top of page
Search
BULGAR

Kahit King of TV… COCO, TAKOT SA MGA KATAPAT NA BIG STARS SA MMFF, ‘DI SUMALI

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Dec. 22, 2024



Photo: Coco Martin - Instagram


Sikat na sikat ngayon si Coco Martin dahil sa serye niyang Batang Quiapo (BQ) na araw-araw napapanood. Siya ang tinaguriang ‘King of Television’ at pinaka-in demand na product endorser. Kaya marami ang nagtataka kung bakit wala siyang entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024 na nataong pagdiriwang pa naman ng ika-50 taon nito. 


Inaabangan ng mga tagahanga ni Coco Martin ang kanyang movie sa filmfest. Tiyak daw na hihigitan niya ang mga action scenes na ginagawa niya sa BQ.


Pero aminado si Coco na kabado siya sa mga artistang makakatapat niya tulad nina Vilma Santos-Aga Muhlach (Uninvited), Vic Sotto-Piolo Pascual (The Kingdom), Vice Ganda-Eugene Domingo (And The Breadwinner Is), Dennis Trillo-Ruru Madrid (Green Bones), Arjo Atayde-Julia Montes (Topakk), atbp.. 


Dati na silang nagkasama ni Vice Ganda sa isa ring filmfest entry noong 2016, ang Super Parental Guidance (SPG) at dahil kaibigan niya si Vice, wala siyang kaba at hindi siya pressured dahil sikat na sikat ito. Kumita nang malaki sa box office ang kanilang pelikula.


Well, baka sa susunod na taon ay makakaisip si Coco Martin ng mas malaki at mas magandang proyekto para isali sa MMFF. Pakikiramdaman muna niya kung sino at ano ang gusto ng mga moviegoers.  


 

In full force na dumating ang halos buong angkan ng mga Sotto sa premiere night ng The Kingdom (TK) na ginawa sa Gateway Cinema. Pinagbibidahan ito nina Bossing Vic Sotto at Piolo Pascual, kasama sina Cristine Reyes, Sue Ramirez, Sid Lucero at Cedric Juan, with special participation of Iza Calzado.


Dumating sa premiere night si Sen. Tito Sotto at ang mga anak na sina MTRCB Chair Lala Sotto, Ciara at Gian Sotto.


Naroroon din sina Ai Ai delas Alas, Ara Mina, Pauleen Luna, Marco Gumabao at Dominic Roque.  


Taun-taon ay naging panata na ni Bossing Vic Sotto ang paggawa ng pelikulang pang-filmfest. Sa taong ito, sumabak siya sa seryosong character at hindi magpapatawa.


Marami tiyak ang maninibago sa role ni Vic Sotto sa TK. Hindi siya ang Vic Sotto na komedyante kundi isang seryosong Lakan Makisig na pinuno ng kaharian. Anak niya rito sina Bagwis (Sid Lucero), Matimyas (Cristine Reyes), at Lualhati (Sue Ramirez).  


Maging si Piolo Pascual ay kakaiba rin ang role. May leksiyon na ibabahagi sa lahat ang TK at may maganda itong mensahe sa mga manonood. Ito ay idinirek ni Mike Tuviera. 


Samantala, aminado si Bossing Vic Sotto na may nerbiyos at takot siya na gawin ang TK.


Pero dahil na rin sa payo ng kanyang mga anak na sina Danica, Oyo, Vico, at Tali na gumawa naman siya ng seryoso at kakaibang pelikula na mala-Godfather ang dating, pumayag na siyang gawin ang TK.


Ito ay produced ng MQuest Ventures at M-Zet Productions.


 

Mala-Michael Jackson… CARLO, MUKHANG TUYOT AT TUMANDA SA KAPAYATAN




Maraming fans ang nagtataka at nalulungkot sa bagong hitsura ni Carlo Aquino. Dahil sa sobrang kapayatan, nagmumukha raw siyang haggard, tuyot at hapis kaya mukha siyang tumanda.


Hindi rin ikinatuwa ng kanyang mga tagahanga ang kanyang transformation, at may ilan pa ngang nagsasabing naging kahawig niya sina Michael Jackson, Harry Styles, at ang local actor na si Jake Cuenca.  


Tanong ng marami, bakit kaya naisipan ni Carlo Aquino na magpapayat nang husto? Sino kaya ang nagkumbinse sa kanya na magbago ng hitsura?


Para sa karamihan, mas gusto nila ang dating Carlo Aquino na hindi mukhang tuyot o malnourished.  


Napansin din ng ilang tagahanga na tila nabawasan ang kanyang appeal dahil sa sobrang kapayatan. Umiikot ngayon ang espekulasyon kung may personal na problema ba si Carlo, kaya nagbago ang kanyang hitsura? 


Umaasa ang kanyang mga fans na babalik siya sa kanyang dating anyo—ang mas malusog at mas kaakit-akit na Carlo Aquino na minahal nila.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page