@Editorial | August 23, 2021
Umabot sa 9, 101 quarantine violators ang nahuli ng Philippine National Police (PNP) sa unang araw ng implementasyon ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila.
Tulad ng sistema, ang nahuhuling pasaway ay binabalaan, pinagmumulta o pinagko-community service.
Ang problema, parang balewala na sa kanila ang mga parusa, babalik at babalik pa rin sa tambay, paggala at pagdedma sa mga panuntunan laban sa COVID-19.
Panay ang paalala ng mga awtoridad na mag-facemask, ayaw. Sinasabihang tigilan ang kagagala kung saan-saan, ayaw manahimik sa bahay.
May mga tuloy din sa paggawa ng mga ilegal sa kabila ng paghihigpit. Halos araw-araw ay may nahuhuli sa droga, sugal at inuman. Balewala na sa kanila anuman ang maging lebel ng lockdown.
Lahat naman ay apektado sa pandemic, bagama’t iba-iba ang impact, pare-parehong hirap at kailangang magsakripisyo. Kung hanggang kailan, ‘yan ang hindi natin alam.
Ang pakiusap lang, kung wala namang mabuting maiaambag, ‘wag nang dumagdag sa problema.
Umaaray na ang mga frontliners, huwag na nating hintayin na layasan nila ang giyera sa COVID-19. Isipin natin na unang kawawa ay ang mga bata. Pilitin nating maranasan nila ang maligaya at ligtas na pamumuhay.
Comentários