top of page
Search

Kahalagahan ng balance excercises

BULGAR

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Jan. 27, 2025





Dear Doc Erwin, 


Ipinayo sa akin ng aking kaibigan na mag-balance exercises ako. Ayon sa kanya ay nakatulong ito sa kanya upang magawa niya ang mga pang-araw-araw na gawain niya.

 

Ako ay 59 years old, at sa paglipas ng panahon ay napansin ko na bumagal na ang aking paglalakad at unti-unting humihina na aking pangangatawan.


Ano ba ang mga balance exercises? Anu-ano ba ang mga uri ng balance exercises? At paano ito makakatulong sa akin upang magawa ang pang-araw-araw na gawain? -- Ramon


 

Maraming salamat Ramon sa iyong pagliham at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.


Ayon kay Dr. Ayelet Dunsky ng School of Human Movement at Sport Sciences ng Wingate Institute sa bansang Israel, habang ang tao ay tumatanda, humihina ang ating abilidad upang makontrol ang ating balanse habang ginagawa natin ang ating pang-araw-araw na gawain (activities of daily living). Batay sa kanya, ito ay dahil sa unti-unting paghina ng ating sensory systems, cognitive system at musculoskeletal system. Dahil dito sa ating pagtanda mas madali tayong matumba o mahulog sa ating mga activities of daily living (ADL) na maaaring maging sanhi ng physical injuries na makakaapekto sa kalidad ng ating pamumuhay (quality of life). 


Dahil sa mga nabanggit na paghina ng ating pangangatawan at kakayanan sa pagbalanse, sinabi ni Dr. Dunsky na nagkakaroon tayo ng mga physical limitations, anxiety, loss of confidence at pagkatakot na matumba o mahulog.


Mababasa ang artikulo ni Dr. Dunsky sa Frontiers In Aging Neuroscience journal na nailathala noong November 15, 2019. Anu-anong uri ng balance exercises ang maaari nating gawin upang lumakas ang ating abilidad at mapanatili ang ating balanse at maiwasang matumba at mahulog? 


Ayon sa National Health Service (NHS) ng bansang United Kingdom (UK), ang mga exercises na ito ay ang sideways walking, simple grapevine, heel-to-toe walk, at one-leg stand at step-up exercises. Ipinapayo ng NHS na gawin ang mga exercises na ito kasama ng iba’t ubang uri ng exercise, na hindi bababa sa dalawang beses sa isang linggo. Makikita ang mga exercises nito sa website ng NHS sa link na ito: https://www.nhs.uk/live-well/exercise/balance-exercises/.


Makakatulong din ang mga balance exercises na ipinapayo ni Dr. Peter Attia sa kanyang YouTube channel (www.youtube.com/@PeterAttiaMD) kung saan gumagamit ng balance training board at ankle o foot board. Mag-ingat lamang sa exercises na ito dahil mas advance na ang mga exercise na ito at kinakailangan ng training o kaya assistance kung planong gamitin ang mga equipment na ito.


Sa pamamagitan ng pagsagawa ng mga balance exercises na nabanggit, maiiwasan natin ang mga physical injuries na maaaring makaapekto sa ating mobility. Maiiwasan din na mawala o mabawasan ang ating self-confidence sa pagsagawa ng ating ADL, anxiety, o takot na tayo ay mahulog o matumba.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page