top of page
Search
BULGAR

Kahalagahan ng pagiging miyembro ng SSS

@Buti na lang may SSS |September 3, 2023



Dear SSS,


Magandang araw! Ako ay isang construction worker dito sa Mandaluyong City. Nais kong itanong kung bakit kinakailangan akong magpa-miyembro sa Social Security System (SSS)? Bakit ba ito mahalaga sa isang manggagawa na katulad ko? Salamat . - Paulino


Mabuting araw sa iyo, Paulino!


Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat ngayong Setyembre ay ipinagdiriwang ng Social Security System (SSS) ang ika-66 na taong anibersaryo na may temang SSS@66: “Serbisyong Mapagkakatiwalaan, Proteksyong Maaasahan.”


Bilang pagpupugay sa ating ahensya, itinuturing din na Social Security Month ang Setyembre. Kaya mahalagang talakayin natin ang kahalagahan ng pagiging isang miyembro ng SSS lalo na sa mga manggagawang katulad mo, Paulino na nagtatrabaho sa pribadong sektor.


Para sa iyong kaalaman, ang SSS ay naitatag noong Setyembre 1, 1957 sa bisa ng Republic Act No. 1161 o ang Social Security Act of 1954. Nilalayon ng batas na bigyan ng proteksyon ang mga manggagawa sa pribadong sektor, maging mga propesyunal at nasa informal sector. Bilang tugon dito, ang SSS ay itinalaga ng gobyerno upang pangasiwaan ang iba’t ibang social security programs para sa mga miyembro nito.


Samantala, ang paghuhulog sa SSS ay isang paraan ng pag-iipon para sa iyong pagreretiro. Ito rin ay maituturing na paghahanda sa oras ng pangangailangan o contingencies.


Bilang isang miyembro, maaaring makakuha ng benepisyo para sa pagkakasakit (sickness), pagkabalda (disability), pagkawala ng trabaho (unemployment), pagreretiro (retirement), pagpapalibing (funeral) at pagkamatay (death). Kinakailangan lamang na nakatugon ka sa mga kuwalipikasyon sa bawat benepisyo. Gayundin, maaari ka ring makahiram sa mga programang pautang nito tulad ng salary, calamity, educational assistance, at maging Pension Loan Program (PLP) para naman sa mga retirement pensioners na.


May kasabihan tayo na “once a member, always a member” dahil panghabambuhay ang pagiging miyembro sa SSS. Kahit nga nakapagbayad lamang ng isang hulog ang isang miyembro at hindi na ito naipagpatuloy ay mananatili pa rin siyang miyembro. Kahit pa mahabang panahon na siyang hindi nakapaghulog ay hindi mawawalang bisa ang kanyang mga naihulog sa SSS.


Paulino, kahit sa panahon na wala kang naihulog sa SSS ay maaari ka pa ring makakuha ng mga benepisyo hangga’t natutugunan mo ang lahat ng kondisyon sa alinmang benepisyo. Katunayan, kahit isa lamang ang iyong naihulog na kontribusyon ay kuwalipikadong tumanggap ang iyong mga benepisyaryo ng benepisyo sa pagpapalibing o funeral benefit sa sandaling may hindi inaasahang mangyari sa iyo.


Kaya, malaki ang maitutulong ng SSS sa mga taon ng iyong pagtatrabaho. Sa panahon ng iyong pagreretiro ay mapapakinabangan mo na ang naimpok mo sa SSS bilang pensyon na tatanggapin mo habang ikaw ay nabubuhay.


Sa kabila ng mga hamon na kinahaharap ng ating bansa, ang SSS ay patuloy na mananatiling kaagapay ng bawat manggagawang Pilipino sa makabagong panahon at sinisiguro na makapagbigay ng tamang benepisyo sa mga miyembro at nararapat na benepisyaryo nito.


***


Binuksan noong Agosto 15, 2023 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na nasalanta ng Southwest Monsoon at Tropical Cyclone (TC) Egay. Tatanggap ng aplikasyon para sa CAP hanggang Nobyembre 14, 2023. Ito ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Pampanga, Cagayan, Bataan, Cavite, Abra, at Mountian Province; mga bayan ng Luna at Bangar sa La Union, Mangatarem at Santa Barbara sa Pangasinan, Paombong at Pulilan sa Bulacan, Camiling sa Tarlac, at Sablayan sa Occidental Mindoro; at sa Lungsod ng Dagupan.


***


Paalala lamang na hanggang Setyembre 21, 2023 na lamang ang pagtanggap ng SSS ng aplikasyon para sa Calamity Assistance Package (CAP) na inilunsad nito para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng kasalukuyang volcanic activity ng Bulkang Mayon sa Bicol Region na nagsimula noong Hunyo 5, 2023. Ito ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.


Ang CAP ay nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Albay na nasa ilalim ng state of calamity bunga ng pag-aalburoto ng nasabing bulkan. Kasama rito ang mga bayan ng Bacacay, Camalig, Daraga (Locsin), Guinobatan, Jovellar, Libon, Ligao, Malilipot, Malinao, Manito, Oas, Pio Duran (Malacbalac), Polangui, Rapu-Rapu, Sto. Domingo, Tabaco at Tiwi, at ang lungsod ng Legazpi.


***


Patuloy pa ring tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.

 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page