top of page
Search
BULGAR

Kahalagahan ng matibay na ebidensiya at pagkakakilanlan

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Oct. 19, 2024



ISSUE #328


HANGAD ng bawat isa sa atin, lalo na ng ating hukuman, na ang bawat krimen ay lubos na mapanagutan. 


Sinuman ang salarin o anuman ang partisipasyon sa paglabag ng batas ay dapat maparusahan nang naaayon. Mahirap at mahaba man ang proseso nito, ito ang tamang paraan upang ang katarungan ay matamo. Hustisya ay dapat maibigay, biktima man ay buhay o yumao.


Gayunman, kailangan na panatilihin ang pagiging patas, maipatupad ang nararapat sa inakusahan batay sa nakasaad sa batas. Kung ang kanyang pagkakasala ay hindi mapatunayan nang higit sa makatwirang pagdududa, ayon sa ating Saligang Batas, pagpapawalang-sala ang nararapat na igawad sa kanya.


Ang kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito ay hango sa kasong People of the Philippines vs. Rommel Jimenez y Decena (G.R. 263278, October 11, 2023), na inilaban hanggang sa Korte Suprema ni Atty. Erika Denise G. Ong ng aming PAO-Special and Appealed Cases Service (SACS). 


Tunghayan natin kung paano maingat at mabusisi na dinesisyunan ang nasabing kaso na umabot pa hanggang Korte Suprema.Si Rommel ay inakusahan ng murder para sa pamamaslang diumano kay alyas “Sandy”. Batay sa paratang na inihain ng tagausig, tinambangan umano ng pamamaril ni Rommel si Sandy, bandang alas-3 ng hapon, noong Marso 21, 2016, sa Munisipalidad ng Infanta, sa Probinsya ng Quezon. Ang naturang pananambang ay ginawa diumano nang mayroong pagtatraydor o treachery, sapagkat ito ay biglaan. Kung kaya’t hindi na umano nakasalag ang biktima at ang mga tama ng bala ang siyang naghatid sa kanya sa huling hantungan.


Si Norli, isa sa mga tumayong saksi ng panig ng tagausig. Batay sa kanyang testimonya, sa Judicial Affidavit, siya ay panandalian umanong nagpapahinga malapit sa national road sa Barangay Pilaway, Infanta, Quezon, bandang alas-3 ng hapon, noong Marso 21, 2016, nang makita niya umano ang isang sasakyan na bahagyang tumigil upang magbigay-daan sa paparating na van. Pero biglang may tumigil na itim na motor sa tabi ng nasabing sasakyan. Bumaba ang backrider ng naturang motor at bigla pinagbabaril ang drayber ng sasakyan, na kalaunan ay kinilalang si Sandy. Umandar pa umano ang nasabing sasakyan, kung kaya’t pilit umano itong hinabol ng backrider. Sinubukan pa umano nito na magpakawala ng mga putok, ngunit nagbara na umano ang baril nito. Kaya naman, sumakay na lamang muli ang naturang backrider sa motor na minamaneho ng kasamahan nito.


Inilarawan umano ni Norli ang nagmamaneho ng motor bilang matangkad, payat, maitim ang balat at may dimple sa pisngi, habang backrider naman ay matangkad, mataba, at may nunal sa mukha.


Noong ika-2 ng Mayo 2016, naimbitahan umano si Norli sa Infanta Police Station. Ipinakita sa kanya ang “rouge gallery” na mayroong mga litrato ng mga naka-detinee sa nasabing istasyon. Positibo na kinilala ni Norli si Rommel bilang backrider na bumaril kay Sandy. May apat na metro umano ang layo niya sa sasakyan at lima hanggang anim na metro naman ang layo niya sa bumaril nang mangyari ang insidente. Sa hukuman ay kinilala rin diumano ni Norli si Rommel na siyang pumaslang kay Sandy.


Sa cross-examination, idinagdag umano ni Norli na nakasuot ng puting pang-itaas na damit si Rommel, shorts na may anim na bulsa at puting sumbrero. Tumestigo rin sa tagausig si Lowell na diumano ay katulong ng biktima. Nakita umano ni Lowell ang wala nang buhay na katawan ng biktima sa loob ng sasakyan, subalit hindi niya umano nasaksihan ang insidente ng pamamaril.


Para naman sa depensa, mariing pagtanggi ang iginiit ni Rommel. Diumano, umalis siya ng Los Baños, Laguna, bandang alas-8 ng umaga, noong Marso 21, 2016 patungo ng Recto sa Maynila. Narating niya umano ang naturang lugar bandang alas-10:30 ng umaga, at nakabalik siya sa Laguna, bandang alas-3 ng hapon ding iyon.


Saksi para sa depensa ang mga kaanak ni Rommel na sina Arvin, Fernando, Richard at Rodel. Pinatotohanan ng mga ito na nakita, nakausap at nakasama nila si Rommel bandang alas-2:30 ng hapon, noong Marso 21, 2016.


Sa ibinabang desisyon ng Regional Trial Court (RTC), guilty umano si Rommel sa krimen na Murder. Siya ay hinatulan na makulong sa parusang Reclusion Perpetua, at pinagbabayad ng mga danyos para sa mga naulila ng biktima.


Ang nasabing desisyon ay inapela ni Rommel sa Court of Appeals, subalit hindi pa rin siya pinalad. Maliban sa pangungulungan at pagbabayad ng mga danyos, nadagdagan pa ang parusa kay Rommel ng pagbabayad ng civil indemnity.


Gayunman, hindi nawalan ng pag-asa si Rommel. Sa tulong at representasyon ng aming tanggapan, sa katauhan ni Manananggol Pambayan E.D.G. Ong, iniangat ni Rommel ang kanyang apela sa Korte Suprema. Iginiit niya na bukod pa sa ibang mga pagkukulang ng tagausig, hindi umano napatunayan ang pagkakakilanlan ng salarin sa krimen. Kung kaya’t hindi rin umano napatunayan nang higit sa makatwirang pagdududa na siya ang nagkasala sa batas.


Sa muling pag-aaral sa kaso ni Rommel, sumang-ayon ang Kataas-taasang Hukuman na merong makatwirang pagdududa na si Rommel ang salarin sa naturang pamamaril. Napuna umano ng hukuman na bagaman napatunayan na pinaslang ang biktima sa isang malagim na krimen, wala umanong moral na katiyakan na ang isinakdal ang siyang may-akda nito. Kuwestyunable at kaduda-duda umano ang pamamaraan na ginawa ng mga pulis sa pagkilala sa kanya ng saksi na si Norli sa pamamagitan ng show-up, o kung saan ang suspek lamang ang ipinapakita sa saksi upang kilalanin nito. Para umano sa hukuman, impermissibly suggestive o hindi pinahihintulutang pagpapahiwatig ang naturang show-up. Maaari umanong tumetestigo si Norli hindi sa kanyang personal na kaalaman, kundi sa suhestyon ng mga sirkumstansya na ipinrisinta sa kanya.


Hindi rin ipinrisinta ng tagausig sa hukuman ang pulis na nagpresenta ng “rouge gallery” kay Rommel. Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, ang pagkukulang na ito ng tagausig ay nakakaapekto sa kredibilidad ng isinagawang proseso ng pagkilala ni Norli kay Rommel bilang salarin, sapagkat hindi naipaliwanag kung paano isinagawa ang presentasyon ng mga naka-detinee batay sa naturang “rouge gallery” at paanong nasabi ni Norli na si Rommel nga ang may-akda ng krimen.


Kaduda-duda rin umano ang naging pahayag ni Norli sa paraan ng kanyang pagkakakita sa salarin at antas ng kanyang pokus base sa distansya niya sa pangyayari. Batay umano sa kanyang naunang testimonya, may lima hanggang anim na metro ang kanyang layo mula sa rider at backrider ng motor; subalit, sa isa pa niyang testimonya, sinabi niya umano na ang barracks, kung nasaan naganap ang insidente ay may labing-limang metro ang layo sa pinangyarihan ng insidente. Dahil dito, hindi umano maisasantabi ang posibilidad na nagkamali si Norli sa kanyang pagkilala sa inakusahan bilang may-akda ng krimen.


Naging kapansin-pansin pa umano sa hukuman ang pagitan ng panahon na lumipas, isang buwan at dalawang linggo. Kapuna-puna rin umano na sa inisyal na pahayag ni Norli, inilarawan lamang niya ang bumaril bilang matangkad at matabang lalaki. Subalit nang tanungin na umano ito sa hukuman, sinabi umano nito na naka-puting damit ang salarin, detalye na hindi nakasaad sa kanyang mga sinumpaang salaysay.


Dahil sa mga butas na napuna ng Kataas-taasang Hukuman, higit silang naging maingat sa pagbababa ng kanilang hatol. Kinakailangan umano na maging maingat ang hukuman sa pagtanggap ng ebidensiya ukol sa pagkakakilanlan ng salarin lalo na kung ang pagkilala ay isinagawa ng nag-iisang saksi o sole witness lamang at sa testimonya lamang nito nakadepende ang magiging paghahatol.


Ipinaalala rin ng Kataas-taasang Hukuman, sa panulat ni Honorable Associate Justice Rodil V. Zalameda, ang kahalagahan ng pagpapatunay hindi lamang ng mga elemento ng krimen, kundi pati na rin ang positibong pagkakakilanlan sa salarin:


“Simply put, a successful prosecution of a criminal action largely depends on proof of two things: one, the identification of the author of the crime; and two, his or her actual commission of the same. An ample proof that the crime has been committed has no use if the prosecution is unable to convincingly prove the offender’s identity. The constitutional presumption of innocence that an accused enjoys is not demolished by an identification that is full of uncertainties.”


Sapagkat meron umanong makatwirang pagdududa sa pagkakakilanlan ng taong pumaslang kay Sandy, iginawad ng Korte Suprema ang pagpapawalang-sala kay Rommel. Ang nasabing Desisyon ay naging final and executory noong Oktubre 11, 2023.

Ang aming Tanggapan ay laging bukas sa mga nangangailangan ng katarungan. Sa kuwento na ito, kami ang naging katuwang ni Rommel upang makamit niya ang katarungan na minimithi ng napakaraming taon.


Bagaman, sa kabilang banda, nalulumbay kami sapagkat hindi pa rin nalulutas ang sinapit na pamamaslang sa biktima. Hangad din namin na makamtan niya ang katarungan, kahit pa siya ay nasa kabilang buhay na. Nawa ay matukoy na nang may katiyakan kung sino ang totoong pumaslang kay Sandy, at nawa ay mapanagutan na ng tunay na salarin ang karumal-dumal na krimen na kanyang ginawa.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page