Kahit kasal na ang ex-BF… ARA, AYAW MAKASAMA SI JOMARI SA PELIKULA
- BULGAR
- Dec 20, 2023
- 3 min read
ni Julie Bonifacio @Winner | December 20, 2023

Balik sa paggawa ng teleserye si Ara Mina. ‘Yan ang salubong na balita niya sa amin nang datnan niya ang grupo ng Phil. Movie Press Club (PMPC) carolers sa opisina ng company nila ng mister niyang si Dave Almarinez, ang A Force Ventures sa BGC, Taguig City.
Si Dave ang founder at CEO, samantalang si Ara naman ang co-founder ng kanilang bagong tayong kumpanya.
Kasosyo rin nila sa A Force Ventures ang kapatid ni Dave na si Dra. Geraldine.
Galing si Ara sa taping ng Black Rider nu’ng makatsikahan namin. Kontrabida raw ang role niya sa Kapuso primetime teleserye.
Dahil sa dami ng trabaho ni Ara kaya ‘di makakabakasyon ngayong holiday season ang mag-asawa. Pero sa Baguio raw sila mag-i-spend ng Pasko at Bagong Taon, ‘di lang ang mag-asawa kundi pati ang pamilya ni Ara.
Tila ang magdyowang Cristine Reyes at Marco Gumabao ay kasama rin nina Ara at Dave sa Baguio.
Ilang araw na lang at Pasko na. Tinanong namin si Ara kung hindi ba nagagalit si Dave na imbes na mag-Christmas preparation na siya for the family, bising-busy pa rin siya sa pagtatrabaho?
“Nilalambing ko siya,” ngiti ni Ara. “And well, nakausap kasi siya ng producer. Tapos, sabi sa kanya (kay Dave), ‘Uy, ha? Puwede siya, ha? Sa show namin sa GMA.’ Ayun, ‘Sure…
sure,’ sabi niya.”
Na-curious tuloy ang members ng PMPC carolers kung si Dave na ba ang manager niya ngayon.
“Oo, may sarili na kami. Joke!” natatawang sabi ni Ara. “Parang ano, he’s guiding my career also. Ibang level na ‘yung sa career ko sa showbiz now."
Inamin ni Dave na supportive siya sa showbiz career ni Ara.
“Siyempre, ‘pag nag-asawa ka at mahal mo, kung ano ‘yung passion niya at ‘yung love niya, dapat mahalin mo rin,” sabi ni Dave.
But, may kondisyon si Dave kay Ara kapag gagawa siya ng pelikula.
“Sabi ko lang, hindi ko alam kung bawal ‘yun. Sabi ko lang, 'Kapag meron kang film, uh, puwede bang ano, may konting restriction sa kissing scene?'” sabay tawa ni Dave.
Depensa pa niya, “Hindi naman bawal. Puwede bang malaman ko kung sino? Hahaha!”
Binanggit namin ang name ni Jomari Yllana na possible makasama muli ni Ara sa pelikula at magkaroon sila ng kissing scene.
Natawa nang malakas si Dave at sinabing, “Married na ‘yun. Kaya ngayon puwede na!
Hahaha!”
Sinaklolohan ni Ara ang kanyang mister sa binitiwan nitong pahayag.
“Hindi, ano… Ako na lang siguro ang tatanggi kapag meron. Siyempre, alam naman ng lahat na ex ko ‘yun. So, huwag na lang ang ex,” depensa ni Ara.
When asked kung may plano ba ang mag-asawa na mag-produce ng pelikula, “Actually, kagabi nanood kami ng Family of Two. Nag-support kami sa premiere night kagabi. And aside from that, in-invite rin kami ni Ate Sharon (Cuneta) kagabi.”
Ang Family of Two ay ipinrodyus ni Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque at business partner niyang si Bulacan Mayor Patrick Meneses na ama ng unica hija ni Ara na si Mandy.
Open sina Ara at Dave na makipag-co-production kay Patrick sa paggawa ng pelikula.
“'Di ba? Saan ka nakakita, ang ex at ang present, magpoprodyus ng pelikula para sa ano,” pahalakhak na sabi ni Ara sabay yakap kay Dave.
Payag naman si Dave na makipag-collab with Patrick for a film project.
“Good friends naman kami,” sambit ni Dave.
On politics, ibinuking ni Dave na ayaw na siyang patakbuhin sa pulitika ni Ara.
Anyway, next year, parehong gusto na nina Dave at Ara na magkaroon ng baby. And they’re both hoping na lalaki ang maging first born nila.
Pareho kasing babae ang respective child nina Ara at Dave — si Mandy na anak ni Ara kay Patrick at si Kristen na anak naman ni Dave sa ex-wife niyang si Erish na naka-based na sa US.
Comments