top of page
Search
BULGAR

Kahalagahan ng pagiging miyembro sa SSS

@Buti na lang may SSS | September 4, 2022


Dear SSS,

Magandang araw! Ako ay admin staff ng construction company sa Taguig City. Nais kong itanong kung bakit kailangan akong magpamiyembro sa Social Security System? Bakit nga ba ito mahalaga manggagawang tulad ko? - Sheena

Sagot


Mabuting araw sa iyo, Sheena!


Ang buwan ng Setyembre ay lubhang napakahalaga sa Social Security System (SSS) dahil sa buwang ito ay ipinagdiriwang nito ang ika-65 taong anibersaryo ng kanyang pagkakatatag noong Setyembre 1, 1957. Napapanahon din ang iyong katanungan, Sheena sapagkat ngayong taon ay ang tema ng ating selebrasyon ay “Kontribusyong Pinagipunan, Proteksyong Maaasahan”. Kaya mahalagang matalakay ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng SSS, lalo na sa mga manggagawang katulad mo na nasa pribadong sektor.


Ang paghuhulog sa SSS ay isang paraan ng pag-iipon para sa iyong pagreretiro, Sheena. Ito rin ay maituturing na paghahanda sa oras ng pangangailangan o contingencies.


Nilalayon ng batas ng SSS sa bisa ng Republic Act No.1161 o ang Social Security Act of 1954 na inamyendahan noong May 24, 1997 sa pamamagitan ng Republic Act 8282 na ipinagtibay noong March 2019 sa bisa ng Republic Act 11199 o and Social Security Act of 2018 na bigyang-proteksyon ang mga manggagawa sa pribadong sektor, maging mga propesyonal at nasa informal sector. Bilang tugon dito, ang SSS ang itinalaga ng gobyerno upang pangasiwaan ang iba’t ibang social security programs para sa mga miyembro nito.


Bilang miyembro, maaari kang makakuha ng benepisyo sa pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagkawala ng trabaho, pagreretiro, pagpapalibing at pagkamatay. Kinakailangan lamang na makatugon ka sa mga kuwalipikasyon sa bawat benepisyo. Gayundin, maaari ka ring makahiram sa mga programang pautang nito, tulad ng salary, calamity, educational assistance at house repair.


Dagdag pa rito, kahit ikaw ay retirado na at tumatanggap ng pensyon, maaari ka pa ring makautang sa SSS sa ilalim ng Pension Loan Program. Ito ay isang uri ng loan program na idinesenyo para sa mga retirement pensioner ng SSS.


May kasabihan tayo na “Once a member, always a member” dahil panghabambuhay ang pagiging miyembro sa SSS. Kahit nakapagbayad lamang ng isang hulog ang miyembro at hindi na ito naipagpatuloy ay mananatili pa rin siyang miyembro.


Samantala, kahit sa panahon na wala kang naihulog sa SSS, maaari ka pa ring makakuha ng mga benepisyo hangga't natutugunan mo ang lahat ng kondisyon sa alinmang benepisyo. Sa katunayan, kahit isa lamang ang iyong naihulog na kontribusyon ay kuwalipikadong tumanggap ang iyong mga benepisaaryo ng benepisyo sa pagpapalibing o funeral benefit sa sandaling may hindi inaasahang mangyari sa iyo.

Subalit mas mabuting patuloy kang makapaghuhulog habang ikaw ay may trabaho pa o kaya’y negosyo upang matamasa mo ang tuluy-tuloy na mga benepisyo ay prebilehiyo na ibinibigay ng SSS sa sandaling kailanganin mo ito.


Kaya, malaki ang maitutulong ng SSS sa mga taon ng iyong pagtatrabaho, Sheena. Sa panahon ng iyong pagreretiro ay mapapakinabangan mo na ang naimpok mo sa SSS bilang pensyon na tatanggapin mo habang ikaw ay nabubuhay.


Sa kabila ng mga hamon na kinahaharap natin sa ating panahon, ang SSS ay patuloy na mananatiling kaagapay ng bawat manggagawang Pilipino sa makabagong panahon kung saan palagi nating inuuna ang kapakanan ng ating mga miyembro para sa mas mabilis, mas pinasimple at mas pinadaling pamamaraan na mga transaksyon sa SSS.


***


Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.


***


Nais naming ipaalam na binuksan ng SSS noong Agosto 15, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, 2022.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Abra at Mountain Province. Sa Abra, sakop ng programa ang mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, La Paz, Licuan, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo, at Villaviciosa. Samantala, sa Mountain Province naman, kasama ang mga bayan ng Bauko at Besao.


Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Nobyembre 14, 2022.

 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page