top of page
Search
BULGAR

Kahalagahan ng paghahanda sa lindol, ipaunawa sa publiko

ni Ryan Sison - @Boses | August 21, 2020



Isa ang lindol sa mga kalamidad na nakasisira ng mga ari-arian, tahanan at ang pinakamasaklap, kumikitil ng buhay. ‘Ika nga, sa sandaling pag-uga ng lupa, marami ang puwedeng mawala.


Noong Martes, Agosto 18, niyanig ng Magnitude 6.6 na lindol ang Masbate kung saan maraming nasirang bahay at mga kalsada.


Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), Catangian town ang epicenter ng lindol at naramdaman din ang pagyanig sa Quezon, Bicol Region at ilang bahagi ng Central Luzon.


Sabi nga, maaaring dumating ang lindol anumang araw at oras. Kumbaga, ‘pag lumindol, wala tayong ibang magagawa kundi kumalma at sikaping makapunta sa ligtas na lugar.


Nakakalungkot dahil sa gitna ng pakikipaglaban sa pandemya, dumating pa ang ganitong trahedya.


Dahil may mga nawalan ng tahanan, tiyak na sa evacuation centers sila pansamantalang mananatili. Hindi natin tuloy maiwasang magkaroon ng pangamba dahil sa dami nilang magsasama-sama sa iisang lugar, baka roon pa sila magkahawaan ng sakit.


Kaya naman panawagan sa LGUs, mahigpit pa ring ipatupad ang health protocols sa evacuation center para maiiwas sa sakit ang mga residente.


At kahit may pandemya, kailangan din nating ipaalala na kailangang maging handa sa lindol. Bagama’t hindi tayo makapagsagawa ng earthquake drill dahil sa pandemya, patuloy tayong magbigay-paalala.


Sana’y magtulungan ang Phivolcs at lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng kaalaman sa mga residente kung paano mananatiling ligtas tuwing may kalamidad.


Paalalahanan din natin ang lahat na ‘wag mag-panic dahil ito ang kadalasang sanhi ng stampede o pagkakagulo.


Sa dami ng trahedya o kalamidad na naranasan ng bansa, nawa’y natutunan na natin kahalagahan ng pagiging handa.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com6

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page