ni Grace Poe - @Poesible | October 13, 2020
Mahalagang kumustahin natin ang ating mga mahal sa buhay at mga kaibigan. Minsan, ang napakasimpleng aksiyon ng pagtingin kung ano ang lagay ng mga tao ay nakapagpapadama sa kanila ng ating malasakit lalo na ngayong panahong ito.
Noong Sabado, ipinagdiwang ang World Mental Health Day upang bigyang-diin ang kahalagahan ng mental health o kalusugang pang-isip. Higit kailanman, napakahalagang ipaalala sa bawat isa na hindi lamang ang ilalaman sa tiyan ang dapat intindihin ng bawat isa, kung hindi kung paano mananatiling panatag ang pag-iisip at ang ating mga emosyon sa gitna ng pandemya.
Napakaraming hamon ang hinarap nating lahat nitong nagdaang mga buwan: mula sa ating healthcare workers na kailangang magtrabaho kahit may panganib na makapag-uwi sila ng impeksiyon sa kanilang pamilya; mga guro na nag-aadjust sa pagtuturo na walang kaharap na mag-aaral at kinakailangang magdoble-kayod sa paggawa ng modules at iba pang materyales sa pagtuturo; mga estudyanteng nangangapa sa online schooling at ang kanilang mga magulang o bantay na tila nagbabalik-paaralan at lalo na ang mga manggagawa na nawalan ng trabaho dahil sa hagupit sa ekonomiya ng COVID-19.
Ang matagal na lockdown na nagdulot ng isolasyon sa maraming tao ay may epekto sa kalusugang pang-isip ng maraming kababayan natin. Walang katumbas ang sakit ng mga naulila dahil sa impeksiyon sa COVID-19 na hindi man lamang nahawakan o nakita ang kanilang mahal sa buhay sa huling sandali ng kanilang buhay. Marami ang nakaranas ng depresyon at matinding pagkabalisa, mga bagay na kailangan nating agapayan lalo na sa panahong ito.
Ipinapaalala natin sa ating mga kababayan: “It’s okay not to be okay.” Huwag mawawalan ng pag-asa. Kung kailangan ng kausap, puwede kayong tumawag sa National Center for Mental Health Crisis Hotline sa 09178998727 o kaya ay sa landline na (02) 79898727. Meron ring e-konsultasyon sa <bit.ly/ncmhkonsulta> kung gusto na online.
Walang nakakahiya sa paghingi ng tulong. Kung nanghihingi tayo ng tulong kapag nagugutom at walang makain, bakit hindi kapag magulung-magulo ang isip at kailangan ng tulong sa pagproseso nito nang walang takot na mahusgahan?
Hindi pa natin natatanaw ang dulo ng pandemya. Marami pang pagdadaanan ang bawat isa. Kailangan nating manatiling malusog, hindi lang sa pangangatawan, kundi pati sa isipan.
Comments