by News @Balitang Probinsiya | Sep. 21, 2024
Maguindanao Del Sur -- Isang kagawad ang namatay nang pagbabarilin ng isang hindi kilalang armadong salarin kamakalawa sa Brgy. Bongo, South Upi sa lalawigang ito.
Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ay nakilalang si Kagawad Elvin Noires, nasa hustong gulang at residente sa nasabing barangay.
Ayon sa ulat, dumalo si Noires sa kasalan sa nasabing lugar nang biglang sumulpot ang suspek at agad pinagbabaril ang biktima.
Matapos tiyaking patay na ang biktima ay saka mabilis na tumakas ang salarin.
Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang suspek.
BAGITONG PUSHER, NASAKOTE
AKLAN -- Isang bagitong drug pusher ang naaresto sa buy-bust operation ng pulisya kamakalawa sa Brgy. Estancia, Kalibo sa lalawigang ito.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Jaymark Francisco, nasa hustong gulang at nakatira sa nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat, nagpanggap na buyer ng shabu ang mga otoridad at nang pagbentahan sila ni Francisco ng shabu ay agad dinakip ng mga operatiba ang suspek.
Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng 50 sachet ng hinihinalang shabu at marked money sa pag-iingat ng suspek.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
MAG-ASAWANG TULAK, HULI SA DRUG-BUST
ILOILO CITY -- Inaresto ng mga otoridad ang mag-asawang notoryus na drug pusher sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. North Fundidor, Molo District sa lungsod na ito.
Hindi na muna pinangalanan ang mag-asawang suspek na kapwa nasa hustong gulang at mga residente sa nasabing lalawigan habang iniimbestigahan pa sila ng mga otoridad.
Napag-alaman na may tinanggap na impormasyon ang pulisya na nagbebenta ng shabu ang mag-asawa kaya agad silang nagsagawa ng drug-bust operation na naging dahilan upang madakip ang mga suspek.
Ayon sa ulat, nakakumpiska ang mga otoridad ng sampung gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.
Nakapiit na ang mag-asawang suspek na kapwa nahahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.
GINANG, PINATAY NG RIDING-IN-TANDEM
DAVAO DEL SUR -- Isang ginang na rider ang namatay nang barilin ng riding-in-tandem kamakalawa sa Brgy. Poblacion, Sulop sa lalawigang ito.
Sa kahilingan ng kanyang pamilya ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng biktima na residente sa nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat, lulan ng kanyang motorsiklo ang ginang nang biglang sumulpot ang dalawang hindi kilalang suspek na nakasakay din sa isang motorsiklo at agad binaril sa mukha ang biktima.
Nang matiyak na patay na ang biktima ay saka mabilis na tumakas ang mga salarin.
Inaalam na ng mga otoridad ang motibo ng mga suspek sa pamamaslang sa biktima.
Comments