top of page
Search
BULGAR

Kahit pa may eyewitness… Kakulangan sa pagkakakilanlan, salarin maaari pa ring maabsuwelto

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 3, 2023


Karaniwan nang ginagawa ang pagkain sa labas upang matugunan ang gutom na ating nararamdaman. Ito rin ay ginagawa upang mapunan ang iba’t ibang pangangailangan ng tao bilang isang social being.


Mahalaga para sa isang tao ang pagkakaroon ng masigla at makabuluhang relasyon sa kanyang kapwa. Si Josephine at dalawa niyang kapwa babae ay pumunta sa isang kilalang restaurant. Naghahanap sila ng kasiyahan sa simpleng bonding na iyon. Sa kasamaang palad, ang simpleng okasyon na ‘yun ay nagkaroon ng komplikasyon. Ang kasiyahan ay nauwi sa kamatayan at hanggang ngayon ay tila mailap pa rin sa biktima ang katarungan.


Ang kuwentong tampok sa ating artikulo ay kaugnay sa kasong hawak ng aming Tanggapan, ang People of the Philippines vs. Julius Capongol y Maico and Arwin Bio y Villeza (G.R. No. 239783. January 12, 2021, na isinulat ni Honorable Associate Justice Rodil V. Zalameda).


Si Josephine ay walang kalaban-laban na binaril sa isang kilalang restaurant sa Parañaque City.


Ang pinagbintangang bumaril sa kanya ay isang nagngangalang Julius. Ang kasama ni Julius na napagbintangan ay si Arwin at tatlong hindi pa nakikilalang mga kalalakihan.


Alas 3:00 ng hapon noong ika-20 ng Mayo 2013, naganap ang nasabing insidente ng pamamaril. Ang nakasaksi sa pamamaril ay si Jhonie na cashier sa naturang kainan.


Ayon sa testimonya ni Jhonie sa hukuman, si Josephine at dalawa pang kasama nitong mga babae lamang ang customer nila noong oras na iyon. Sila ay nakaupo malapit sa bar area nang mayroong pumasok na dalawang lalaki. Ang isa na nakapulang damit, ay nakilala bilang si Julius, lumapit diumano siya kay Jhonie upang umorder ng inumin, habang ang kasama nito ay umupo sa tapat ng mesa na kung saan naru’n sila Josephine. Agad diumano na inihanda ni Jhonie ang inuming inorder sa kanya ni Julius, at paglingon niya ay nakaupo na si Julius sa may tapat ng mesa nila Josephine. Ilang minuto lamang ang nakalipas ay makarinig ng putok ng baril si Jhonie. Paglingon niya ay nakita niya na binaril ni Julius si Josephine.


Nagtamo ng tama ng baril si Josephine sa kanyang ulo at dibdib dahilan kung kaya binawian siya ng buhay, kasong murder ang inihain sa Regional Trial Court (RTC) laban sa mga akusado.


Mariing pagtanggi ang iginiit ni Julius. Ayon sa kanya, hindi niya kilala ang biktima at noong araw ng insidente ay nasa bahay diumano siya, at hindi rin daw siya hired killer.


Si Arwin naman ang napagbintangang kasabwat na naging lookout diumano ni Julius.


Ngunit ayon kay Arwin, siya ay nasa Calbayog City noong araw ng insidente ng pamamaril. Makalipas ang limang araw ay nagpunta diumano siya sa Montalban, Rizal.


Hunyo 4, 2013 nang bumabyahe siya papuntang Tagaytay ay inaresto diumano siya sa isang checkpoint. Ayon kay Arwin, binugbog daw siya ng mga pulis at pilit pinaamin na kasabwat sa krimen kahit na hindi niya ito ginawa.


Hindi umano niya kilala si Josephine at hindi rin siya hired killer.


Kapwa nahatulan ng reclusion perpetua sina Julius at Arwin. Kapwa rin silang pinagbabayad sa mga naulila ni Josephine ng P75,000.00 bilang moral damages.


Naghain sila ng apela sa Court of Appeals (CA), ngunit hindi sila kinatigan. Bagkus, pinagbabayad sila ng karagdagang P75,000.00 bilang civil indemnity at P30,000.00 bilang exemplary damages.


Nagpataw din ang CA ng anim na porsiyento kada taon ng legal interest hanggang ang mga sibil na obligasyong ipinataw ay mabayaran nila ng buo.


Inakyat nina Julius at Arwin ang kanilang apela sa Korte Suprema. Iginiit nila na hindi sapat ang testimonya ng natatanging eyewitnessng Prosekusyon, kung kaya dapat diumano baliktarin ang mga naunang desisyon laban sa kanila.


Sa masusing pag-aaral na ginawa ng Korte Suprema, pinagtibay ang hatol laban kay Julius.


Nakumbinsi ang hukuman na siya ang pumaslang kay Josephine sapagkat batay diumano sa tala ng hukuman ay nagkaroon ng sapat na panahon at pagkakataon si Jhonie na makilala si Julius na siyang bumaril sa biktima. Hindi rin diumano nagpabagu-bago ang testimonya ni Jhonie at wala ring indikasyon na nagbigay ng suhestiyon o na naimpluwensyahan ng mga pulis si Jhonie ukol sa pagkilala nito kay Julius bilang salarin.


Gayunman, ipinawalang-sala ng Korte Suprema si Arwin. Bagama’t consistent diumano si Jhonie sa kanyang pagkilala kay Julius na siyang pumaslang kay Josephine, hindi umano napatunayan nang lubos na nakilala ni Jhonie si Arwin bilang kasabwat ni Julius sa krimen. Napuna ng Korte Suprema na sa testimonya ni Jhonie ay nabanggit nito na hindi niya nakausap at hindi niya masyadong napansin ang mukha ng sinasabing look out. Napasulyap man ang nasabing testigo sa kinalulugaran ng naturang look out, isang beses lamang ito naganap at segundo lamang ang lumipas. Ang mga sirkumstansyang ito ang naging batayan ng hukuman upang masabi na mayroong reasonable doubtsa pagkakadawit ni Arwin sa pagpaslang kay Josephine. Dahil sa pag-aalinlangang iyon, ayon sa Korte Suprema, hindi angkop na patawan ng conviction si Arwin.


Tila hindi lubos na nakamit ng pumanaw na biktima ang hustisya sapagkat ang mga kasabwat ng taong pumaslang sa kanya ay hindi pa rin napapanagot sa batas.


Nahatulan man si Julius, hindi pa rin naihatid ang sapat na hustisya sa mga naulila ni Josephine. Nananatiling nakalaya ang mga naging kasabwat sa pagpaslang sa kanya.


Nawa’y dumating ang panahon na sila ay lubos na makilala at ang kanilang kriminal na responsibilidad ay mapagbayaran na.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page