaukulang dokumento ngunit kataka-takang naglipana sa mga pamilihan.

Isa sa dapat na managot sa mga nakakalasong laruan ay ang Bureau of Customs (BOC) na tila may kailangang ipaliwanag kung bakit kahit taun-taong nag-iingay ang EcoWaste Coalition ay patuloy pa rin ang pagkalat ng mga imported na laruan.


Marahil, panahon na para maghigpit naman ang lokal na pamahalaan hinggil dito dahil sa mayroon silang police power upang kumpiskahin o patigilin ang pagbebenta ng nakakalasong laruan sa kani-kanilang lugar.


Isa pa sa dapat bantayan ay ang mga nagbebenta ng laruan online dahil sa wala namang nagbabawal sa kanila at palaging ang pinagbabasehan lamang ng bumibili ay ang ipinapakita nilang larawan.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page