ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 27, 2021
Walang rason para itigil ang pagbabakuna ng Pfizer COVID-19 vaccine sa Pilipinas, ayon sa opisyal ng Department of Science and Technology (DOST) sa kabila ng naiulat na side effects nito.
Matatandaang kamakailan ay naglabas ng babala ang US Food and Drug Administration (FDA) kaugnay ng rare cases ng myocarditis o pamamaga ng puso sa mga young adults at adolescents matapos mabakunahan ng Moderna at Pfizer.
Saad ni DOST–Philippine Council for Health Research and Development Executive Director Dr. Jaime Montoya, "Sa huli naming pagkakaalam, ito ay isasama ng (Philippine) FDA roon sa information na kasama ng bakuna pero hindi naman ito nangangahulugan na ito ay rason para hindi ibigay ang bakuna.
"Ito ay pinapaalalahanan na ito ay posibleng mangyari pero hindi nangangahulugan na may namamatay." Ayon kay Montoya, napag-alaman ng US FDA na ang mga nakaranas ng heart inflammation ay maaaring mayroong viral infection.
Aniya pa, "May nabigyan ng bakuna (ngunit) mayroon silang viral infection na hindi nila alam na sanhi ng tinatawag na myocarditis.” Samantala, inaasahang darating sa Pilipinas ang biniling 40 million doses ng Pfizer COVID-19 vaccines sa Agosto.
Comments