ni Janiz Navida @Showbiz Special | February 9, 2023
Parang kahapon lang nagsama sina Judy Ann Santos at Sam Milby nang muling magkita at magkasama para sa gagawin nilang horror film na The Diary of Mrs. Winters na mula sa HappyKarga Productions at under the direction of Rahyan Carlos.
Humarap sina Juday at Sam sa storycon ng pelikula nu’ng Martes at nag-throwback sa kanilang pinagsamahang series noon sa ABS-CBN, ang Huwag Kang Mawawala (year 2013).
Dito nga nag-start ang magandang partnership at friendship nila. Puring-puri ni Sam si Juday na kahit napakagaling na aktres ay napakabait daw at tinutulungan siya sa mga eksena nila.
Parang ate naman si Juday kay Sam kaya ito raw ang dahilan kung bakit hindi sila na-link noon kahit nagkasama sa serye, bukod sa that time ay married na ang aktres kay Ryan Agoncillo.
Na-curious kasi kami at naitanong namin kay Juday kung gaano ka-supportive husband si Ryan at kung ano ang naging reaksiyon nito nang malamang sa Canada magsu-shooting ang kanyang misis at si Sam sa loob nang halos tatlong linggo.
Sagot ni Juday, very understanding naman si Ryan lalo’t artista rin ito. Basta kung saan daw siya masaya ay suportado siya ng mister. Pero siyempre, kahit hindi magtanong si Ryan, ‘automatic’ na raw na sinasabi niya rito kung sino ang kanyang leading man.
Malaking bagay din na kilala ni Ryan si Sam at nakasama na nila ito minsan sa inuman kaya tiwala naman ang mister ni Juday at wala nang selos factor kahit magtambal ngayon ang dalawa.
OFW ang role ni Juday sa The Diary of Mrs. Winters kaya naitanong din namin sa aktres kung nu’ng pandemic ba ay na-consider nina Juday at Ryan na tumira abroad since may bahay sila sa Las Vegas.
Pag-amin ni Juday, napag-usapan din nila ‘yun ni Ryan pero hanggang bakasyon lang daw siguro at hindi naman ‘yung titira na sila for good dahil mas gusto pa rin nila rito sa ‘Pinas.
Kahit si Sam Milby, mag-asawa man daw siya, mas gusto pa rin niyang manatili rito sa ‘Pinas at pabaka-bakasyon lang ang gusto niya sa ibang bansa.
Anyway, next week, magsisimula nang mag-shooting sa Canada ang buong production team ng The Diary of Mrs. Winters at baka hanggang second week of March daw sila ru’n.
Ang biggest fear lang daw ni Juday ay ang lamig doon dahil lamigin siyang tao. Pero gusto niyang i-conquer ang fear na ‘yun kaya raw niya tinanggap ang movie.
After The Diary of Mrs. Winters, ayaw na raw niyang tumanggap ng iba pang movies na magsu-shoot abroad. Gusto rin niyang magpahinga uli at baka 3 yrs. pa bago masundan ang paggawa niya ng pelikula.
Jhassy at Heindrick, super close pero 'friends' lang daw
Proud at masaya si Jhassy Busran na ang love team nila ni Heindrick Sitjar ay naikukumpara sa idol niyang KathNiel love team nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Pero hangga’t maaari raw, gusto ng mga bida sa FB series na Roommate na mas makilala bilang sila dahil ginagawa naman nila ang lahat para makagawa ng sariling pangalan sa industriya.
Sa Roommate, gumaganap si Jhassy bilang si Natasha at love interest ni Heindrick bilang si Barry.
Tinanong namin si Jhassy na una naming nainterbyu sa online show naming #CelebrityBTS Bulgaran Na kung nag-level up na ba ang ‘relasyon’ nila ngayon ni Heindrick bilang ‘friends’ dahil una silang nagkasama sa Home I Found in You movie.
Aniya, mas close sila ngayon pero friends lang talaga sila. Mas priority daw kasi ni Jhassy ang kanyang studies and career pero natutuwa naman siya dahil marami nga silang napapasaya at napapakilig ni Heindrick sa kanilang tambalan.
Oh, well, watch n’yo na lang ang Roommate para kayo na ang magsabi kung for reel lang ba o for real na ang sweetness sa isa’t isa nina Jhassy at Heindrick.
Kasama rin sa Roommate sina Earnest Beaver Magtalas as Peter, Barry’s alter-ego and hallucination, and MJ Manuel as Steve, Barry’s best friend.
Mapapanood ang kabuuang nine episodes ng Roommate sa official Facebook page ni Direk Gabby Ramos.
Comentários