ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | August 05, 2021
Ginugunita tuwing Agosto ang National Breastfeeding Awareness Month. Ngayong unang linggo naman ng buwan ay dinaraos ang World Breastfeeding Week.
Maraming benepisyong makukuha hindi lamang ang sanggol kundi pati na rin ang nanay sa pagpapasuso.
Ang maaga at exclusive na breastfeeding ang isa sa may pinakamalaking impact sa pagsigurong mabubuhay ang isang sanggol.
Ayon sa United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF), “Breastfed children have at least six times greater chance of survival in the early months than non-breastfed children.”
“An exclusively breastfed child is 14 times less likely to die in the first six months than a non-breastfed child, and breastfeeding drastically reduces deaths from acute respiratory infection and diarrhoea, two major child killers,” dagdag nito.
Binigyang-diin din nito ang halaga ng pagpapasuso sa mahihirap na bansa kung saan talamak ang mga sakit at limitado ang access sa malinis na tubig at sanitation.
Para naman sa mga nanay, natagpuang nakatutulong ang pagpapasuso sa pagprotekta laban sa breast at ovarian cancer, depression, diabetes, at hypertension.
☻☻☻
Sa ating bansa, sinusubukan ng pamahalaan na mabigyan ng karampatang suporta ang maayos na nutrisyon ng mga bata.
Naisabatas ang First 1,000 Days Law (Republic Act 11148) na nagtatakda ng suporta ng pamahalaan mula conception hanggang sa umabot ng dalawang taong gulang ang sanggol.
Minamandato ng batas ang exclusive breastfeeding mula sa unang oras ng pagkapanganak ng sanggol hanggang anim na buwan, at ang patuloy na pagpapasuso hanggang sa dalawang taong gulang.
Sa panahon ngayon, hindi lubos na mabibigyang-diin ang halaga ng pagkakaroon ng bata ng tamang nutrisyon.
Ayon sa World Bank report na “Undernutrition in the Philippines: Scale, Scope and Opportunities for Nutrition Policy and Programming,” 30 percent ng batang Pinoy na under five years old ay stunted.
Ang stunting rate sa bansa ang fifth highest sa East Asia at Pacific region, at kabilang sa top 10 bansa sa buong mundo.
☻☻☻
Malaki ang papel na ginagampanan ng breastfeeding sa pagsiguro ng maayos na paglaki ng bata.
Kung kaya, nananawagan tayo sa Department of Health, local government units, at iba pang ahensiya na patuloy na ipatupad ang mga nakasaad sa First 1000 Days Law.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments