ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 1, 2023
Isang malaking hamon ang paghawak ng kaso. Ang pagwawagi nito ay hindi lamang personal na tagumpay ng abogado o partido nito. Ang katiwasayang ito ay makakamtan kung ang katarungan ay masusumpungan. Malaking bahagi sa pagkakamit ng katarungan ang pagkakaroon ng matatag na ebidensya at testimonya ng testigo. Ngunit, paano kung isa na lamang ang testigo sa kaso, at ang testimonya pa nito ay hindi sapat para sa hukuman?
Paano makakamit ang katarungang inaasam?
Ang mga tanong na ito ay may kaugnayan sa kasong, People of the Philippines vs. Romy Cobo y Orel (CA-G.R. CR No. 44741, June 2, 2023, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Pablito A. Perez [1st Division]), na hawak ng aming tanggapan.
Ang pagpanaw ng isang tao ay sadyang nagdudulot ng pighati at kalungkutan sa kanyang mga naiwang pamilya. Maaaring doble o higit pa ang katumbas na lumbay kung ang isang mahal sa buhay ay bigla na lamang pumanaw na walang malinaw na dahilan.
Tila ganito ang sinapit ni Francisco at ng kanyang naulila. Unang araw ng taong 2018 nang siya ay binawian ng buhay. Isang nagngangalang Romy ang napagbintangan.
Ayon sa kanyang naulilang maybahay na si Lilibeth, si Francisco ay nakikipag-inuman lamang noong araw na iyon kasama ang mga kaibigan nang sila ay magkayayaan diumano sa isang videoke house. Makalipas ang ilang oras, nakatanggap diumano ng tawag si Lilibeth sa isang nagngangalang Macrina na may nangyari diumano kay Francisco.
Si Emil ang tumayong nag-iisang eyewitness sa nasabing insidente. Ayon sa kanya, siya ay nasa barangay basketball court, malapit sa bahay kung saan naganap ang insidente.
Naghihintay diumano siya sa susunod na maglalaro ng basketball nang makita niyang suntukin diumano ni Romy sa pisngi si Francisco, dahilan upang mapahiga ito sa sementong palapag. Agad diumanong tumalilis si Romy matapos ang panununtok.
Pinuntahan diumano nila ang biktima at nakita na lamang nilang umaagos na ang dugo mula sa ilong ng noon ay walang-malay na si Francisco.
Bagaman nadala pa sa ospital si Francisco, pumanaw rin siya noong gabing iyon. Batay sa Medical Examination Report na inilabas ni Dr. Calban at sa Certificate of Death ni Francisco, “neurogenic shock” secondary to traumatic brain injury ang pangunahing sanhi ng kanyang pagkamatay.
Gayunman, ang underlying cause of death na nakasaad sa kanyang Certificate of Death ay “alleged mauling,” habang ang antecedent cause na nakasaad sa Medical Examination Report ay “probably secondary to a strong blow, force or attack to the head or cranial area.”
Ang akusadong si Romy lamang ang tumayong testigo para sa depensa. Mariin niyang itinanggi ang akusasyon ipinukol laban sa kanya.
Ayon sa kanya, siya ay dumalo sa handaan sa bahay ni Roel noong araw ng insidente.
Hapon na diumano nang dumating na nakainom sina Francisco at tatlo pang kasama nito. Ilang saglit ang nakalipas, napansin diumano ni Romy na hinihila ni Francisco ang paa ng isa pang nakainom na bisita na noon ay natutulog na. Sinabihan diumano niya si Francisco na huwag nang gisingin ang naturang bisita, ngunit nang subukang hilahing muli ni Francisco ay hindi diumano nito nahawakan ang paa ng nasabing tulog na bisita at bigla na lamang siyang bumagsak sa sementong palapag. Laking gulat na lamang diumano ni Romy nang makitang dumudugo na ang ilong ni Francisco.
Inamin ni Romy na hindi niya natulungan si Francisco nang bigla itong bumagsak, at umalis siya upang humingi ng saklolo. Kinuwestyon din niya ang kredibilidad ni Emil. Kaduda-duda diumano ang pagkilala at pagturo sa kanya bilang salarin, sapagkat malabong nakita nito ang pangyayari gawa nang malayo diumano ang naturang basketball court sa bahay na pinangyarihan ng insidente.
Matapos ang pagdinig sa Regional Trial Court (RTC), kinatigan ng nasabing hukuman ang mga paratang at ebidensya laban kay Romy. Kung kaya siya ay binabaan ng hatol para sa krimen na Homicide.
Hindi tanggap ang nasabing desisyon, agad na umapela si Romy sa Court of Appeals (CA). Mariin niyang iginiit na kwestyunable at hindi kapani-paniwala ang testimonya ni Emil. Binigyang-diin niya na maliban sa malayo ang kinapupwestuhan ng nasabing testigo kung saan bumagsak si Francisco, isang beses pa lamang diumano silang nagkita ni Emil. Kung kaya ay nakapagtataka kung papaanong nailarawan siya nito bilang may gawa ng pagpaslang kay Francisco.
Hindi rin diumano napatunayan na buo ang atensyon ni Emil sa nangyaring insidente. Kung kaya ay hindi diumano dapat pagkatiwalaan ang testimonyang bintang laban sa kanya.
Sa muling pagsiyasat sa lahat ng aspeto sa kasong isinampa laban kay Romy, napuna ng CA ang malayong distansya sa pagitan ng basketball court kung nasaan diumano ang testigo at ang bahay kung nasaan naman si Francisco, na may layong dalawampu’t-lima hanggang tatlumpung metro.
Sa medikal na mga tuntunin diumano, ang isang tao na mayroong perpektong paningin o 20-20 vision ay may kabuuang kakayahan na makakita lamang ng mahigit-kumulang anim na metro.
Kumpara sa sitwasyon ng naturang testigo at ng biktima, higit sa triple diumano ang layo o distansya. Kung kaya ito ay nagbunga ng pagdududa sa katotohanan ng testimonya ni Emil.
Napuna rin ng appellate court na tila nagkaroon ng hindi pinahihintulutang pagmumungkahi o impermissible suggestion sa natatanging eyewitness ng prosekusyon sapagkat sa kanyang cross-examination, inamin ni Emil na hindi niya personal na kilala si Romy at na ang sinumpaang salaysay niya na tumutukoy kay Romy bilang salarin ay unang ginawa ng pulis at kalaunan ay isang pribadong taga-usig naman, at siya ay lumagda na lamang diumano rito. Ang mga naging pahayag niyang ito ay nagdulot ng karagdagang pagdududa sa isipan ng hukuman, dahilan para iginawad ng CA ang pagpapawalang-sala kay Romy. Ipinaalala ng CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Pablito A. Perez ng Court of Appeals 1st Division:
“In criminal cases, when the guilt or innocence of an accused hangs entirely on the testimony of a sole witness, the Supreme Court has cautioned against undiscerning reliance on eyewitness testimony:
“The greatest care should be taken in considering the identification of the accused especially, when this identification is made by a sole witness and the judgment in the case totally depends on the reliability of the identification.” (People v. Rodrigo et al., G.R. No. 176159, September 11, 2008 (Per J. Brion, Second Division)
Nakalulungkot na maagang binawian ng buhay si Francisco at ang kaso na mayroong kaugnayan sa kanyang kamatayan ay hindi lubusang natukoy. Gayunman, pananatilihin ng ating hukuman ang pagbibigay halaga sa buhay at kalayaan ng isang naakusahan kung ang ebidensya laban sa kanya ay hindi sumapat o lubos na may kakulangan. Kung kulang ang ebidensya, huwag nang hayaang dalawang buhay pa ang masira dahil sa maling hatol. Mahirap magpiit ng isang taong hindi napatunayang nagkasala.
Comments