ni Lolet Abania | September 1, 2022
Wala pang nai-report na mga estudyante at mga guro na tinamaan ng COVID-19 simula nang magpatuloy ang in-person classes noong Agosto 22, ayon sa Department of Education (DepEd).
Sa kabila nito, sinabi ni DepEd spokesperson Atty. Michael Poa na patuloy nilang imo-monitor ang COVID-19 situation sa mga paaralan araw-araw, at isasagawa pa rin ang mga counseling sessions sa mga unvaccinated learners at school staff gayundin, ang roll out ng mobile COVID-19 vaccination sa mga eskwelahan.
“Sa ngayon po, after verifying with our field offices, wala pa po tayong reported na nagkaroon ng COVID from the start of the classes, pati na rin sa ating teaching and non-teaching staff,” pahayag ni Poa sa isang press conference ngayong Huwebes.
Ayon kay Poa, base sa DepEd Learner Information System, bago pa muling magbukas ang mga klase may 19% lamang ng mga estudyante ang fully vaccinated laban sa COVID-19.
Gayunman, sa ngayon parehong ang mga estudyante at mga guro ay puwede nang mag-participate sa face-to-face classes anuman ang kanilang vaccination status.
Sinabi rin ni Poa na dalawang linggo mula nang mag-start ang klase, nakatatanggap pa rin sila ng mga magagandang feedbacks mula sa DepEd regional offices sa sitwasyon sa mga paaralan.
“Wala namang major or untoward incidents na nangyari sa mga nakaraang araw,” ani Poa.
Kaugnay nito, ayon kay Poa, maglalabas ang DepEd ng memorandum order hinggil sa mga extra-curricular at co-curricular activities ang makakasama para sa School Year 2022-2023.
Una nang ipinaalala ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte sa mga guro na kailangang mag-focus sila sa academics upang makabawi sa mga learning losses na naranasan dahil sa pandemya.
“The purpose is really kasi nagkaro’n na rin tayo ng learning gap sa ating two years na nasa pandemya, so we really want our learners to focus on the academics,” saad ni Poa.
Binanggit naman ng opisyal na magkakaroon ng psychosocial support activities na gagawin sa mga estudyante para makapag-focus ang mga ito sa kanilang mental health at well-being.
Aniya pa, nasa tinatayang 29.4 milyong estudayante ang nakapag-enroll sa parehong mga pampubliko at pribadong paraalan para sa kasalukuyang school year nitong Agosto 25.
Comments