@Buti na lang may SSS | October 10, 2021
Dear SSS,
Nais ko malaman kung ano ang tinatawag na Disbursement Account Enrollment Module ng SSS? Bakit ito mahalaga para sa mga miyembro at paano mag-enroll dito? —Thelma, Naga City
Sagot
Mabuting araw sa iyo Thelma! Bunsod ng pandemyang ating kinahaharap ngayon, nakita ng SSS ang malaking hamon ng pagre-release ng benepisyo at pautang gamit ang nakagawiang pagpapadala ng tseke sa pamamagitan ng koreo. Dahil dito, naglatag ang SSS ng mga pamamaraan upang mapabilis ang pagre-release ng benepisyo at pautang sa mga miyembro nito. Layunin din natin ang masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng aming mga miyembro, lalo na ngayong may pandemya. Simula noong 2020, ipinatupad ng SSS ang alternatibong pagbabayad ng benepisyo o kaya’y pautang sa pamamagitan ng Disbursement Account Enrollment Module o DAEM.
Sa pamamagitan nito, diretso nang papasok sa iyong enrolled account ang anumang benepisyo o pautang mula sa SSS. Maaari mong i-rehistro sa DAEM ang iyong bank account na nasa mga bangkong kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet).
Mahalaga ito dahil hindi mo na kailangang magtungo pa sa bangko upang i-encash o ideposito ang tseke na iyong tinanggap mula sa SSS.
Bago makapag-enrol sa DAEM, dapat tiyaking mayroon ng account sa My.SSS. Kung wala pa, maaari kang magtungo sa aming website (www.sss.gov.ph) at i-click mo ang “Member.” Dadalhin ka nito sa member login portal at i-click ang “Not yet registered in My.SSS?” upang mag-rehistro dito. Punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon at magpapadala ang SSS sa iyong inirehistrong e-mail address ng link upang magamit mo na ang iyong account.
Dahil mayroon ka ng My.SSS account, maaari ka ng mag-enroll sa DAEM. Una, mag-login ka sa iyong My.SSS account. Makikita mo ang DAEM sa E-Services Tab at i-click mo ito. Basahin mong mabuti ang mga paalala. I-tick mo ang box ng “I certify that I have read and understood the foregoing reminders on account enrollment,” at sunod i-click mo ang “Proceed.”
Piliin ang bank option at lilitaw sa screen ang mga pangalan bangko at piliin mo ang iyong bangko. Sunod, i-click mo ang “Select Document Type.” Sa bahaging ito, dapat kang mag-attach ng dokumento o katunayan ng iyong inirehistrong bank account. Maaari mong i-upload ang alinman sa sumusunod: kopya ng iyong ATM card na makikita ang account number at pangalan mo, bank certificate o statement kung naiisyu ito bago ang taong 2019, foreign remittance receipt, passbook, screenshot ng iyong online o mobile banking account, o validated deposit slip.
Tiyakin mo na malinaw ang kuha o pagkaka-scan ng dokumento. Dapat din na nababasa ang impormasyon na nakalagay dito. Maaari namang magsagawa ng karagdagang beripikasyon ang SSS upang matiyak na ikaw ang may-ari ng iyong account.
Sunod, i-tick mo ang box ng “I agree that the information…” Tapos, i-click mo ang “Enroll Disbursement Account.” Magpapadala ang SSS ng magkahiwalay na mensahe sa iyong e-mail address na natanggap na ang iyong account enrollment at ang status o resulta nito.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Commenti