BAGO NAMATAY SA DENGVAXIA
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 06, 2021
Walang humpay na daing at pagluha sa tindi ng sakit ng katawan! Parang parusa sa mga walang malay! Binawian ng buhay ang isa sa mga anak nina G. Raul at Gng. Elloly Galoso ng Muntinlupa City. Tatlong taon na ang nakararaan mula nang maganap ang mapait na pangyayari sa kanilang buhay, ngunit hindi pa rin maibsan ang lungkot nilang mag-asawa. Hindi lamang dahil sa walang kasing sakit ang mawalan ng mahal sa buhay kundi dahil sa tindi ng kanilang pag-aalala sa isa pang anak na pinangangambahan nilang sapitin din ang paghihirap at trahedyang pinagdaanan ni Eira Mae Galoso.
Si Eira Mae, 11-anyos na namatay noong Hulyo 31, 2018, ang ika-75 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Eira Mae ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang barangay health center noong Nobyembre 10, 2017. Sabi ng kanyang mga magulang, “Kasamang nabakunahan ni Eira Mae ang kanyang nakatatandang kapatid na si Euraly Joyce Hisugan Galoso kung saan natanggap niya ang pangatlong dose ng nasabing bakuna kontra dengue.” Ayon kina G. at Gng. Galoso, si Eira Mae ay may history ng Patent Ductus Arteriosus (PDA) noong kapapanganak pa lamang hanggang bago sumapit ang kanyang isang taon. Bumuti ang kanyang kalusugan pagdaan ng mga taon. Nalampasan niya ang PDA nang siya ay mag-isang taon. Magmula noon ay hindi na siya nadala pa sa ospital sa anumang kadahilanan, subalit anang kanyang mga magulang: “Matapos siyang mabakunahan kontra dengue, nagbagong muli ang estado ng kanyang kalusugan.” Noong Hulyo 28, 2018, si Eira Mae ay nawalan ng ganang kumain at may kasabay pang pagduduwal. Noong Hulyo 29, 2018, dinala siya sa isang clinic sa Muntinlupa City para sa laboratory tests sa dugo at ihi; nakita na siya ay may Urinary Tract Infection (UTI) at niresetahan siya ng gamot para rito. Magdamag siyang matamlay.
Lumala ang kondisyon ni Eira Mae noong Hulyo 30, 2018 at humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang kaugnay na mga detalye:
Hulyo 30 - Pumunta ang kanyang mga magulang sa isang ospital sa Muntinlupa City upang kumuha ng second opinion. Ipinabasa sa doktor ang kanyang laboratory test results at sinabing may UTI siya. Sinabi rin ni Aling Elloly na naduduwal si Eira Mae, kaya bukod sa antibiotics na naunang ibinigay sa isang clinic ay binigyan din siya ng gamot para sa pagduduwal.
Itinanong ni Aling Ellolly sa doktor kung paano siya nagkaroon ng UTI, samantalang wala naman itong lagnat. Ang sagot nito ay ang pagduduwal ay isa ring sintomas ng UTI. Iminungkahi rin nito na maaaring ipa-admit sa ospital si Eira Mae upang manumbalik ang kanyang lakas at ganang kumain.
Sina Aling Elloly at Mang Raul ay pansamantalang umuwi upang kumuha ng pamalit ng damit ni Eira Mae dahil napagdesisyunan nilang ipa-admit siya. Bandang hapon ng parehong araw, natulog si Eira Mae. Paggising niya ng alas-5:00 ng hapon, bago siya dalhin sa ospital ay hindi na siya makatayo. Agad siyang isinugod sa ospital at nakitang mataas ang blood sugar niya, kaya siya ay sinaksakan ng insulin at pinag-fasting. Noong hatinggabi, matapos niyang mag-fasting, nanatiling mataas ang kanyang blood sugar. Bawat oras na siyang tinuturukan ng insulin, hindi pa rin bumababa noon ang kanyang blood sugar.
Hulyo 31 - Buong umaga, stable pa ang kondisyon ni Eira Mae. Pagsapit ng ala-1:00 ng hapon, bigla siyang kinumbulsyon. Nagsimula na ring mag-init ang kanyang katawan, nagwawala at naging balisa siya. Siya ay in-intubate at tatlong beses nag-agaw buhay. Sabi ng kanyang mga magulang:
“Lahat ng makakaya ng mga doktor upang isalba ang buh
ay niya ay kanilang ginawa subalit pagsapit ng alas-5:50 ng hapon, tuluyan nang sumakabilang buhay ang aming anak. Ayon sa Certificate of Death, ang sanhi ng kanyang hindi inaasahang pagpanaw ay “Diabetic Ketoacidosis” (Antecedent Cause); “Diabetes Mellitus Type I (Underlying Cause).”
Narito pa ang dagdag na pahayag nila:
“Napakasakit para sa amin ang biglang pagpanaw ni Eira Mae. Isang masigla at malusog na bata ang aming anak. Matapos niyang maturukan ng Dengvaxia, nagbago ang estado ng kanyang kalusugan sa kabila ng sinasabi nilang ang naturang bakuna ay makapagbibigay ng proteksiyon sa kanya.
“Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia. Hindi nila ipinaliwanag kung ano ang maaaring maging epekto nito sa kalusugan ng aming anak, kaya naman kami ay napagkaitan ng oportunidad para malaman kung ano ang maaaring idulot nito sa kalusugan ni Eira Mae.”
Ang paglapit sa aming Tanggapan ng magkabiyak na Galoso ay bunsod ng kanilang pagnanais na makamit ang katarungan para sa pagkamatay ni Eira Mae. Gayunman, ang laban nila para sa nasawing anak ay para rin sa isa pa nilang anak na si Euraly Joyce dahil ayon sa kanila ay labis ang kanilang pangamba para sa panganay na nakatanggap ng tatlong doses ng Dengvaxia vaccine. Malinaw dito at sa katulad na mga kaso na ang laban ng pamilya ng mga biktima ay para sa mga nasawi sa trahedya at survivors na nakikipaglaban sa pinaniniwalaan nilang adverse effects ng nasabing bakuna.
Opmerkingen