top of page
Search
BULGAR

Kahalagahan ng newborn screening

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | February 25, 2021





Dear Doc. Shane,


Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa newborn screening? Para saan ba ito at ano ang kahalagahan nito? Salamat! – Trish


Sagot


Ang newborn screening ay simple ngunit, mahalagang pamamaraan na isinasagawa sa mga bagong silang na sanggol upang makita kung mayroong sakit o anumang kondisyon na kinakailangang gamutin. Sa tulong nito, maaaring maagapan ang ilang mga sakit na nakukuha sa kapanganakan at maging ang kamatayan sa mga bagong silang na sanggol (neonatal death) na isa sa sampung pangunahing dahilan ng kamatayan sa bansa.


Layunin ng pamamaraang ito na mabigyan ng normal na pamumuhay ang lahat ng bagong silang na sanggol at matiyak na maaabot ang kabuuang potensiyal ng bata.


Paano isinasagawa ang newborn screening?


Sa tulong ng newborn screening na isinasagawa sa mga ospital at mga lugar ng paanakan, maaaring matukoy ang sakit at agad itong malunasan. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng sumusunod na hakbang:


1. Ang screening sa bagong silang na sanggol ay isinasagawa sa loob ng 48 oras mula nang maipanganak ang bata o kaya ay sa loob ng 24-oras ngunit, hindi sa pagkalipas ng tatlong araw. Kung ang sanggol ay itinalaga sa Intensive Care Unit ng ospital, maaaring hindi agad suriin at palipasin ang tatlong araw, ngunit dapat pa ring isailalim sa screening sa pagtapak nito sa edad na 7 araw.


2. Tinutusok ang sakong ng bata at dito ay kumukuha ng ilang patak ng dugo.


3. Ang nakuhang dugo ay inilalagay sa isang espesyal na uri ng card at pinapatuyo nang apat na oras.


4. Ang newborn screening ay maaaring isagawa ng nurse, doctor, komadrona o medical technologist sa ospital o lugar-paanakan.


5. Kung sakaling magpositibo sa anumang kondisyon ang inisyal na screening, maaaring ipasa ang kaso sa mga doktor upang agad mabigyan ng lunas.

Sana ay naging malinaw sa iyo ang kahalagahan ng newborn screening at kung bakit ito isinasagawa na ngayon.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page