top of page
Search
BULGAR

Kahit 10 years na, Pinoy, ‘di pa rin kuntento sa K-12

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | November 8, 2023


Sa pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral matapos ang mahabang bakasyon, muli na namang nadarama ng maraming magulang ang hirap ng pagpapaaral sa kanilang mga anak.


Ito ay sa gitna ng patuloy na pagmahal ng presyo ng mga bilihin, lalo na ng pagkain, pati na ang transportasyon at mga kailangan sa paaralan.


Nagkakautang-utang ang mga magulang para mairaos ang kanilang mga anak sa pag-aaral.


Kasabay nito ang pagdaing sa bubunuin pang mahabang taon para matustusan nila sila sa paaralan sa ilalim ng K-12 na sinimulan isang dekada na ang lumipas.


Matatandaang iniulat ng Social Weather Station sa pinakahuling survey nito na 50 porsyento ng mga Pilipino ang hindi kuntento sa kasalukuyang K-12. Ang layunin sana ng programa ay gawing handa sa pagsabak sa trabaho o kabuhayan ang mga nagsipagtapos. Ngunit hindi ito nangyari.


Marami pa rin ang hindi makahanap ng trabaho matapos ang K-12. Hindi rin epektibo ang curriculum kung kaya nga nirerebisa pa rin ito ng Department of Education (DepEd).


Tanong tuloy ng marami, bakit ba hindi muna naghanda noon ang pamahalaan bago sinimulang ipatupad noon ang K-12?


Kailangan ng ibayo at puspusang pagtatrabaho ng DepEd at ni Vice-President at Secretary Sara Duterte para maging kapaki-pakinabang naman ang K-12. Mahalaga ang edukasyon para sa ating mga mamamayan at hindi sila papayag na magpakahirap dito nang walang kapakinabangang makakamit sa huli.


Kaya matindi dapat ang gawing kolaborasyon, pag-analisa at pagrebisa ng DepEd ng nasabing programa para buhayin ang pag-asa at pangarap ng ating mga kabataan.


Mahalagang maiukilkil sa kanilang murang isipan ang kasaysayan ng ating bansa at mga sakripisyo at ipinagwagi ng ating mga bayani sa ilalim ng K-12 para lumalim ang nasyonalismo, pang-unawa, pagmamahal at pagmamalaki nila sa kanilang pinagmulan saan man sila makarating.

Gayundin, mahalagang maituro sa mga mag-aaral ang mga pundamental na kaalaman sa pagsisimula ng kabuhayan at pagpapalago nito, na isa rin sa mga panukalang lehislasyon ni House Deputy Speaker at Las Piñas lone district Rep. Camille Villar.


Krusyal ang pagtuturo ng masinop at angkop na paghawak ng pananalapi upang umangat sa buhay at kalaunan ay makatulong sila sa paglikha ng mga dagdag na trabaho sa bansa.


Hindi dapat magsayang ng panahon ang DepEd sa misyon nito para sa K-12 kung paanong dugo at pawis ang ibinubuhos ng mga magulang upang maitawid ang pag-aaral ng kanilang mga anak, na nagpapakapagod para mabuno ang bawat taon sa eskwela sa gitna ng kahirapan.


Asintaduhin natin ang kailangang matutunan ng mga mag-aaral sa K-12!


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page