top of page
Search
BULGAR

Kahalagahan ng pag-inom ng vitamins

ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | November 9, 2021





Dear Doc Erwin,

Ako ay 47 years old, dating varsity athlete noong ako ay nasa kolehiyo pa at ngayon ay health buff. Mahilig ako sa long distance run, biking at mountain hiking.


Dahil sa aking physical activities ay minabuti ko na uminom ng mga health supplements, tulad ng vitamins at minerals. Paano at kailan ko dapat inumin ang mga vitamins at minerals? - Dante A.


Sagot


Maraming salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ang mga vitamins at minerals ay kailangan ng ating katawan upang ito ay maging malusog at malakas. Kung ikaw ay kumakain ng balanced diet, kasama ang iba’t ibang klase ng gulay, karne, isda at nuts ay maaring sapat na ang mga kinakain mo upang makuha ang mga kinakailangang vitamins at minerals. Ngunit kung ikaw ay vegan, vegetarian o kaya ay may special diet katulad ng keto diet ay maaring kulang ang mga vitamins at minerals na nakukuha mo sa mga pagkain. Makatutulong ang mga health supplements, tulad ng multivitamins at minerals upang mapunuan ang sustansiya na hindi maibigay ng iyong kinakain.


Dahil sa ikaw ay maraming physical activities, kinakailangan mo rin ng dagdag-pagkain upang makuha ang sapat na calories at mabigyan ng lakas ang iyong katawan.


Sa pag inom ng mga health supplements kinakailangan siguruhin natin na ito ay ma-absorb ng ating katawan at maiwasan ang mga posibleng side-effects, tulad ng pagsakit ng tiyan o pagtatae matapos uminom ng vitamins at minerals.


Ang mga vitamin supplements ay mahahati natin sa dalawang klase – ang water soluble vitamins at ang pangalawa ay ang mga fat soluble vitamins. Ang water soluble vitamins ay ang mga Vitamins B at C. Dahil sila ay natutunaw sa tubig, kinakailangan na uminom ng sapat na tubig kasama ang Vitamins B o C upang ito ay matunaw at ma-absorb ng ating katawan. Ang mga vitamins na ito ay maaaring inumin ng hindi pa kumakain.


Ang Vitamin B-12, isang uri ng Vitamin B ay mas makabubuting inumin sa umaga.


Maaaring makaapekto sa pagtulog kung ito ay iinumin sa gabi. Dahil humihina ang absorption ng ating katawan ng Vitamin B-12 sa ating pagtanda, mas makakabuti na magkahiwalay na inumin ang Vitamin B-12 at Multivitamins.


Ang fat soluble vitamins katulad ng Vitamin A, D, E at K ay dapat inumin pagkatapos kumain.


Para masiguradong mas marami ang ma-absorb ay kinakailangan ng fat o taba sa kinain.


Makatutulong ang yogurt, whole fat milk, or virgin coconut oil para madaling ma-absorb ang mga fat soluble vitamins.


Kung ang water soluble vitamins ( B at C) at fat soluble vitamins (A, D, E, at K) ay magkasama sa isang tablet o capsule tulad ng mga multivitamin preparation ay mas makabubuting inumin ito pagkatapos kumain ng almusal, tanghalian o hapunan. Ang fat o taba sa kinain na pagkain ang makatutulong upang ma-absord ang mga fat soluble vitamins. Siguraduhing uminom ng sapat na dami ng tubig upang matunaw at madaling ma-absorb ang mga water soluble vitamins.


Iwasan uminom ng multivitamins at mga fat soluble vitamins (A, D, E at K) kung walang laman ang tyan sa kadahilanan na maaaring hindi matunaw at hindi ma-absorb ang mga nabanggit na fat soluble vitamins. Dahil dito ay maaaring makaramdam ng pagsakit ng tiyan o pagtatae.


Ang isang mineral na kadalasan iniinom ng mga nakatatanda ay ang Calcium supplement upang maiwasan ang sakit na osteporosis. May dalawang klaseng Calcium supplement ang maaaring inumin – ang Calcium carbonate at ang Calcium citrate. Ayon sa Cleveland Clinic, isang sikat na medical center sa bansang Amerika, mas makabubuting inumin ang Calcium carbonate matapos kumain, at ang Calcium citrate naman ay maaaring inumin ano mang oras, kahit hindi pa kumakain.


Mas makabubuti rin na inumin ang Calcium supplement ng ibang oras at hindi kasabay ang multivitamin at mineral tablet dahil maaring makabawas ang Calcium ng absorption ng ibang minerals katulad zinc magnesium, iron, at copper.


Atin ding tandaan na ang Calcium at Magnesium ay maaaring makabawas ng absorption ng mga gamot. Mas makabubuti na huwag isabay ang mga ito sa pag-inom ng antibiotics, thyroid hormones at sa mga gamot na statins.


Ang prenatal vitamins o mga bitamina para sa nagbubuntis ay mas makabubuting inumin pagkaapos kumain at may sapat na dami ng tubig upang masiguro na sila ay matutunaw at ma-absorb ng katawan. Ang Folic acid, isang bitamina na ibinibigay sa mga nagbubuntis ay maaaring inumin kahit walang laman ang tiyan kasama ang pag-inom ng sapat na tubig.


Ayon sa ilang mga siyentipiko, mas makabubuting mag-umpisang uminom ng prenatal vitamins at Folic acid tatlong buwan bago magbuntis upang masigurong may sapat na bitamina ang katawan ng ina at ng bata sa panahon ng pagbubuntis. Ang Folic acid supplement ay makatutulong upang maiwasan ang neural tube defects sa mga baby.


Sana ay nasagot ng artikulo na ito ang inyong mga katanungan.



 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page