ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 7, 2024
Sa tuwing nakakabalita tayo ng mga karumal-dumal na krimen -- madalas ang kasunod nating naiisip o nabibigkas ay ang salitang “hustisya,” na siyang nararapat sa anumang uri ng krimen, pagmamalabis, o kasamaan.
Gayunman, may mga ilang pagkakataon na sa labis na pagsisigasig na mahanap ang hustisya at agarang solusyon – kawalan ng hustisya o ‘di kaya naman ay panakip butas ang nagiging pagtugon sa halip na tunay na solusyon.
Sa ganitong pagkakataon, nasasakripisyo ang katarungan sa malalim na kahulugan nito. Hindi sapat na may maidiin lamang, dahil kahit kailan hindi ito hustisyang maituturing.
Upang maiwasan ang mga ganitong uri ng sitwasyon, dapat patunayan ng estado sa pamamagitan ng panig ng tagausig ang pagkakasala ng isang akusado nang higit pa sa makatwirang pagdududa o proof beyond reasonable doubt.
Sa maraming kaso ng Korte Suprema, ito ay nararapat na mapatunayan sa pamamagitan ng lakas ng ebidensiya, at hindi sa kahinaan ng depensa.
Sa araw na ito, ating ibabahagi ang isa sa mga natulungan ng aming tanggapan na mapawalang-sala sa kasong murder na isinampa laban sa kanya kaugnay sa malagim na kamatayan na sinapit ni Paterno, hindi niya tunay na pangalan.
Sa kasong People v. Barrion (CA-G.R. CR-HC No. 14) isinulat ni Hon. Justice Ruben Reynaldo G. Roxas, na may petsang ika-28 ng Pebrero 2022, na siya ring nagkaroon ng Entry of Judgement, napalaya sa mabigat na akusasyon ng pagpaslang ang isa sa ating kliyente na itago na lamang natin sa pangalang Benjamin.
Ayon sa bersyon ng tagausig, noong hapon ng ika-15 ng Abril 2011, may dalawang hindi kilalang lalaki ang dumating sa talyer na pagmamay-ari ni Paterno at pinagbabaril siya.
Si Paterno ay agad na dinala sa pinakamalapit na ospital, subalit idineklara siyang dead-on-arrival dahil sa 4 na tama ng baril na kanyang natamo.
Kaugnay nito, noong ika-9 ng Setyembre 2011, pormal na sinampahan ng prosekusyon ng kasong murder si Benjamin at ang isa pang ‘di kilalang akusado para sa pagpaslang kay Paterno.
Ayon sa salaysay ni Marlon, hindi niya tunay na pangalan, isa sa mga naging saksi ng prosekusyon patungkol sa oras at lugar ng insidente, may kani-kanyang ginagawa sina Barry at Roel sa talyer nang mapansin niyang may dumating na dalawang lalaki sakay ng isang motor. Bumaba ang mga ito sa motorsiklo, kaya naman agad niya itong nilapitan, ngunit hiniling ng mga ito na makausap ang manager. Dahil dito, tinawag niya si Paterno at bumalik sa kanyang trabaho.
Hinintay ng dalawang lalaki si Paterno na halos tatlong braso ang layo sa kanya. Makalipas ang isang minuto, napansin niyang lumapit si Paterno sa dalawang lalaki at kinausap ang isa, habang ang isa naman ay nasa likuran ni Paterno.
Ngunit bigla siyang nakarinig ng putok ng baril na nagmula sa direksyon ni Paterno. Ang putok ng baril ay sinundan pa ng kasunod na mga putok, na nagtulak sa kanya upang magtago.
Nang marinig niyang umalis ang dalawang lalaki, agad niyang pinuntahan si Paterno at nakita nila ito na duguan sa sahig.
Pinagtibay nina Barry at Roel ang karamihan sa testimonya ni Marlon. Samantala, ayon kay Jean, isa pang testigo ng tagausig, nagtungo sila sa himpilan ng pulisya noong ika- 23 ng Mayo 2011, dahil sa nabalitaan nilang isang suspek sa pagpatay kay Paterno. Sa istasyon, itinuro nila ang lalaking inaresto na kinilalang si Benjamin. Ngunit, itinanggi ng akusado na ang akusasyon laban sa kanya.
Ayon sa kanya, noong araw na siya ay inaresto, siya ay na-flag down dahil sa pagmamaneho ng kanyang motorsiklo nang walang lisensiya. Nang aminin niya ang katotohanang ito, sinabihan siya ng pulis na kailangan siyang makulong sa himpilan ng pulisya.
Kusa siyang sumunod at dinala sa himpilan ng pulisya. Sa hapon ng araw ding iyon, ilang indibidwal ang dumating sa istasyon na nakaturo sa kanya. Noon ay sinabi sa kanya na siya ay inakusahan ng pagbaril sa isang taong nagngangalang Paterno.
Matapos ang paglilitis, nahatulan si Benjamin sa kasong murder o pagpaslang. Kaugnay nito, umapela si Benjamin sa naunang hatol ng hukuman, at hiniling na siya ay mapawalang-sala. Tulad ng ating naunang nabanggit, binaliktad ang naunang hatol na konbiksyon ni Benjamin at tuluyang napawalang-sala.
Ayon sa hukuman para sa mga apela, dapat mapatunayan ng estado ang pagkakasala ng isang akusado nang higit sa makatwirang pagdududa o proof beyond reasonable doubt sa pamamagitan ng lakas ng ebidensiya, at hindi sa kahinaan ng depensa ng nasasakdal.
Sa kaso ni Benjamin, ayon sa hukuman para sa mga apela – kahit na paniwalaan natin na mayroong ilang mga saksi, ang kanilang pagkakakilanlan sa mga akusado tulad ni Benjamin bilang isang salarin ay hindi maaasahan dahil nabigo itong matugunan ang tinatawag na totality of circumstances test na itinataguyod ng Korte Suprema batay sa mga naging panuntunan na inilatag ng Korte Suprema ng Estados Unidos:
Pagkakataon ng saksi na tingnan ang kriminal sa oras ng krimen;
Antas ng atensyon ng saksi sa panahong iyon;
Ang katumpakan ng anumang naunang paglalarawan na ibinigay ng saksi;
Ang antas ng katiyakan na ipinakita ng saksi sa pagkakakilanlan;
Ang haba ng oras sa pagitan ng krimen at pagkakakilanlan; at
Ang pagiging suhestiyon ng pamamaraan ng pagkilala.
Sa kasong ito, walang paglalarawan sa mga salarin ang ginawa anumang oras bago ang pag-aresto kay Benjamin. Walang naunang paglalarawan, at dahil wala nang iba pang katibayan ng pagkakasala ni Benjamin – ang mababang hukuman ay walang pamantayan upang masukat ang kredibilidad o kawastuhan ng pagkilala sa akusado ng mga nakasaksi diumano sa krimeng naganap.
Ang detalyadong paglalarawan ng mga salarin sa mga sinumpaang salaysay o affidavit ng mga testigo ay hindi maaaring kunin sa halaga kung isasaalang-alang na sila ay nagsagawa ng kanilang mga affidavit dalawang araw pagkatapos nilang makita at makilala si Benjamin sa himpilan ng pulisya. Upang bigyang-diin, ang mas mahalaga ay ang katiyakan sa simula o sa paunang pagkakakilanlan sa akusado, hindi sa isang medyo huli na yugto ng mga paglilitis sa krimen.
Panghuli, iginiit din ng hukuman para sa mga apela na dahil ang mga sinasabing saksi ay desidido sa paggawa ng kanilang mga gawain o tungkulin sa talyer nang mangyari ang pamamaril, at sila ay nagkaroon lamang ng napakaikling engkuwentro sa mga salarin, kung mayroon man, makatuwirang isipin na walang naunang paglalarawan dahil ang mga saksi ay may ibang ginagawa nang mangyari ang naturang pamamaril.
Kaya naman kaunting atensiyon lamang ang naibigay sa mga katangian ng salarin. Nang dahil dito ay walang sapat na paggunita ang mga naging testigo sa mga pisikal na katangian ng salarin.
Samakatuwid, dahil hindi napatunayan ng estado ang pagkakakilanlan ng pumaslang, ang mga pagdududa na ito ay nararapat na iresolba tungo sa pagpapawalang-sala sa kanya – alinsunod sa pagpapalagay na inosente ang akusado maliban lamang kung mapatunayan ang pagkakasala nang higit sa makatwirang pagdududa.
Sa kuwentong ating ibinahagi na hango mula sa tunay na pangyayari, daing pa rin ng pamilya ni Paterno ang malagim na sinapit nito. Gayunman, ang aral na dulot ng ating kuwento ay sinasabi na hindi isang dahilan ang nabanggit na kalagiman na sinapit upang laktawan at ipagwalang-bahala na ang mga rekisito upang mapatunayan ang konbiksyon.
Kapag hindi ito napatunayan, ang daing ay hindi na lamang sa naturang biktima, bagkus, pati na rin sa magiging biktima sa pagkakadawit sa isang krimen na hindi naman napatunayan katulad ni Benjamin.
Ang kawalan ng katarungan sa magkabilang panig ay nagiging sanhi ng pagdaing. Ang tunay na tinig ng hustisya ay dinggin, nang walang masakripisyo, lalo na ang nadawit lamang sa isang kaso.
Comments