top of page
Search
BULGAR

Kahalagahan ng Omega 3 sa kalusugan

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | July 21, 2022




Dear Doc Erwin,


Noong nakaraang taon ay inatake sa puso ang aking ina. Dahil dito ay umiinom siya ng mga gamot na inireseta ng doktor upang hindi maulit ang kanyang atake sa puso.


Nabasa ko sa magazine na ang Omega 3 supplement ay makatutulong na hindi maulit ang atake sa puso. May basehan ba ito? Kung ito ay makatutulong sa aking ina, may mga pagkain ba na mapagkukunan nito? - Michael


Sagot

Maraming salamat Michael sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ang Omega 3, ayon sa Harvard School of Public Health ay isang uri ng fatty acid na kinakailangan ng ating katawan sa paggawa ng mga cells at hormones na tumutulong para sa contraction ng ating muscles, ma-relax ang mga blood vessels, maregulate ang clotting mechanism ng ating dugo at tumutulong din sa regulation ng inflammation. Mayroon din role ang Omega 3 sa pag-regulate ng genetic function ng ilang uri ng mga cells sa ating katawan. Ayon sa mga scientists, dahil sa mga kayang gawin ng Omega 3 kaya’t nakatutulong ito upang tayo ay makaiwas sa sakit sa puso, stroke at makontrol ang mga sakit, tulad ng rheumatoid arthritis, eczema at lupus. Maaari rin mabigyan tayo ng protection laban sa cancer.


Itinuturing na essential fat ang Omega 3 dahil hindi ito kayang gawin ng ating katawan. Dahil dito kailangan natin makuha ang Omega 3 sa mga kinakain o kaya bilang supplement. Ang mga pagkaing mayaman sa Omega 3 ay ang isda, madahon na gulay, vegetable oil, walnuts at flax seed.


May iba’t ibang uri ng Omega 3, tulad ng alpha-linolenic acid (ALA), eicosapentaenoic acid (EPA), docosahexaenoic acid (DHA) at iba pa. Ang ALA, na makukuha sa flax seeds, chia seeds at walnuts ay kino-convert ng ating katawan sa EPA at DHA. Dahil mahina ang conversion ng ating katawan ng ALA sa EPA at DHA, makabubuting kumain o uminom ng supplement na naglalaman ng EPA at DHA. Ang mga pagkaing mayaman sa EPA at DHA Omega 3 ay mga isda, tulad ng salmon, sardinas at mackerel. Mayaman din ang atay ng isda na cod at ito ay available bilang isang supplement na tinatawag na cod liver oil.


Upang masagot natin ang iyong iba pang katanungan, banggitin natin ang pag-aaral. Isang malaking clinical trial ang isinagawa na tinatawag na GISSI Prevention Trial. Inilathala ang resulta nito sa medical journal na Lancet noong August 1999. Sa clinical trial ay pinag-aralan ng mga scientists ang epekto sa mga pasyente na nagkaroon na ng atake sa puso ng pag-inom ng 1 gram capsule ng Omega 3 supplement araw-araw sa loob ng 3-taon. Ayon sa resulta ng clinical trial na ito, mas mababa ang posibilidad na maulit muli ang atake sa puso sa mga pasyente na uminom ng Omega 3, araw-araw.


Mas mababa rin ang posibilidad na magkaroon ng stroke at biglaang pagkamatay.


Tungkol sa iyong katanungan kung gaano kadalas dapat kumain ng mga pagkaing mayaman sa Omega 3, ayon sa Harvard School of Public Health, makabubuting kumain ng mayaman sa Omega 3 hindi bababa sa isa o dalawang beses sa isang linggo.

 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page