top of page
Search
BULGAR

Kahalagahan ng pagiging miyembro sa SSS

@Buti na lang may SSS | September 05, 2021



Dear SSS,

Magandang araw! Ako ay construction worker sa Taguig City. Nais kong itanong kung bakit kailangan akong magpamiyembro sa Social Security System? At bakit ito mahalaga sa tulad ko? – Chito


Sagot

Mabuting araw sa iyo, Chito!


Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat kasalukuyang ipinagdiriwang ng Social Security System (SSS) ang ika-64 taong anibersaryo nito. Kaya mahalagang matalakay ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng SSS, lalo na sa mga manggagawang tulad mo na nasa pribadong sektor.


Para sa iyong kaalaman, ang SSS ay naitatag noong Setyembre 1, 1957 sa bisa ng Republic Act No. 1161 o ang Social Security Act of 1954. Nilalayon ng batas na bigyan ng proteksiyon ang mga manggagawa sa pribadong sektor, maging ang mga propesyunal at nasa informal sektor. Bilang tugon, ang SSS ang itinalaga ng gobyerno upang pangasiwaan ang iba’t ibang social security programs para sa mga miyembro nito.


Ang paghuhulog sa SSS ay paraan ng pag-iipon para sa iyong pagreretiro. Ito rin ay maituturing na paghahanda sa oras ng pangangailangan o contingencies.


Bilang miyembro, maaaring makakuha ng benepisyo para sa pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagkawala ng trabaho, pagreretiro, pagpapalibing at pagkamatay. Kinakailangan lamang nakatugon sa mga kuwalipikasyon sa bawat benepisyo. Gayundin, maaari ring makahiram sa mga programang pautang ng SSS tulad ng salary, calamity, educational assistance, house repair, at maging Pension Loan Program sa sandaling ikaw ay retirement pensioner na.

May kasabihan tayong “once a member, always a member” dahil panghabambuhay ang pagiging miyembro sa SSS. Kahit nakapagbayad lamang ng isang hulog ang miyembro at hindi na ito naipagpatuloy ay mananatili pa rin siyang miyembro. Kahit pa mahabang panahon na siyang hindi nakapaghulog ay hindi mawawalambisa ang kanyang mga naihulog sa SSS.


Kahit sa panahong walang naihulog sa SSS, maaari pa ring makakuha ng mga benepisyo hangga’t natutugunan ang lahat ng kondisyon sa alinmang benepisyo. Sa katunayan, kahit isa lamang ang iyong naihulog na kontribusyon ay kuwalipikadong tumanggap ang iyong mga benepisaryo ng benepisyo sa pagpapalibing o funeral benefit sa sandaling may hindi inaasahang mangyari sa iyo.


Kaya, malaki ang maitutulong ng SSS sa mga taon ng iyong pagtatrabaho, Chito. Sa panahon ng iyong pagreretiro ay mapakikinabangan na ang naimpok sa SSS bilang pensyon na tatanggapin habang ikaw ay nabubuhay.


Sa kabila ng mga hamon na dulot ng pandemya, ang SSS ay patuloy na mananatiling kaagapay ng bawat manggagawang Pilipino sa makabagong panahon kung saan palagi nating inuuna ang kapakanan ng ating miyembro para sa mas mabilis, pinasimple at pinadaling pamamaraan na mga transaksiyon sa SSS.


◘◘◘


Nais nating ipaalam sa mga retirement pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program (PLP) ng SSS para sa kanilang panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Mula Setyembre 15, 2020, maaaring magsumite ng aplikasyon online sa pamamagitan ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Kinakailangan lamang mag-log in ang retiree-pensioner sa kanyang My.SSS account at piliin ang E-services sa tab nito at i-click ang “Apply for Pension Loan.” Punan ang lahat ng hinihinging impormasyon at isumite ang aplikasyon. Makahihiram kayo ng hanggang P200, 000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran ng hanggang 24-months o dalawang taon.

 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page