ni Lolet Abania | November 1, 2022
Mapayapa ang pagsisimula ng All Saints’ Day o Undas ngayong Martes, habang dumadagsa ang mga taong maaga pang nagtutungo sa mga sementeryo, ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.
Sa isang interview ng GMA News, sinabi ni Fajardo na wala namang nai-report na masamang insidente naganap simula pa lang ng long holiday weekend.
“So far, for the last two to three days, generally peaceful naman 'yung mga nakita nating sitwasyon sa ating mga sementeryo particularly dito sa Manila,” pahayag ni Fajardo.
Ayon kay Fajardo, inasahan na nila na maraming bibisita sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay ngayong Martes dahil sa maganda na rin ang kondisyon ng panahon.
Aniya pa, kabilang sa mga ipinagbabawal sa mga sementeryo ay matatalas at matutulis na bagay, flammable materials, speakers, at gamit na pangsugal.
Samantala, sa Manila North Cemetery, ayon sa kanilang director na si Roselle Castañeda, ang bilang mga bumisita sa cemetery nitong Lunes ay mas mababa sa inasahan nila dahil sa masamang panahon.
“Kahapon po doon sa ine-expect namin na at least makaka-300,000 or 400,00 po sana ang mga makakapunta rito ay napakababa po dahil 42,844 lang ang pumasok sa Manila North Cemetery,” sabi ni Castañeda sa isang interview ng GMA News.
Subalit aniya, pasado alas-9:00 ng umaga, dumagsa ang mga tao sa entrance ng naturang sementeryo, kung saan tila nabalewala na ang social distancing sa pila papasok dito.
Sa haba ng pila, umabot umano ito hanggang Blumentritt Road at nahirapan ang mga awtoridad na ipatupad ng physical distancing. Gayunman, marami pa rin sa kanila ang nakasuot ng face mask bilang proteksyon laban sa COVID-19.
Batay sa report ng Manila Police District, bandang alas-11:00 ng umaga, nasa mahigit 55,000 na ang pumasok sa sementeryo habang inasahan rin nilang patuloy pang tataas ang bilang nito.
Paulit-ulit naman ang paalala ng pamunuan ng Manila North Cemetery sa ipapatupad nilang cut-off na alas-4:30 ng hapon at hindi na sila magpapapasok pa, habang alas-5:00 ng hapon naman ay isasara nila ang sementeryo.
Sa Manila South Cemetery, naging mahaba rin ang pila sa entrance ng sementeryo sa rami ng mga bibisita sa puntod ng kanilang mga loved ones.
Ayon sa kanilang director na si Jonathan Garzo, umabot umano hanggang 400 metro ang pila papasok bandang alas-2:00 ng hapon.
Sa report ng pulisya, hanggang alas-2:00 din ng hapon ay umabot na sa 44,000 katao ang nagtungo sa Manila South Cemetery.
Comments