top of page
Search

Kahit nabakunahan ng Dengvaxia… Pananakit ng tiyan at ulo, nagsuka ng dugo at nagwala, dinanas ng

BULGAR

11 -anyos na namatay sa dengue shock syndrome



ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 12, 2021



“Tila naging ibang tao na sila,” naririnig namin ang komentong ito mula sa mga mahal sa buhay ng marami sa mga biktima ng Dengvaxia. Nasasabi nila ito dahil sa nakikita nilang malaking pagbabago sa miyembro ng kanilang pamilya na naturukan ng nasabing bakuna.


Kabilang sa nagkaroon ng ganitong obserbasyon sina G. Lionilo at Gng. Virgie Losanga ng Quezon City, mga magulang ni Levie Losanga. Ani G. at Gng. Losanga, “Si Levie ay isang aktibo at bibong bata. Siya rin ay masayahin, masigla at malusog bago mabakunahan ng Dengvaxia sa aming barangay. Ngunit nitong mga nakaraang buwan matapos siyang mabakunahan ay nagbago ang kanyang pag-uugali at nararamdaman. Naging mainitin ang kanyang ulo at uminit ang pakiramdam niya sa katawan. Kung maligo siya ay apat na beses sa isang araw.”


Si Levie, 11, ay binawian ng buhay noong Agosto 27, 2018. Siya ang ika-88 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Levie ay naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 17, 2017. Makalipas ang ilang buwan mula nang mabakunahan, nagbago ang kanyang pag-uugali. Naging mainitin ang kanyang ulo at mabilis siyang mainis dahil sumasakit diumano ang kanyang ulo.


Bandang Agosto 21, 2018, napansin ng kanyang mga magulang na siya ay nilalagnat.


Noong Agosto 24, 2018, dumaing siya ng pananakit ng tiyan at ulo. Nagsusuka rin siya kaya isinugod siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Quezon City. Sa emergency room, ipinaalam ng kanyang mga magulang na nabakunahan siya ng Dengvaxia. Kinuhanan siya ng dugo at napag-alaman na negative naman diumano siya sa Leptospirosis. Maya-maya, sinabihan sila na kailangan siyang ma-admit dahil mayroon umano siyang Dengue Shock Syndrome. Noong nasa kuwarto na si Levie, nagsuka siya ng dugo. Isinailalim siya sa x-ray at kinunan din siya ng dugo para muling suriin sa laboratoryo. Hindi bumuti ang kanyang kalagayan at lalo siyang lumala hanggang sa dinala siya sa isang kuwarto na may aircon. Habang naroon, nagdedeliryo diumano siya at nagwawala, napakalakas niya habang siya ay sumisigaw ng kung anu-ano.


Ang petsang Agosto 27, 2018 ang naging kritikal na araw para kay Levie, at ito ay nauwi sa kanyang kamatayan. Bandang umaga, napansin ng kanyang ina na nanginginig si Levie at mataas ang kanyang lagnat. Pumunta si Aling Virgie sa nurse’s station upang sabihin ang kalagayan ni Levie, ngunit pinayuhan lamang siya na punas-punasan si Levie na siya namang ginawa niya. Pagkatapos, pinalipat sila sa ibang kuwarto dahil mayroon umanong gagamit sa inuukupa nilang kuwarto. Inilagay si Levie sa isang wheelchair para ilipat at noong naisakay siya sa wheelchair, sumakit ang kanyang mga binti dahil maliit ang wheelchair para sa kanya.


Mainit sa kuwarto na nilipatan ni Levie kaya umiyak siya nang umiyak. Siya ay nagmamakaawa na ibalik sa kuwartong pinanggalingan niya at sinabi ng kanyang ina na wala silang pera kaya hindi na siya maibalik doon. Ani Aling Virgie, “Yumuko si Levie matapos kong sabihin ‘yun at hindi na siya umimik na parang nagtampo. Hanggang sa magmakaawa siyang muli na ibalik namin siya sa malamig na kuwarto. Nagwawala siya at sinasabing doon siya mamamatay kung hindi siya maibalik sa dati niyang kuwarto.”


Kinausap si Levie ng kanyang ama na magpagaling siya. Pagkatapos nu’n, sunud-sunod ang pagdumi ni Levie at nagreklamo ito na masakit ang batok niya at nahihilo siya.


Niyakap ni Aling Virgie ang kanyang anak hanggang sa napansin niyang nahihirapan nang huminga si Levie.


Nagsabi si Levie na tawagin ang doktor kaya dali-daling tumakbo si Aling Virgie sa nurse’s station at tinawag ang doktor para tulungan ang kanyang anak. Pagdating ng doktor, sinabi ni Levie na nahihilo siya at masakit ang ulo, at nagsisigaw na parang nagwawala. Dahil dito, umalis ang doktor at may kinuha, nahirapan nang huminga si Levie. Nilagyan siya ng tubo at sinubukan naman siyang i-revive ng mga nars at doktor, subalit hindi na nakayanan ni Levie ang kanyang sakit at tuluyan na siyang iginupo nito.


Malungkot na pagsasalaysay ng mga magulang ni Levie, “Napakasakit para sa amin ang biglang pagpanaw ni Levie. Namatay ang aming anak dahil sa Dengue Shock Syndrome, samantalang siya ay nabakunahan ng anti-dengue. Sa papaanong paraan na siya nagkaroon ng dengue, gayung siya ay may bakuna na pangontra rito? Hindi namin akalain na ito rin ang magiging ugat ng kanyang maagang kamatayan. Dengvaxia vaccine lamang ang kakaibang gamot na itinurok sa aming anak bago siya dapuan ng sakit na kumitil sa kanyang buhay sa kanyang murang edad.”


Ilang ulit na rin naming narinig ang mga hinaing na katulad ng binitawan nina G. at Gng. Losanga. Kung may mga kinauukulan na manhid, nakukulitan, naiingayan o nagkakaroon ng negatibong tugon sa daing ng mga naiwan ng mga yumaong biktima ng nasabing bakuna, kami sa PAO na hinihingan nila ng tulong legal at forensic services ay patuloy silang pakikinggan at bibigyan ng kaukulang aksiyon ang kanilang mga daing.


Hindi lamang dahil ito ang mandato ng aming tanggapan kundi ito ang nararapat na gawin ng may mga konsensiya, may pagpapahalaga at malasakit sa kanilang kapwa tao.



Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page