ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 28, 2022
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang tanggapan ng inyong Senador Kuya Bong Go sa iba’t ibang komunidad na labis na naapektuhan ng Bagyong Karding. Inaalam natin ang lawak ng pinsala sa kanilang lugar at kung anong tulong ang kanilang kinakailangan.
Asahan ninyong sa abot ng aking makakaya — hanggang kaya ng oras at katawan ko — ay pupunta ako mismo o ang aking opisina sa mga naapektuhang lugar para maghatid ng tulong, pakinggan ang kanilang hinaing at mag-iwan ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati.
Ang panahon ng sakuna ay panahon din para sa pagkakaisa, pagtutulungan at bayanihan. Gagawin ko ang nasa aking kapasidad para mapagaan ang dalahin ng mga kababayan nating hindi pa nga nakababangon sa hagupit ng pandemya at iba’t ibang krisis ay muli na namang humarap sa panibagong pagsubok. Tulad ng dati, hindi ko kayo iiwan at sama-sama tayong babangon mula sa kalamidad na ito.
Ang Bagyong Karding at ang iba pang kalamidad, tulad ng lindol at pagbaha, ang mga dahilan kaya pursigido akong maisulong ang aking mga prayoridad na panukalang batas sa 19th Congress. Kung maisasabatas po ang mga ito, mas mapoproteksyunan natin ang buhay ng bawat Pilipino.
Isinusulong ko ang paglikha sa Department of Disaster Resilience. Layunin nitong mapabilis ang mga mekanismo sa paghahanda kapag may kalamidad at iba pang emergency. Kapag naitatag ang DDR, may sarili itong kalihim na magbibigay ng mas tutok na direktiba sa iba pang sangay ng pamahalaan kung paano tutugunan ang sitwasyon bago pa dumating ang kalamidad hanggang sa rescue, recovery at rehabilitation efforts lalo na ang restoration of normalcy ng buhay ng mga apektado nating kababayan.
Ipinanukala ko rin ang Mandatory Evacuation Center Act of 2022. Layunin nito na magtayo ng matitibay na evacuation center sa bawat probinsya, lungsod at munisipalidad. Dito pansamantalang tutuloy ang mga apektadong residente. Bukod sa maayos na tulugan at palikuran, kumpleto ito sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, tubig, gamot at mga damit.
Isa pa ang Rental Housing Subsidy Bill na ang layunin naman ay pagkalooban ng subsidiya sa pangungupahan ang mga kababayan nating nawalan ng tirahan para mayroon silang disenteng matitirahan at gastusin habang hindi pa naitatayong muli ang kanilang bahay o habang inihahanap pa sila ng relokasyon.
Nakikita naman natin na kapag may kalamidad, siksikan ang mga evacuees sa mga pansamantalang ginagawang evacuation center tulad ng mga basketball court o eskwelahan. Malaki rin ang tsansa na magkahawahan sila ng sakit. Ito ang iniiwasan natin para hindi na matagalan na makabangon ang mga komunidad. Kung minsan, nariyan na uli ang panibagong bagyo, hindi pa sila nakaka-recover sa nagdaang hagupit.
Ang mga panukalang batas ay ilan sa magiging solusyon para mapagaan ang paghihirap ng ating mga kababayan. Hindi man natin kontrolado ang pagdating ng kalamidad, kaya naman natin maging mas handa sa ganitong mga pangyayari.
Bukod dito, ang Bagyong Karding ay nag-iwan din ng sakit sa ating kalooban dahil sa pagkasawi ng limang rescuers na sina George Agustin, Narciso Calayag, Jr., Troy Justin Agustin, Jerson Resurreccion, at Marby Bartolome.
Unang-una, ako ay nakikiramay sa mga naiwang pamilya at mahal sa buhay ng mga nasawing rescuers sa nangyaring pagbaha sa San Miguel, Bulacan. Nakakalungkot na buhay ang naging kabayaran ng kanilang pagtupad sa tungkulin at pagnanais na makasagip ng buhay ng kanilang kapwa tao. Ang lima po nating magigiting na rescuers ay tunay na mga bayani.
Bagama't hindi matutumbasan ng anumang halaga ang mga buhay na nawala, kasalukuyan kong pinag-aaralan ang posibleng pagpa-file ng panukalang magbibigay ng mga kaukulang benepisyo para sa mga casual at contractual na empleyado ng gobyerno. Kasama na ang pagbibigay ng security of tenure para sa mga matagal na sa serbisyo.
Para sa akin, anuman ang status ng employment, lahat ng tauhan ng pamahalaan ay dapat na pagkalooban ng hazard pay, lalo na ang mga sumasabak sa mapanganib na sitwasyon. Ipinatupad na ito noon ni dating pangulong Rodrigo Duterte, kung saan ipinag-utos niya na bayaran ang COVID-19 hazard pay ng lahat ng regular, contractual, casual, Contract of Service at Job Order na frontliners. Wala akong nakikitang dahilan para hindi natin maipatupad din ang ganito sa mga nagbubuwis ng buhay sa pagganap ng kanilang tungkulin na isalba ang kapwa nila.
Ang pinsalang hatid ng Bagyong Karding at ang malungkot na pangyayari sa ating limang rescuers ay paalala na dapat palagi tayong one-step ahead. Hindi natin maiiwasan ang pagdating ng mga ito, pero mas mabuti na ang lagi tayong handa para maiwasan natin ang mas malaking pinsala, at pagkasawi ng buhay ng ating mga kababayan. Para sa akin, importante ang buhay ng bawat Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments