top of page
Search
BULGAR

Kahit katarantaduhan daw… DIREK JOEL, PANONOORIN PA RIN ANG MAID IN MALACANANG

ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | July 26, 2022




Nakarating na pala kay Direk Joel Lamangan ang simple pero mataray na pahayag ng direktor ng pelikulang Maid in Malacañang na si Direk Darryl Yap bilang sagot sa naunang pahayag ng beteranong direktor na "kasinungalingan" at "katarantaduhan" ang ginawang pelikula ng huli tungkol sa last 72 hours ng pamilya Marcos sa Malacañang bago napatalsik ilang dekada na ang nakararaan.


Sa panayam sa kanya ng PEP.ph, nilinaw ni Direk Joel na wala siyang personal na galit sa direktor ng Maid in Malacañang na si DirekDarryl kahit may ilan siyang nasabing hindi maganda tungkol sa pelikula nito.


"Malamang na may ibang bagay pa siyang 'di alam sa pangyayari noong mapatalsik ang mga Marcos noong 1986 dahil 1987 lamang ito ipinanganak.


"Hindi pa niya alam kung ano ang nangyari noon. Sanggol pa lang siya.


“Kung sino man ang kinalakihan ni Darryl Yap at nakakita sa nangyari nu'ng panahon na 'yun ay dapat naturuan kung ano ba talaga ang mga bagay-bagay na 'yan."

Aniya pa, iniwasan nga niyang banggitin ang name ni Direk Daryll.


“Hindi ko nga sinabi kung sino ang direktor. Sinabi ko lang 'yung Maid in Malacañang. Wala akong sinabi na tungkol sa kanya.”


Nagbigay din ng reaksiyon si Direk Joel sa sinabi ni Direk Darryl na malaki ang respeto nito sa kanya kaya hindi raw ito makikipag-away sa itinuturing na isa sa mga haligi ng movie industry.


“Inirerespeto ko rin naman siya, eh,” malumanay na sagot ni Direk Joel.


“Kaya lang, ang ayaw ko lang sa isang kabataang kagaya niya, ang bagong direktor ay magiging instrumento sa pagbubulag sa katotohanan. Dahil hindi maganda 'yun.


"Walang pupuntahan ang kanyang ginagawa kung mapupunta siya roon. Dapat hindi nagbubulag kundi nagtatama ng kung ano ang totoo.


“Ang sinasabi ko lang, kung may kuwento ka man, dapat ay kuwentong nakabatay sa totoo. 'Yun lang naman ang sinasabi ko.


“Tama, magkuwento ka. Tama, maggawa ka ng anumang gusto mong gawin. Pero dapat, bilang isang nakakatanda sa kanya ay sinasabi ko na kung anumang kuwento ang gagawin mo, dapat ay hindi bubulag sa kung ano ang totoo.”


May mga nagsasabi kay Direk Joel na bakit nagri-react na siya ngayon gayung hindi pa naman niya napapanood ang kabuuan ng pelikula ni Direk Darryl na sa August 3 pa lang ipapalabas?


Katwiran ni Direk Joel, may nakita siyang photo ng Maid In Malacañang kung saa'y makikita ang mga taong nagkakagulo sa Palasyo na may hawak-hawak na sulo.


Paliwanag ni Direk Joel, “Hindi naman ganu'n. Walang napagkukunan ng sulo. Walang sulo nu'ng panahon na 'yun. Eh, nandu'n ako sa Malacañang nu'ng panahon na 'yun."


Sabi pa ng direktor, “Ang sinasabi nila na ang mga sumugod doon sa Malacañang ay may hawak na sulo. At ang pumanhik du'n sa gate sa Malacañang ay mga akyat-bahay daw.


"Aba! Hindi totoo 'yun! Isa ako sa mga nandu'n. Nasaktan ako. Hindi totoo 'yun, ha! Hindi totoo!


Kaya hindi dapat gawing ganu'n. Kung ganoon ang ginawa nila, maaaring ang buong istorya ay maaaring ganu'n.


“Sabi ko, dapat ang istorya na ibinatay sa kasaysayan ay hindi dapat batay sa kasinungalingan. 'Yun lang naman ang mga sinabi ko.”


Ayon kay Direk Joel, ganu'n pa man, panonoorin pa rin niya ang pelikulang ito ni Direk Darryl, pero dapat daw ay pawang katotohanan lang ang ilalahad kahit sinasabing ito ay salaysay ng tatlong maids na nanilbihan sa Malacañang.


"Papanoorin ko. Titingnan ko kung ano ang tama at hindi tama. Sasabihin ko kung ano ang hindi tama.


“Hindi ko alam kung kasinungalingan kasi hindi ko pa napanood. Pero ang nakita kong litrato ay kasinungalingan.


“Sana 'yung point of view na 'yan ay tama. 'Yung point of view na 'yan ay magsasabi ng katotohanan tungkol sa nangyari. Hindi nagtatakip sa katotohanan sa pamamagitan ng pagdadrama-drama na kaawaan 'yung mga hindi dapat kaawaan."


Matapang pang pahayag ni Direk Joel, "Kaya nasabi ko, baka ang kanilang gagawin ay kasinungalingan. Kasi, ano bang istorya ang gagawin mo kundi kaawaan ang mga taong naroroon sa Malacañang na nagnakaw ng pagkarami-raming pera ng bayan?


“Gustong kaawaan ng mga tao sina Marcos, samantalang ano ba ang pinagkaabalahan nila sa panahon na 'yun? Kung papa'no nila lilimasin 'yung pera. Saan ilalagay ang mga gold?!


Saan ilalagay ang mga…'Yun ang pinagkaabalahan nila.


"'Yun ba ang ipapakita nila? Kung 'yun ang ipapakita nila, ay, papalakpak ako!”


Laging inilalahad ni Direk Joel ang mga pinagdaanan niya nu'ng batas militar, hanggang sa EDSA Revolution.


Nasaksihan niya itong lahat at responsibilidad daw niyang ibahagi ito sa lahat, lalo na sa mga kabataan sa ngayong panahon.


“Kaya nga ako nagri-react kasi kung hindi naman ako magsalita, sino naman ang magsasalita?


"Kapag hindi ka magsalita at alam mo naman ang katotohanan, may kasalanan ka din. Ba’t ka tumahimik? Bakit hindi mo sinabi? Bakit mo hinahayaang ganu'n? Eh, may kasalanan ka din.


“Sa akin kasi, ang lahat ng gumagawa ng anumang sining o art ay dapat instrumento sa pagsasabi nang totoo sa isang particular na panahon,” pahayag pa ni Direk Joel.


Ilang araw pa bago mapanood ang Maid in Malacañang sa mga sinehan na showing on Aug. 3, pero tiyak na tulad ni Direk Joel, marami nang curious na mapanood ang controversial movie ni Direk Darryl Yap.

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page