ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Dec. 16, 2024
ISSUE #336
Hindi madali ang pagsusulong ng kaso, lalo na ang mga kasong kriminal na kung saan nakadepende ang buhay at kalayaan ng isang akusado.
Kadalasan ang mga kasong ito ay nababalot ng mga masalimuot na hindi natin mapipili o maiiwasan.
Isang halimbawa ang kaso na aming ibabahagi sa araw na ito, ang People of the Philippines vs. Jeffrey Tillo y Labuayan (CA-G.R. CR HC No. 03123-MIN, December 15, 2023), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Evalyn M. Arellano-Morales (Twenty-Second Division).
Masalimuot ang kaso na ito hindi lamang para sa panig ng biktima at kanyang mga naulila, kundi pati na rin sa panig ng inakusahan na sumasamo ng pagpapawalang-sala. Sama-sama nating tunghayan kung paano napagdesisyunan ang kasong ito, mula sa mababang hukuman hanggang sa hukuman ng mga apela.
Sinampahan ng kasong murder sa Regional Trial Court (RTC) ng Polomolok, South Cotabato si Jeffrey dahil umano sa pananambang niya ng saksak sa biktimang tawagin na lamang natin sa pangalang ‘Carlos’.
Ang naturang saksak diumano ang naging sanhi ng agarang pagpanaw ng nasabing biktima. Naganap umano ang malagim na krimen alas-7:30 ng umaga, noong ika-28 ng Oktubre 2018, sa isang Barangay sa Munisipalidad ng Tupi, South Cotabato.
Batay sa testimonya ni Normelyn, asawa ng biktima, nagkakape umano silang mag-asawa ng umagang iyon. Matapos ang kanilang pagkakape, agad na kinumpuni ni Carlos ang bintana ng kanilang bahay. May 7 metrong layo si Normelyn kay Carlos nang makita niya na bigla na lamang itong tinambangan ng saksak ni Jeffrey mula sa likod nito. Pagkasaksak diumano kay Carlos, nakuha pa nito na tumalon palabas ng kanilang bintana. Hindi na umano siya nahabol ni Jeffrey, habang si Jeffrey naman ay tinaga umano ang sarili. Nadala pa umano sa ospital si Carlos subalit binawian din ito ng buhay.Inaresto si Jeffrey habang nagpapagamot sa Provincial Hospital sa Koronadal City.
Nakuha diumano mula kay Normelyn ang kutsilyo na ginamit ni Jeffrey sa pananaksak kay Carlos.Batay sa testimonya ni Dr. Fabie, doktor na sumuri kay Carlos, matinding pagkawala ng dugo bunsod ng pagkakasaksak sa dibdib ang naging sanhi ng pagkamatay ng biktima.Mariing pagtanggi naman ang iginiit ni Jeffrey sa hukuman. Batay sa kanyang testimonya, noong umagang iyon ay kasama niya na nagkakape ang kapatid ni Carlos na si Julie.
Nagkaroon diumano ng pagtatalo sa pagitan ni Carlos at Julie patungkol sa lupa na katabi lamang ng bahay ni Jeffrey. Lumabas diumano si Jeffrey upang payapain ang dalawa ngunit nakita niya na kumuha ng itak si Carlos at gagamitin diumano ito kay Julie. Pumagitna umano siya sa magkapatid ngunit siya umano ang nahampas ni Carlos sa ulo, dahilan upang siya ay mawalan ng malay.
Nagising na lamang diumano si Jeffrey noong sumunod na gabi na nasa ospital na siya. Nalaman na lamang din niya na siya ang pinagbibintangang pumaslang kay Carlos.Batay kay Dr. Napoles, doktor na sumuri kay Jeffrey, meron umanong mga sugat si Jeffrey sa pareho nitong parietal areas na maaari umanong bunsod ng pagkakatama ng isang matalim na bagay. Kung hindi umano nagamot ang mga nasabing sugat ay maaari umanong naging sanhi ito ng pagkaubos ng dugo.
Hindi umano masabi nang may katiyakan ni Dr. Napoles kung ang mga naturang sugat ay gawa mismo ni Jeffrey o kung ito ay gawa ng ibang tao.
Nagbaba ng hatol ang RTC noong ika-28 ng Oktubre 2021. Higit sa makatwirang pagdududa umano ang pagkakasala ni Jeffrey. Para sa RTC, naging sapat ang testimonya ni Normelyn na si Jeffrey ang tumambang at pumatay kay Carlos. Meron din umanong pagtataksil o treachery sapagkat mula sa likod diumano ang pagkakasaksak kay Carlos, kung kaya’t wala umanong naging paraan upang depensahan ni Carlos ang kanyang sarili. Reclusion perpetua without eligibility of parole ang ipinataw na parusa kay Jeffrey.
Pinagbabayad din siya para sa mga naulila ni Carlos ng halagang P100,000.00 bilang civil indemnity, P100,000.00 bilang moral damages at P100,000.00 bilang exemplary damages.Kinuwestiyon ni Jeffrey ang naturang hatol ng RTC sa pamamagitan ng paghahain ng kanyang apela sa Court of Appeals Cagayan de Oro City.
Siya ay tinulungan at inirepresenta ni Manananggol Pambayan C.M.C. Aminao-Tagud mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU) Mindanao. Mariin nilang iginiit sa hukuman ng mga apela na hindi napatunayan ang pagkakasala ni Jeffrey nang higit pa sa makatwirang pagdududa.
Partikular na iginiit ng panig ng depensa na hindi napatunayan ng tagausig ang lahat ng mga elemento ng murder, na walang kredibilidad ang tanging saksi ng tagausig na si Normelyn at hindi napatunayan ang alegasyon patungkol sa sirkumstansya ng pagtataksil o treachery.
Sa pagdedesisyon sa naturang apela, ipinaalala ng CA Cagayan de Oro City ang mga elemento ng murder, na: (1) Merong tao na pinaslang; (2) Ang akusado ang tao na pumaslang; (3) Ang pamamaslang ay ginamitan ng alinman sa mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng Revised Penal Code; at (4) Ang pamamaslang ay hindi napapaloob sa krimen na parricide o infanticide.Sa muling pag-aaral ng CA Cagayan de Oro City sa kaso ni Jeffrey, sumang-ayon ang nasabing hukuman na hindi umano napatunayan ng ebidensya ng tagausig na si Jeffrey ang pumaslang kay Carlos. Naging kapuna-puna umano sa hukuman ng mga apela ang hindi pagkakaayon ng testimonya ni Normelyn na nagdulot ng pagdududa sa isipan ng hukuman kung totoo nga bang si Jeffrey ang may-akda ng krimen. Sa Judicial Affidavit diumano ni Normelyn, isinalaysay niya na nagpunta siya sa bahay ni Julie upang kausapin ito ukol sa hindi nito pagkakaunawaan kay Carlos nang bigla umanong umalis si Jeffrey at nagpunta sa bahay nila Normelyn at pagpasok diumano ni Jeffrey ay kumuha ito ng kutsilyo sa bag at tinambangan ng saksak si Carlos. Subalit, sa kanyang testimonya sa hukuman, sinabi umano ni Normelyn na nagkakape silang mag-asawa sa terasa ng kanilang bahay.
Matapos umanong magkape ni Carlos ay agad nitong kinumpuni ang kanilang bintana nang bigla na lamang diumano dumating si Jeffrey at hinamon si Carlos ng patayan.Nakadagdag pa umano sa pagkalito ng hukuman ng mga apela nang sabihin ni Normelyn sa kanyang cross-examination na siya at ang kanilang mga anak diumano ay nasa terasa sa labas ng kanilang bahay noong masaksak si Carlos at noong lumingon lamang siya sa kanilang bahay ay saka niya narinig ang tinig ng isang babae na sinabing nasaksak na umano si Carlos.
Para sa CA Cagayan de Oro City, hindi maipagsasawalang-bahala ang hindi pagkakaayon ng mga naging pahayag at testimonya ni Normelyn, sapagkat hindi man lamang umano ito makapagbigay ng tiyak na pagkasunud-sunod ng mga pangyayari gayung ginawa niya umano ang nasabing Judicial Affidavit isang araw matapos ang insidente at ibinigay naman niya ang kanyang testimonya sa hukuman halos wala pang isang taon mula nang maganap ang naturang insidente.
Dapat diumano, ayon sa appellate court, sa loob ng mga nasabing panahon ay sariwa at malinaw pa sa isipan ni Normelyn ang mga pangyayari. Para umano sa hukuman ng mga apela, ang pagbibigay ni Normelyn ng mga magkakasalungat at hindi magkakatugma na salaysay ay nagpapahiwatig na gumagawa lamang umano ito ng istorya kung paano pinaslang si Carlos.
Nakakapanghilakbot ‘di umano para sa hukuman ng mga apela ang pahayag ni Normelyn na tinaga umano ni Jeffrey ang sarili nito gamit ang taga na ginagamit diumano ni Carlos na pangkumpuni ng kanilang bintana matapos niyang saksakin ang biktima.
Hindi umano lubos na isinasangtabi ng hukuman ng mga apela ang posibilidad na ginawa iyon ni Jeffrey, subalit hindi umano kumbinsido ang appellate court sa nasabing alegasyon sapagkat lampas sa lohika at karanasan ng tao ang kusang saktan ang kanyang sarili nang walang dahilan.
Hindi umano maisip ng hukuman ng mga apela kung bakit tatagain ni Jeffrey ang kanyang sariling ulo na maaaring maging sanhi ng kanyang pagpanaw kung maaari naman siyang tumalilis na lamang sa pinangyarihan ng insidente upang takasan ang kriminal na responsibilidad, kung siya nga talaga ang sumaksak kay Carlos.
Dahil umano sa mga nabanggit na magkakasalungat na salaysay, hindi binigyan ng timbang ng CA Cagayan de Oro City ang mga naging pahayag ni Normelyn.
Ipinaalala ng appellate court na ang mga kontradiksyon at pagkakasalungat sa mga materyal at mahahalagang bagay ay lubos na nakasisira sa kredebilidad ng isang saksi.
Binigyang-diin din ng CA Cagayan de Oro City na maaari lamang mahatulan na may-sala ang isang akusado kung mapapatunayan ang pagkakasala nito nang higit pa sa makatwirang pagdududa. Bagaman hindi umano ipinag-uutos ng batas ang pagkakaroon ng ganap na katiyakan, kinakailangan diumano na maitaguyod ng ebidensya ng tagausig nang may moral na katiyakan ang pagkakasala ng akusado.
Kung meron diumano na kahit na katiting na pagdududa sa isipan ng hukuman kaugnay sa pagkakasala ng akusado, kinakailangan diumano na siya’y ipawalang-sala.
Dahil nabigo umano ang tagausig na itaguyod ang pagkakasala ni Jeffrey nang higit sa makatwirang pagdududa, minarapat ng CA Cagayan de Oro City na baliktarin at isangtabi ang naunang desisyon ng RTC at ipawalang-sala si Jeffrey.
Ang desisyon na ito ng CA Cagayan de Oro City ay naging final and executory noong Disyembre 15, 2023.
Walang sinuman ang nararapat na makaranas ng malagim na pagpanaw. Kahit merong hidwaan o hindi pagkakaintindihan, hindi sana ito ang magdala sa atin ng kalagim-lagim na pangyayari. Tulad na lamang sa sitwasyon ni Carlos at Julie na diumano ay merong hindi pagkakaunawaan, hindi na sana umabot pa ang kanilang problema sa kamatayan.
Lubos kaming nalulumbay sa sinapit ni Carlos at batid namin na merong paghihinagpis ang kanyang naiwan na pamilya dahil sa sinapit niya.
Panalangin namin na makamtan ng kanyang kaluluwa at ng kalooban ng kanyang pamilya ang kapayapaan sa pagtatapos ng paglilitis ng kasong ito sa hukuman ng mga apela.
Hindi man ito ang inaasahan na pagwawakas ng mga naulila ni Carlos, subalit kailangan ding bigyan ng respeto ang pinal na desisyon ng hukuman. Ating pakatatandaan na sa ilalim ng ating batas, ang akusado ay hindi maaaring patawan ng parusa kung hindi mapapatunayan ang kanyang pagkakasala nang higit pa sa makatwirang pagdududa.
Comments