top of page
Search
BULGAR

Kahalagahan ng job-skills matching sa LUCs

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 29, 2021


Mahalaga ang papel ng mga local universities and colleges (LUCs) sa pagresolba sa mga suliranin sa trabaho, pagpapalago ng ating ekonomiya at pagbangon ng Pilipinas mula sa pandemya.


Habang patuloy ang pagbangon ng ating bansa mula sa pinsalang dulot ng COVID-19 pandemic, nais natin pagtuunan ng pansin ang kahalagahan ng paghahatid ng edukasyon ng mga LUCs habang tinutugunan natin ang suliranin sa jobs-skills mismatch.


Sa webinar na isinagawa kamakailan ng Philippine Futures Thinking Society at ng Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela na pinamagatang “The Future of Local Colleges and Universities,” binigyang- diin natin ang malaking potensiyal ng mga LUCs na tugunan ang jobs-skills mismatch habang naghahatid ng edukasyon sa ating mga kababayan. Dahil ang mga LUCs ay nag-uulat sa mga local government units (LGU) na nagtatag sa kanila, mas mabilis silang rumesponde sa mga lokal na sitwasyon at pangangailangan, lalo na sa pagsasanay ng mga skilled professionals na kailangan ng mga LGUs.


Mahalaga para sa mga LUCs na maging sentro ng human capital development at maging bahagi ng pagpaplano ng mga LGUs. Dapat din nilang patatagin ang ugnayan sa pribadong sektor, magpatupad ng kurikulum na angkop sa Fourth Industrial Revolution, at isulong ang flexible learning methods.


Kailangan ding suriin ang kalidad ng edukasyon na inihahatid ng LUCs dahil dapat mayroong sapat na kakayahan ang mga magsisipagtapos upang balang araw ay magkaroon sila ng maayos na trabaho.


Base sa Commission on Higher Education (CHED), may 121 LUCs sa bansa, katumbas ng limang porsiyento ng mahigit 2,000 higher education institutions (HEIs) sa bansa noong school year (SY) 2019-2020. May halos 250,000 mag-aaral sa mga LUCs noong SY 2019-2020, katumbas ng pitong porsiyento ng enrollment sa mga HEIs.


Upang matiyak na ang pagkakaroon ng de-kalidad na edukasyon ang pangunahing konsiderasyon ng mga LGU sa pagtatayo ng HEI, inihain natin ang Senate Bill No. 370 o ang Local Universities and Colleges Governance Act. Sa ilalim ng naturang panukala, magkakaroon ng pamantayan sa pagtatatag at pagpapatakbo ng mga LUCs.


Itinulak din ng inyong lingkod na maging bahagi ang LUCs sa Universal Access to Quality Tertiary Education (Republic Act No. 10931) Act o ang free higher education law. Sa ilalim ng batas, ang mga mag-aaral sa CHED-accredited na mga LUCs ay hindi na magbabayad ng matrikula at iba pang mga bayarin.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page