top of page
Search
BULGAR

Kahalagahan ng malinaw at konkretong ebidensya

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 21, 2023


Minsan ang pagkamit ng hustisya para sa isa ay kawalan naman ng hustisya para sa iba.


Tila ganito ang nangyari kina Lito at Joel, mga pangunahing partido sa kasong “People of the Philippines vs. Lito Garcia y Mangubat” (CA-G.R. CR-HC No. 14847, August 22, 2022, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Victoria Isabel A. Paredes [14th Division]). Ang kuwentong tampok sa artikulo natin ngayon ay may kaugnayan sa nasabing kaso na hawak ng aming tanggapan.


Sa kasong ito, patuloy ang pagdaing ng biktima sapagkat hindi pa rin nito nakakamit ang hustisya dahil sa kakulangan ng ebidensya. Para sa nasabing biktima, patuloy na siya ay dumadaing na maigawad sa kanya ang hustisyang pinakamimithi ng kanyang mga naulilang mga mahal sa buhay.


Si Joel ay kaawa-awang biktima ng pamamaril. Ang taong inakusahan kaugnay sa kanyang pagpaslang ay si Lito, na kalaunan ay sinampahan ng kasong murder. Ang malagim na insidente ay naganap alas-7:00 ng gabi ng Marso 9, 2009 sa isang sitio sa Masbate.

Batay sa affidavit ni Beverly, asawa ni Joel, nagmamadaling pumasok sa kanyang bahay si Rene at ibinalita na binaril si Joel. Ayon diumano kay Rene, naglalakad sila ni Joel pauwi nang bigla na lamang sumulpot sa likuran ni Joel si Lito at pinaputukan ito ng baril sa ulo. Pinaputukan din diumano ni Lito si Joel sa kaliwang bahagi ng katawan nito at matapos iyon ay hinila ni Lito ang katawan ni Joel patungo sa tindahan ng isang nagngangalang Gina.


Subalit sa kanyang testimonya sa hukuman, sinabi ni Beverly na noong gabing nabanggit ay nasa loob siya ng kanilang bahay nang may marinig na balita ukol sa pamamaril. Agad siyang lumabas ng kanilang bahay at diumano ay nakita niyang binaril ni Lito ang kanyang asawa. Nakita rin diumano ni Beverly na hinila ni Lito si Joel patungo sa tindahan ni Gina.


Naipa-blotter ni Rene ang mga impormasyon ukol sa nasabing insidente ng pamamaril noong Marso 10, 2009 na ng umaga, ngunit hindi niya kasama si Beverly noong siya ay nagpatala.


Mariing pagtanggi at alibi ang iginiit ni Lito. Ayon sa kanya, mula Enero hanggang Mayo ng 2009 ay nasa Mongol bongol, Samar siya at du’n ay nangingisda. Pinatotohanan ni Dominador na kasama niyang mangisda si Lito noong petsa ng insidente. Gayunman, conviction ang naging hatol ng Regional Trial Court (RTC) kay Lito.


Naghain ng Motion for Reconsideration si Lito, ngunit na-deny ito. Umakyat siya sa pamamagitan ng apela sa Court of Appeals (CA) at iginiit na mali ang naging hatol ng RTC sapagkat ibinatay nito ang hatol sa circumstantial evidence subalit hindi naman sapat ang mga isinumiteng ebidensya ng prosekusyon, lalo na ang kakulangan ng pagtukoy sa pagkakakilanlan ng bumaril sa biktima.


Nakamit ni Lito ang inaasam; siya ay kinatigan ng CA sa kanyang apela. Ayon sa CA, hindi naging sapat ang ebidensya ng prosekusyon upang mabuo sa kanilang isipan na si Lito nga ang taong pumaslang kay Joel. Bagama’t tumestigo si Beverly na asawa ng namayapang biktima, naging kapuna-puna sa CA ang pagkakasalungat ng kanyang naging salaysay at testimonya.


Napuna rin ng CA na ibinatay ng RTC sa blotter ang pagkakakilanlan ni Lito. Subalit, ang naturang blotter ay hindi naman ini-offer bilang ebidensya sa hukuman. Kung kaya’t mali ang RTC na pagbatayan ang naturang blotter sa naging hatol nito.


Bagama’t nagsumite ang prosekusyon ng circumstantial evidence, hindi nakumbinsi ang CA na mayroong moral na katiyakan na si Lito ang salarin.


Batay sa CA, bagama’t tinatanggap ang circumstantial evidence kahit walang direktang ebidensya na susuporta sa mga paratang, kinakailangan na ito ay binubuo ng mga magkakaayon na sirkumstansya na positibong tutukoy sa pagkakasala ng taong inaakusahan.


Sa kaso ni Lito, wala diumanong patunay na positibo at walang pag-aalinlangan siyang nakilala bilang taong mismong bumaril kay Joel. Kung kaya’t binigyang-diin ng CA ang mandato ng ating Konstitusyon na ang taong inakusahan sa isang kasong kriminal ay mananatiling inosente hanggang ang kanyang pagkakasala ay lubos na mapatunayan.


Sapagkat, sadyang hindi napatunayan na si Lito nga ang pumaslang kay Joel, kinakailangan na siya ay ipawalang-sala ayon sa CA.


Ang aral na maaari nating makuha sa kasong ito ay ang lubos na kahalagahan ng malinaw at konkretong ebidensya, direkta man o binubuo ng ilang mga sirkumstansya, na magpapatunay hindi lamang na nangyari ang krimen, bagkus pati ang positibong pagkakakilanlan ng salarin sa krimen.


Kailangang-kailangan na kapwang mapatunayan ang mga iyon upang makamit ng biktima, lalo na ang namayapa, ang karampatang hustisya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page