top of page
Search

Kahalagahan ng MySSS Pension Booster sa SSS member

BULGAR

@Buti na lang may SSS | June 30, 2024



Buti na lang may SSS


Dear SSS, 

 

Magandang araw! Nais kong malaman kung bakit mahalaga ang tinatawag na MySSS Pension Booster ng SSS sa mga miyembro? At paano ko makikita ang record ng naihuhulog ko sa nasabing programa?  Salamat.


— Lilia


 

Mabuting araw sa iyo, Lilia!


Mahalaga ang MySSS Pension Booster sapagkat ito ay nagsisilbing karagdagang social protection ng mga miyembro bukod sa kanilang regular SSS program.


May dalawang schemes ang MySSS Pension Booster. Isa rito ang mandatory scheme ng MySSS Pension Booster o dating tinatawag na Workers’ Investment and Savings Program (WISP).


Ang MySSS Pension Booster ay isa sa mga probisyon sa ilalim ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018 na sinimulang ipatupad noong Enero 2021. Ito ay isang retirement savings program na pinangangasiwaan at ipinatutupad ng SSS upang matulungan ang mga miyembro na makaipon ng mas malaki para sa kanilang pagreretiro. Tulad ng regular SSS program ay hinuhulugan din ito kada buwan.


Nasasakop ng mandatory scheme ng MySSS Pension Booster ang mga miyembro na kumikita ng maximum monthly salary credit na mahigit sa P20,000 at walang final claim sa ilalim ng regular SSS program. Awtomatiko naman ang pagiging kasapi nila sa nasabing programa.


Ang kanilang magiging buwanang hulog ay mula P70 hanggang P1,400. Kailangan namang ang miyembro ay aktibong naghuhulog ng kanyang buwanang kontribusyon sa ilalim ng regular SSS program.


Halimbawa, kung ikaw ay kumikita ng P23,750 kada buwan, bawat buwan ay maghuhulog ka ng P2,830 para sa iyong regular SSS contribution, kasama na rito ang P30 na hulog para naman sa Employees’ Compensation Program, at P560 naman ang napupunta sa iyong MySSS Pension Booster.


Sa mga covered employee o mga miyembro na may employer na pinapasukan, paghahatian nila ang hulog sa MySSS Pension Booster, gaya ng sa regular na hulog sa SSS. Halimbawa, ikaw, Lilia ay kumikita ng P23,750 kada buwan at nag-iipon ng P560 bawat buwan para sa MySSS Pension Booster, ang magiging share ng iyong employer ay P380 samantalang sasagutin mo naman ang P180.


Maaari ring i-check ng miyembro ang posting ng kanyang kontribusyon sa MySSS Pension Booster sa pamamagitan ng kanyang My.SSS account. Mag-log in sa kanyang account sa My.SSS. Sunod, magtungo sa “Inquiry” tab at i-click ang “Contributions.” Makikita rito ang contributions niya sa MySSS Pension Booster maging ang posting ng kanyang buwanang hulog sa regular na SSS program.


Ilalagak ng SSS sa investment ang mga kontribusyon ng mga miyembro sa MySSS Pension Booster. Ang anumang kikitain dito ay ibabalik ng proporsyonal sa miyembro depende sa halaga ng kanilang contributions. Ang posted contribution sa isang buwan ay magkakaroon ng share sa investment income simula sa unang araw ng susunod na buwan. Hindi lamang nag-iipon ang miyembro kundi kumikita pa ang pinag-iipunan niya.


Sa iyong pagreretiro, Lilia, pareho mong makukuha ang iyong retirement benefit mula sa regular na programa ng SSS at ang iyong naipon sa MySSS Pension Booster. Ang MySSS Pension Booster ay magandang pagkakataon upang magkaroon ka ng isang mas komportableng pagreretiro kung saan lahat ng iyong naipon ay siya mo namang pakikinabangan sa kinabukasan. Bukod dito, ang iyong maiipon sa MySSS Pension Booster ay tax-free at ginagarantiyahan ng SSS.  


Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito.  Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon. 



 

Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page