ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 3, 2025

Dear Chief Acosta,
Inaangkin ng iba ang lupa na aking minana mula sa aking ina. Bilang patunay ay mayroon akong deed of sale kung saan binili ng aking lolo noong taong 1985 ang nasabing lupa mula sa kanyang kapatid. Maaari pa rin bang magamit bilang ebidensya ang isang dokumento na 40 taon na ang lumipas mula nang ginawa ito? -- Andronico
Dear Andronico,
Ayon sa Rule 130, Section 2 ng A.M. No. 19-08-15-SC, na inilabas ng ating Korte Suprema noong 8 Oktubre 2019, ang documentary evidence ay binubuo ng mga sulat, recording, litrato o anumang materyal na naglalaman ng mga titik, salita, tunog, numero, figure, simbolo, o katumbas nito, o iba pang paraan ng nakasulat na pagpapahayag, na iniaalok bilang patunay ng nilalaman ng mga ito. Kasama sa mga litrato ang mga still picture, drawing, stored images, x-ray films, motion picture, o video.
Alinsunod dito, kung ang deed of sale na iyong nabanggit ay notaryado, isa itong public document na maaaring magamit bilang ebidensya ng walang karagdagang ebidensya ng pagiging tunay nito. Samantalang kung ang nasabing deed of sale ay hindi notaryado, ito ay maituturing na isang private document kaya kailangan munang mapatunayan ang pagkakagawa at pagiging tunay nito bago ito maipresinta bilang ebidensya.
Gayunpaman, dahil 40 taon na ang nasabing deed of sale, ang Ancient Document Rule ay maaaring pumatnubay sa sitwasyon. Ang patakarang ito ay nakasaad sa Rule 132, Section 21 ng parehong rule:
“Section 21. When evidence of authenticity of private document not necessary. - Where a private document is more than thirty (30) years old, is produced from a custody in which it would naturally be found if genuine, and is unblemished by any alterations or circumstances of suspicion, no other evidence of its authenticity need be given.”
Sa iyong kaso, dahil mahigit 30 taon na ang nasabing deed of sale, maaari itong pumasok sa Ancient Document Rule, at hindi na kailangang magbigay ng ebidensya na magpapatunay ng pagiging tunay nito. Kailangan lamang ay makumpleto ang iba pang rekisito ng Ancient Document Rule. Ipinaliwanag ng ating Korte Suprema sa kasong Heirs of Demetria Lacsa vs. Court of Appeals et al. (G.R. Nos. 79597-98, May 20, 1991), sa panunulat ni Honorable Associate Justice Teodoro R. Padilla, na:
“Under the ‘ancient document rule,’ for a private ancient document to be exempt from proof of due execution and authenticity, it is not enough that it be more than thirty (30) years old; it is also necessary that the following requirements are fulfilled; (1) that it is produced from a custody in which it would naturally be found if genuine; and (2) that it is unblemished by any alteration or circumstances of suspicion. Xxx
Documents which affect real property, in order that they may bind third parties, must be recorded with the appropriate Register of Deeds. The documents in question, being certified as copies of originals on file with the Register of Deeds of Pampanga, can be said to be found in the proper custody. Clearly, therefore, the first two (2) requirements of the “ancient document rule” were met.”
Ayon sa nasabing kaso, hindi sapat na mahigit 30 taon na ang nasabing deed of sale upang ito ay pumasok sa Anciet Document Rule. Kinakailangan din na ang nasabing deed of sale ay mula sa kustodiya kung saan ito ay natural na makikita kung ito ay lehitimo, tulad kung ito ay mula sa kustodiya ng Register of Deeds. Sapagkat ang nasabing deed of sale ay nakakaapekto sa lupa na isang real property, kinakailangang ito ay nakarehistro sa naaangkop na Register of Deeds upang ito ay makaapekto sa ibang tao o third parties. Gayundin, kailangan na ang nasabing deed of sale ay walang bahid ng anumang pagbabago o mga pangyayari na kahina-hinala upang ito ay pumasok sa Ancient Document Rule.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments