@Buti na lang may SSS | August 29, 2021
Dear SSS,
Magandang araw! Nais kong malaman kung ano ang tinatawag na Workers’ Investment and Savings Program ng SSS? Bakit ito mahalaga para sa mga miyembro? – Chynna ng Dumaguete
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Chynna!
Ang Workers’ Investment and Savings Program (WISP) ay isa sa mga probisyon sa ilalim ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018, sinimulang ipatupad noong Enero 2021. Ito ay provident scheme na ipinatutupad ng SSS upang matulungan ang mga miyembro nito na mas malaki ang kanilang maipon para sa kanilang pagreretiro. Ito ay karagdagan sa regular na benepisyo ng SSS na kanila namang hinuhulugan kada buwan.
Nasasakop ng WISP ang mga miyembro na kumikita ng maximum monthly salary credit na mahigit sa P20, 000 at walang final claim sa ilalim ng regular SSS program. Awtomatiko naman ang pagiging bahagi nila sa nasabing programa.
Ang kanilang magiging buwanang hulog ay mula P65 hanggang P650. Nais naming bigyang-diin na ang mga miyembro na kuwalipikado sa WISP ay maghuhulog ng kontribusyon para sa regular na SSS program at sa WISP.
Halimbawa, kung kumikita ng P23,750 kada buwan, bawat buwan ay maghuhulog ng P2,600 para sa iyong regular SSS contribution at P520 naman ang para sa WISP.
Sa mga covered employee o may employer na pinapasukan, paghahatian nila ang hulog sa WISP ay tulad sa regular na hulog sa SSS. Halimbawa, ikaw, Chynna ay kumikita ng P23, 750 kada buwan at naghuhulog ng P520 bawat buwan para sa WISP, ang magiging share ng iyong employer ay P340 samantalang sasagutin mo naman ang P180.
Sa iyong pagreretiro, pareho mong makukuha ang iyong retirement benefit mula sa regular na programa ng SSS at ang iyong naipon sa WISP. Ang WISP ay magandang pagkakataon upang magkaroon ka ng mas komportableng pagreretiro kung saan lahat ng iyong naipon ay siya mo namang pakikinabangan sa kinabukasan. Bukod dito, ang iyong maiipon sa WISP ay tax-free at ginagarantiyahan ng SSS.
◘◘◘
Nais nating ipaalam sa mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program (PLP) ng SSS para sa panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Mula Setyembre 15, 2020, maaaring mag-sumite ng aplikasyon online sa pamamagitan ng My.SSS namatatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Kinakailangan lamang na mag-log in ang retiree-pensioner sa kanyang My.SSS account at piliin ang E-services sa tab nito at i-click ang “Apply for Pension Loan.” Punan ang lahat ng hinihinging impormasyon at isumite ang aplikasyon. Makahihiram kayo ng hanggang P200, 000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran ng hanggang 24-months o dalawang taon.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Commenti