ni Judith Sto. Domingo @Asintado | September 11, 2024
Durog ang ating dibdib sa namalas na mga trahedya sa kasagsagan ng Bagyong Enteng noong nakaraang linggo.
Isang pamilyang kinabibilangan ng limang katao sa Pililla, Rizal ang sama-samang pumanaw sa gitna ng landslide na nagpaguho at nagpatiklop sa kanilang tahanan. Tipak ng malalaking bato ang rumagasa sa kanilang tinitirhan na hindi na mabanaagan pagkatapos ng delubyo.
Sa Bulacan, matataas na baha ang nagdala ng pangamba at takot sa mga residente. Sa Metro Manila, kabi-kabila rin ang pagbahang naranasan kasama na ang kawalan ng kuryente.
Tila paulit-ulit na mga pangyayari ang sa atin ay tumatambad sa tuwing magkakaroon ng bagyo at baha. Tila hindi rin matinding nadagdagan at hindi ganap na tumatayog ang antas ng kahandaan ng gobyerno sa mga inaasahang hagupit ng epekto ng climate change.
Ilan kayang mga lokal na pamahalaan ang mayroon nang maaasahang resilience center sa kasalukuyan na makakapaglingkod kahit sa gitna ng trahedya, kawalan ng kuryente o tubig, at malawakang pagkalagas ng mga gamit at pamamaraan para sa pagsalba ng buhay?
Higit sa lahat, ilan kaya ang tunay na nakapagsanay para makapagligtas ng buhay at ari-arian sa gitna ng umiigting na mga hamon ng panahon?
Dapat napapaigting ng lahat ng sangay ng pamahalaan ang resilience sa lahat ng aspeto ng pamamalakad para matiyak na hindi lalamunin na lamang ng delubyo ang kani-kanilang preparasyon.
Dapat ding tutukan ng mga mamamahayag ang pag-uulat sa ginagawang paghahanda ng mga sangay ng gobyerno para mabatid ng taumbayan kung ang kanilang buwis nga ba ay inilalagak para sa pagliligtas ng kanilang buhay kung ito ay kinakailangan.
Sabi nga ng kasabihan, “Ang isa ay marami na,” ukol sa pagkawala ng buhay sa pamamaraang walang saysay at maaaring maiwasan sa gitna ng tamang kahandaan.
Pangulong Marcos Jr., pakatutukan ninyo nawa ang progreso ng paghahanda ng bawat sangay ng gobyerno sa pagharap sa mga banta ng panahon sapagkat nakasalalay dito ang buhay ng ating mga kababayan at kakayanang bumalikwas ng bayan.
Samantala, habang sinusulat natin ang column na ito isang linggo bago ilathala ay napapailing at napapabuntong-hininga tayo sa nagaganap na kaguluhan sa Davao para maaresto ang nagtatagong si Pastor Apollo Quiboloy.
Bakit ba hindi na lamang sumuko ang naturang pastor kaysa piliing hayaang dahil sa kanya ay malagay sa alanganin ang kanyang mga diumano’y pinapastol na mga miyembro? Tila mga defender naman ang ilang mga miyembro na sa halip na hayaan ang implementasyon ng batas ay hinaharang ito kaya lalong nagiging masalimuot.
Sa panig naman ng kapulisan ay napakahaba na ng panahon ng kanilang operasyon para madakip si Quiboloy na sinamahan pa ng paghukay ng malalim na lagusan para matagpuan ang mailap na pastor.
Isang malaking kahinaan ng pulisya ang kawalan ng kakayanan para matagpuan si Quiboloy at maabot ng lubid ng batas.
Mabuti at hindi nanatiling hungkag na panaginip lamang ito dahil totoong sumuko na si Quiboloy sa mga otoridad para sa kapakanan na rin marahil ng lahat.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments