ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Dok | July 15, 2021
Dear Doc Erwin,
Ako ay manggagawa sa pabrika, edad 55 at padre de-pamilya. Ako ay nagtatrabaho mula alas-6: 00 ng umaga hanggang alas-6: 00 ng hapon tuwing Lunes hanggang Sabado. At kung linggo naman ay nagpapahinga lamang sa bahay. Matapos ang aming annual checkup ay niresetahan ako ng Vitamin D at Vitamin K ng company physician at sinabihan akong inumin ito araw-araw dahil tumataas na ang aking blood pressure at maaaring kulang ako sa Vitamin D at Vitamin K. Ano ba ang Vitamin D at Vitamin K? Makatutulong ba ang mga ito upang hindi patuloy na tumaas ang aking blood pressure? – Tomas R.
Sagot
Maraming salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc. Tungkol sa inyong unang katanungan, ang Vitamin D ay isang uri ng fat soluble vitamin na tumutulong sa ating katawan upang ma-absorb ang calcium at mapanatili ang tamang blood level ng calcium at phosphate. Ito ay kinakailangan para sa kalusugan ng mga buto — bone growth at bone remodeling. Tumutulong ito upang tayo ay hindi magkaroon ng sakit sa buto na tinatawag na osteoporosis at rickets.
Ang Vitamin D ay ginagawa ng katawan kung tayo ay nabibilad sa ultraviolet light (Type B Ultraviolet Light) na nasa sikat ng araw. Ang previtamin D3 na nabubuo sa ating balat dahil sa ultraviolet light exposure ay nagiging aktibong Vitamin D pagkatapos dumaan sa hydroxylation process sa ating liver at kidneys. Dahil kayo ay may edad na maaaring nabawasan na ang inyong kapasidad na gumawa ng Vitamin D. Nabanggit ninyo na kayo ay nagtatrabaho mula umaga hanggang hapon, mula Lunes hanggang Sabado, ito ay maaaring maging dahilan upang magkulang ang inyong exposure sa araw kaya maaaring bumaba ang Vitamin D level ng inyong katawan.
Ayon sa US National Institute of Health ay kinakailangan magpa-araw ng 5-minuto hanggang 30-minuto araw-araw o kaya at least dalawang beses sa isang lingo upang makamit ang tamang level ng Vitamin D sa ating katawan. Kung maitim ang inyong balat ay maaaring mas matagal sa 30-minuto ang kinakailangan pagbilad sa araw. Dapat ibilad sa araw ang mukha, mga braso at kamay, at binti at paa. Huwag gumamit ng sunscreen kung magpapaaraw at iwasan magpa-araw sa likod ng salamin dahil hindi nagpe-penetrate ang ultraviolet light (UV B) sa sunscreen at salamin. Maaari rin magbilad sa tanning bed na may 2 hanggang 6 percent na ultraviolet light (UV B) radiation. Paalala na huwag magbilad sa araw ng mahabang oras. Ang mahabang exposure sa ultraviolet light ay isa sa mga nagiging dahilan ng skin cancer.
Maaari rin makuha ang Vitamin D sa pagkain, tulad ng matatabang isda (salmon, tuna at mackerel), atay ng baka, keso at itlog (egg yolk). Ang cow’s milk, soy milk, almond milk at oat milk ay kadalasan dinaragdagan ng (fortified with) Vitamin D.
Makukuha rin ang Vitamin D sa mga Vitamin D2 at Vitamin D3 supplements na mabibili sa health store. Ayon sa mga pag-aaral mas mataas ang level ng Vitamin D kung ang iinumin ay Vitamin D3 kaysa sa Vitamin D2.
Bilang guide, ayon sa US Recommended Dietary Allowances (RDAs), kinakailangan n’yo, ayon sa inyong edad 55, ng 600 International Units (IU) na Vitamin D araw-araw. Ang rekomendasyong ito ay maiiba sa ibang bansa at maaari rin maiba sa iba’t ibang professional societies.
Sa inyong pangalawang katanungan kung makatutulong ba ang mga vitamins na ito upang hindi patuloy na tumaas ang blood pressure. Ayon sa mga pag-aaral na inilathala sa American Journal of Hypertension noong 2007 at European Journal of Clinical Nutrition noong 2008 ang Vitamin D ay nagre-regulate ng renin-angiotensin system, ang pangunahing nagko-control ng ating blood pressure. Kung mababa ang level ng Vitamin D ay tumataas ang renin activity at level angiotensin II sa ating dugo kung kaya tumataas ang ating blood pressure.
Ayon sa pag-aaral na inilathala sa Journal of Nephropathology noong 2014 kinakailangan panatiliin ang normal level ng Vitamin D sa indibidwal na may hypertension, lalo na sa mga may Vitamin D deficiency. Nitong 2017 ay nailathala sa Hypertension, isang scientific journal, na ang kakulangan ng Vitamin D at Vitamin K ay nagiging sanhi ng hypertension at tumataas ang risk sa hypertension.
Dahil sa mga pag-aaral na nabanggit sa itaas ay nakita ng mga scientists ang kahalagahan ng Vitamin D sa pagpapanatili ng normal na blood pressure at pag-iwas sa hypertension.
Ang Vitamin K ang susunod nating isusulat sa second part ng ating series ukol sa hypertension at kakulangan ng vitamins.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments