ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 29, 2024
Nakasaad sa ating Saligang Batas ang mga rekisito para sa pag-isyu ng isang search warrant.
Ayon sa Korte Suprema, ang search warrant na hindi istriktong sumunod sa alituntunin na nakasaad sa ating konstitusyon ay null and void o walang bisa. Dahil dito, ang nasamsam na mga bagay mula sa akusado na bunga ng isang illegal na search warrant ay hindi maaaring gamitin, at maging dahilan ng pagkakakulong ng akusado nang walang legal na basehan.
Ating silipin ang kasong hawak ng ating tanggapan, at kung paano natulungan ng nasabing doktrina ang isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang “Paul”.
Bilang pagbabahagi, sa kasong People v. Bañaga, pinal na natuldukan ang kaso ni Paul noong ika-30 ng Enero 2024, nang magkaroon ng entry of judgement kung saan siya ay pinawalang-sala sa kasong isinampa laban sa kanya na aniya ay paglabag sa Republic Act Number 10591, o mas kilala sa tawag na Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa kasong ito, pormal na sinampahan si Paul noong ika-27 ng Oktubre 2020 sa pagkakaroon ng armas, tulad ng baril nang walang karampatang dokumento na hawak.
Ayon sa bersyon ng prosekyusyon, noong ika-9 ng Oktubre 2020, nag-isyu ang Firearms and Explosives Office ng isang sertipikasyon na sinasabing si Paul ay wala diumanong lisensiya sa baril. Kasunod nito, noong ika-22 ng Oktubre ng kaparehang taon, nag-isyu ng search warrant si Judge Mamaril, hindi niya tunay na pangalan, kung saan parte nito ay nakasaad “is in possession or control at his residence in barangay ___ bayan ng ____ ”.
Ang nasabing search warrant ay nakatakdang ipatupad sa ika- 26 ng Oktubre 2020.
Dumating sa tahanan ni Paul ang mga otoridad noong araw na nabanggit upang aniya ay ipatupad ang nasabing search warrant. Matapos kumatok ang mga otoridad sa pintuan ay pinagbuksan sila ni Paul. Ipinaliwanag ng mga otoridad na sila ay mga miyembro ng kapulisan at may dala silang search warrant na kanilang ipinaliwanag kay Paul. Binanggit din ng otoridad na magsisimula sila kapag dumating na ang dalawang opisyal ng barangay upang masaksihan ang kanilang paghahanap.
Alas-5:30 ng madaling araw, dumating ang nasabing mga opisyal ng barangay at nagsimula na ang mga otoridad sa paghahanap alinsunod sa nasabing search warrant.
Sa ikalawang kuwarto ng tahanan ay may natagpuan silang itim na bag na matatagpuan sa ilalim ng higaan. Sa loob ng nasabing itim na bag ay natagpuan ang isang baril. Tinanong ng mga otoridad si Paul kung mayroon ba siyang lisensiya o mga karampatang dokumento para hawakan ang nasabing baril, ngunit wala itong naipakita.
Matapos ang 2 oras o alas-7:30 ng umaga, natapos ang paghahanap ng mga otoridad. Matapos ang marking at inventory ng nakumpiskang baril – isinama rin si Paul sa istasyon ng pulis.
Sa kabilang banda, iginiit ni Paul ang mga nabanggit na pangyayari at akusasyon.
Aniya, bigla na lang siyang pinosasan matapos niyang pagbuksan ng pinto ang mga kumakatok. Hindi rin diumano siya pinahintulutan na masaksihan ang paghalughog sa kanyang tahanan.
Ayon sa kanyang kapatid, na itago na lamang natin sa pangalang Nesie, una diumano niyang narinig ang isa sa mga pulis na wala aniya silang nakita. Subalit nang mapansin siyang sumisilip ay pinaalis at pinalabas ito ng kuwarto. Maya-maya lamang ay bigla na lamang may natagpuang baril sa ikalawang kuwarto ng bahay ng kanyang kapatid.
Matapos ang paglilitis, ibinaba ng mababang hukuman o ng Regional Trial Court (RTC) ang kanilang naging hatol kung saan ay sinabi ng hukuman na "guilty" ang akusadong si Paul sa kasong isinampa laban sa kanya.
Tulad ng ating unang nabanggit, binaligtad ng Court of Appeals ang naging hatol kay Paul ng Regional Trial Court at tuluyang pinawalang-sala sa desisyon na naging pinal noong ika-30 ng Enero 2024.
Ayon sa hukuman para sa mga apela, hindi napunan ng prosekyusyon ang gampanin nito na patunayan ang pagkakasala ni Paul nang higit sa makatwirang pagdududa dahil sa malinaw na paglabag ng ating Saligang Batas patungkol sa pag-isyu at pagpapatupad ng isang search warrant.
Nakasaad sa ating Saligang Batas: “Karapatan ng taumbayan na magkaroon ng kapanatagan ang kanilang sariling pamamahay, papeles, at mga bagay-bagay laban sa hindi makat’wirang paghahalughog at pagsamsam ng anumang layunin ay hindi dapat labagin, at hindi dapat maglagda ng warrant sa paghalughog o warrant sa pagdakip maliban kung may malinaw na dahilan na personal na pagpapasya ang hukom matapos masiyasat ang may habla at ang mga testigong maihaharap sa ilalim ng panunumpa.”
Gamit ang nasabing probisyon ng ating Saligang Batas, at matapos mapatunayan na walang naging sapat na batayan o rekord si Judge Mamaril sa pag-isyu ng search warrant at ang malinaw na kakulangan ng search warrant na espisipikong lugar na hahalughugin – taliwas sa nabanggit na probisyon ng Saligang Batas – ang nasabing search warrant ay null and void diumano o walang bisa.
Sa kaso ni Paul, walang ebidensiyang naipakita ang prosekyusyon na may complainant o/at mga testigo na nagbigay ng salaysay, o/at mga dokumento na naging pamantayan si Judge sa pag-isyu ng search warrant.
Bukod pa rito, ang paglalarawan sa lugar na hahalughugin kung saan nakasaad lamang ay “at his residence o sa kanyang tahanan” ay hindi rin espisipiko.
Bukod sa naging depekto sa pag-isyu ng search warrant, kapansin-pansin din ang hindi regular at maling implementasyon ng nasabing warrant nang hindi pinayagan ng mga otoridad si Paul o sinuman sa kanyang mga kasama sa bahay noong mga panahon na masaksihan ang nasabing paghahalughog.
Dahil sa mga nabanggit, hindi napatunayan ang pagkakaroon ng nasabing illegal na armas o baril, sapagkat anuman ang bunga ng walang bisang search warrant ay hindi maaaring magamit sa anumang hukuman.
Alinsunod sa mga kadahilanan na ito, hindi napunan ng prosekyusyon ang gampanin nito na patunayan ang pagkakasala ni Paul nang higit sa makat’wirang pagdududa.
Komentarze