ni Lolet Abania | March 28, 2021
Papayagang mag-operate ang mga public utility vehicles (PUVs) ng 50% kapasidad lamang habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila at karatig lalawigan na magsisimula bukas, Lunes.
Ito ang inanunsiyo ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Steve Pastor para sa mga PUVs, kabilang dito ang mga public utility bus, UV Express Service, public utility jeepneys, shuttle service, tricycle, taxis at transport network vehicle services (TNVS).
Ayon pa kay Pastor, ang mga PUVs ay dapat na sumunod sa one-seat apart na ipatutupad sa mga pasahero. "Hindi puwedeng lumagpas sa capacity ng sasakyan kahit may plastic barriers," ani Pastor. Babala naman ni Pastor, sakaling ang mga PUV drivers ay hindi sumunod sa one-seat apart na panuntunan o lalagpas sa itinakdang kapasidad, may kaukulang parusa para sa overloading.
Sinabi rin ni Pastor na papayagan din ang mga private motorcycles na makabiyahe subalit iyon lamang nasa listahan ng authorized personnel ang maaaring lumabas ng kanilang bahay.
"We will still allow back rides for private motorcycles [as long as the riders are] APORs," ani Pastor. Gayunman, ayon kay Pastor, kailangang ihanda ng mga PUV drivers ang kanilang quick response codes upang maipakita sa mga enforcers na meron silang special permit para mag-operate.
Binanggit din ni Pastor na magbibigay sila ng free rides para sa mga medical workers, kung saan mayroong 20 routes na ipatutupad habang nasa ilalim ng ECQ. Matatandaang ang libreng shuttle service na nagsimula noong March, 2020 ay nagserbisyo sa mahigit na 2 milyong healthcare frontliners.
Gayunman, ayon sa DOTr official, ang mga habal-habal drivers ay huhulihin kapag nag-operate sila ngayong ECQ.
Comentarios