na ipaglalaban ng PAO
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 24, 2021
Sadyang may pagbabagong nagaganap sa mga nagdadalaga, partikular itong nakikita, hindi lamang sa kanilang pisikal na kaanyuan kundi ganundin sa kanilang mood swings.
May kaugnayan sa hormones ang nangyayaring pagbabago sa kanilang pangangatawan.
Ito rin ang dahilan ng kanilang mood swings, na namamalas dahil sa iba’t ibang salik o factors— isa na rito ay ang kagustuhan nila na mahanap at mapagtibay ang kanilang pagkakakilanlan kaya may mga pagkakataon na sila ay nakikitang mabalasik o agresibo.
Kung ganito lamang sana ang dahilan na masasabing natural na yugtong pinagdaraanan ng nagdadalaga (o nagbibinata) ang nangyari kay Theresa Mae Romano, sana ay kapiling pa siya ng kanyang pamilya. Subalit ang nangyari sa kanya ay trahedya na may mga pangyayaring naganap katulad ng sumusunod na obserbasyon noon ng kanyang ina na si Gng. Emma Romano ng Bulacan,
“Naging matampuhin na rin siya at naging mainitin ang kanyang ulo. Ang akala ko lang ay nagdadalaga na siya kaya naging medyo mailap na siya sa amin ng kuya niya. June 2018 nang mag-umpisang maglagas ang kanyang buhok, kasabay ‘yun ng pagiging mainitin ng kanyang ulo.”
Si Theresa Mae, 12, ay binawian ng buhay noong Oktubre 9, 2018. Siya ang ika-94 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected RISKS in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Theresa Mae ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia, una noong Abril 6, 2016; pangalawa noong Nobyembre 10, 2016; at pangatlo noong Hunyo 16, 2017 sa kanilang paaralan. Ito ang unang napansin na pagbabago sa kanya ni Aling Emma, “Ang dating malambing na bata ay naging tahimik na. Hanggang sa noong pasukan niya ng high school ay nagsabi siya na lumalabo na raw ang kanyang mata.” Pagdating ng Agosto hanggang Oktubre 2018, nadagdagan ang mga nararamdaman ni Theresa Mae, naging kritikal ang kanyang kalagayan at tuluyan nang binawian ng buhay. Narito ang ilan sa mga nangyari bago siya pumanaw:
Agosto 2018 - Sumakit ang kanyang tiyan at sinabihan siya ni Aling Emma na ito ay baka sa kinain lang niya.
Unang linggo ng Setyembre 2018 - Nagkasipon siya, binigyan siya ni Aling Emma ng Sambong at herbal medicines.
Setyembre 24, 2018 - Nahihilo at madalas sumakit ang kanyang tiyan. Binibigyan siya ni Aling Emma ng honey bukod sa Sambong.
Setyembre 30, 2018 - Buong araw siyang natulog, nagigising lamang siya para kumain.
Oktubre 1, 2018 - Mataas ang kanyang lagnat, pinainom siya ni Aling Emma ng Biogesic. Nagbihis siya para pumasok sa eskuwelahan, subalit hindi na siya tumuloy dahil nahihilo siya kaya muli siyang bumalik sa higaan. Mataas pa rin ang kanyang lagnat. Inabutan siya ni Aling Emma ng Biogesic at tubig para inumin. Bandang ala-1:00 ng hapon, napansin ni Aling Emma na hindi niya ininom ang gamot. Pinagalitan siya nito at ininom na niya ito dahil naging 40 ang kanyang lagnat. Gabi nu’n, giniginaw siya at ipinapatay ang electric fan.
Oktubre 2, 2018 - Dinala siya ni Aling Emma sa isang health center. Pagdating sa emergency room, pinapunasan siya dahil sobrang taas ng kanyang lagnat. Isinailalim siya sa laboratory examination at nakita sa resulta na positibo sa dengue si Theresa Mae at pagkatapos, pumunta sila sa isang pribadong laboratory at nakuhanan siya ng ihi at dugo. Noong lumabas ang resulta, positive siya sa dengue tapos dinala ulit siya sa nasabing health center at sinabihan si Aling Emma ng doktor na bibigyan siya ng referral upang madala siya sa ospital dahil mababa ang platelet nito.
Oktubre 3-9, 2018 - Dinala si Theresa Mae sa isang ospital sa Sta. Maria Bulacan. Inabot ni Aling Emma ang Dengvaxia card ng kanyang anak at ang resulta ng laboratory examinations nito. Na-confine si Theresa Mae sa nasabing ospital mula Oktubre 3, 2018 hanggang Oktubre 9, 2018. Noong Oktubre 9, 2018 ng umaga, pag-rounds ng doktor ng bandang alas-9:00, sinabihan nito si Aling Emma na kailangang mailipat si Theresa Mae sa isang ospital sa Pampanga. Inihanda ni Aling Emma ang kanilang gamit para sa paglipat, subalit habang hinihintay nila ang ambulansyang maglilipat sana kay Theresa Mae ay tuluyan na siyang nawalan ng buhay. Ani Aling Emma:
“Ang aking anak na si Theresa Mae ay masipag at sa kabila ng kanyang murang edad ay nakatutulong siya sa akin sa pang-araw-araw na gawain kaya nakalulungkot na nawala na lamang siya bigla. Ang masakit nito, ang bakunang inakala namin na makabubuti sa kanya ang naging sanhi ng kanyang kamatayan. Pumayag akong mabakunahan siya dahil makabubuti raw ito sa kanya at isa pa, libre itong ibinigay ng gobyerno at para sa aking single mother ay malaking bagay ito. Kung nalaman namin na ganito ang sanhi ng naturang bakuna ay hindi ako pumayag na mabakunahan ang aking anak.”
Para sa single mother na si Aling Emma, si Theresa Mae ay hindi lamang pinagmumulan ng kanyang tuwa kundi inaasahan pa sana niyang maging kaagapay niya sa kanyang pagtanda.
Nakalulungkot din dahil nalaman ng inyong Abang Lingkod na kamakailan lamang ay pumanaw na rin si Aling Emma dahil sa isang karamdaman. Subalit ipagpapatuloy pa rin ng PAO ang pagtulong sa kanya na makamit ang hustisya sa pamamagitan ng natitira nitong anak na siyang hahalili sa kanya sa kasong isinampa para kay Theresa Mae. Sa Dengvaxia cases na aming hinahawakan, marami na talagang buhay at pinapangarap na kinabukasan ang natuldukan. Hindi na maibabalik ang inagaw na mga buhay at pangarap ng nasabing trahedya. Ngunit kailangan ang katarungan upang ang nabanggit na malupit at mapait na kaganapan ay magbigay-babala upang ito ay hindi na maulit pa.
Comments